Tanong
Bakit mahalaga ang pagkabuhay na muli ni Hesu Kristo?
Sagot
Ang pagkabuhay na muli ni Hesu Kristo ay mahalaga dahil sa maraming kadahilanan. Una, ito ay isang katibayan ng walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Ang paniniwala sa pagkabuhay na muli ay paniniwala sa Diyos. Kung mayroong Diyos at kung Siya ang gumawa sa sangnilikha at Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng mga nilikha, mayroon Siyang kapangyarihan upang buhayin muli ang mga patay. Kung wala Siya ng ganitong kapangyarihan, Hindi Siya karapatdapat sa ating pananampalataya at pagsamba. Siya lamang na lumikha ng buhay ang tanging makabubuhay sa patay, at Siya lamang ang makapagaalis ng tibo ng kamatayan at makapagbibigay ng tagumpay laban sa libingan (1 Corinto 15:54-55). Sa pagbuhay Niya kay Kristo mula sa mga patay, ipinapaalala sa atin ng Diyos ang Kanyang walng hanggang kapangyarihan sa buhay at maging sa kamatayan.
Ikalawa, ang pagkabuhay na muli ni Hesu Kristo ay isang katibayan sa pagkabuhay na muli ng lahat ng tao, na siyang pangunahing pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano. Hindi gaya ng ibang mga relihiyon, ang Kristiyanismo lamang ang nagtataglay ng isang lider na napagtagumpayan ang kamatayan at Siyang nangako na mangyayari din ang gayon sa Kanyang mga tagasunod. Ang lahat ng lider ng relihiyon ay libingan lamang ang huling naging hantunngan. Bilang mga Kristyano, mayroon tayong kasiyahan sa katotohanan na ang ating Diyos ay nagkatawang tao, namatay para sa ating mga kasalanan, at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Hindi Siya napigilan ng kamatayan. Siya ay nabuhay at nabubuhay magpakailanman at ngayon ay nakaupo sa kanan ng Diyos Ama sa kalangitan.
Sa unang Corinto kabanata 15, ipinaliwanag ni Pablo ang kahalagahan ng pagkabuhay na muli ni Kristo. May ilang mananampalataya sa Corinto na hindi naniniwala sa pagkabuhay na muli ng mga patay, at sa kabanatang ito, ibinigay ni Pablo ang anim na mapanganib na konsekwensya kung walang pagkabuhay na muli ng mga patay: 1) ang pangangaral tungkol kay Kristo ay magiging walang kabuluhan (talata 14); 2) magiging walang katuturan ang pananampalataya (talata 14); 3) ang lahat ng mga saksi at nangangaral tungkol sa pagkabuhay na muli ay magiging sinungaling (talata 15); 4) wala pang nahahango mula sa kasalanan (talata 17); 5) ang lahat ng mga namatay na mananampalataya ay napahamak (talata 18); at, 6) ang mga Kristiyano ay magiging pinakakawawa sa lahat ng tao (talata 19). Ngunit si Hesus ay tunay na nabuhay mula sa mga patay bilang katibayan na bubuhaying muli ang mga patay (talata 20), at ito ang katiyakan na tayo ay bubuhayin din naman.
Ang Salita ng Diyos ang nagbibigay ng katiyakan sa pagkabuhay na muli ng mga mananampalataya sa muling pagdating ni Hesu Kristo para sa Kanyang katawan (ang Iglesia) sa pagdagit sa mananampalataya. Ang ganitong pag-asa at katiyakan ang dahilan ng awit ng tagumpay ni Pablo sa 1 Corinto 15:55, "Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, o kamatayan, ang iyong kamandag?"
Paanong iniuugnay ng mga huling talatang ito sa 1 Corinto 15 ang kahalagahan ng pagkabuhay na muli sa paglilingkod ng Kristiyano? Sinabi ni Pablo, "yamang alam ninyong di nasasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya." Ipinapaalala niya sa atin na dahi alam natin na tayo ay mabubuhay na muli sa isang panibagong buhay, makakaya nating lampasan ang lahat ng pag-uusig at lahat ng panganib sa ating paglilingkod alang alang kay Kristo (talata 29-31), gaya ng kanyang ginawa. Makakaya nating sundan ang halimbawa ng libu-libong mga martir sa kasaysayan ng Kristiyanismo na buong galak na ipinagpalit ang kanilang makalupang mga pangarap at maging ang kanilang buhay alang-alang sa buhay na walang hanggan at sa pagkabuhay na muli.
Ang pagkabuhay na muli ang maluwalhating tagumpay para sa bawat mananampalataya. Si Hesu Kristo ay namatay, inilibing, at bumangon sa libingan sa ikatlong araw ayon sa mga Kasulatan. At siya'y muling darating! Ang mga namatay kay Kristo ang unang bubuhayin, samantalang ang madadatnang buhay sa kanyang muling pagdating ay babaguhin at tatanggap ng maluwalhating katawan (1 Tessalonica 4:13-18). Bakit mahalaga ang pagkabuhay na muli ni Hesu Kristo sa ating kaligtasan? Ipinakikita nito ang ginawang pagtanggap ng Diyos Ama sa paghahandog ni Hesus para sa ating kaligtasan. Pinatutunayan din nito na ang Diyos ay may kapangyarihan na buhayin tayo mula sa mga patay. Binibigyang katiyakan nito ang lahat ng mga sumasampalataya kay Kristo na hindi sila mananatiling patay, manapa, sila ay muling bubuhayin at gugugulin ang buhay na walang hanggan kapiling ang Diyos at ang lahat na mga sumasampalataya. Ito ang ating dakilang pag-asa!
English
Bakit mahalaga ang pagkabuhay na muli ni Hesu Kristo?