settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkahiwalay? Ano ang ibig sabihin na nahiwalay tayo sa Diyos?

Sagot


Ang pagkahiwalay ay ang kalagayan ng hindi pagiging kasama sa isang grupo o pagkalayo mula sa isang tao o sitwasyon kung saan siya dating nakaugnay. Ang salitang pagkahiwalay ay isang salita para sa paglalayo. Inilalarawan sa Efeso 4:18 ang mga mananampalataya bilang mga walang “pang-unawa.” Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. Ang mahiwalay sa Diyos ay nangangahulugan na ginawa nating estranghero ang ating sarili dahil sa ating mga kasalanan.

Nilikha ng Diyos ang tao upang mabuhay na may malapit na pakikisama sa Kanya (Genesis 1:27). Tayo ay nilikha upang maging kagaya ng Diyos ng higit kaysa sa iba pang mga nilikha, ngunit mayroon tayong kalayaang pumili na naisin ang Panginoon bilang ating Diyos o kaya nama’y ang ating sarili ang ating gagawing diyos. Ang pagpiling ito ang nagdedetermina sa ating katayuan sa Kanya, kung mamumuhay tayo bilang mga dayuhan o bilang Kanyang mga minamahal na anak (Juan 1:12). Isinilang tayo na may makasalanang kalikasan at ang kalikasang ito ang dahilan kung bakit tayo naging mga kaaway ng ng Diyos (Roma 5:12). Ang ating makasalanang kalikasan ang dahilan kung bakit imposible na magkaroon tayo ng pakikisama sa Diyos o mabigyan natin siya ng kasiyahan sa anumang paraan (Roma 8:8). Nabubuhay tayo sa kalagayan ng pagkahiwalay sa Kanya, gaano man tayo magsikap na maging katanggap-tanggap sa Kanya dahil ang pamantayan ay ang Kanyang perpektong kabanalan at walang sinuman sa atin ang nakapasa sa pamantayang ito (Roma 3:10, 23; 6:23).

Dumating si Jesu Cristo sa mundo para ayusin ang pagkahiwalay natin sa Diyos. Dumating Siya upang maging ating kapayapaan (Efeso 2:14), upang ipagkasundo tayo sa Diyos (Roma 5:10; 2 Corinto 5:18). Ang pagkahiwalay natin sa Diyos ay kinapapalooban ng isang utang na hindi natin kayang bayaran. Ang tanging karapatdapat na pambayad para sa paghihimagsik laban sa Manlilikha ay walang hanggang pagdurusa sa dagat-dagatang apoy (Juan 3:16–18, 36; Roma 6:23; Mateo 25:46). Ang impiyerno ay ang lugar ng ganap na pagkahiwalay sa Diyos at ng kawalan ng pag-asa ng pakikipagkasundo sa Diyos o sa ating mga minamahal. Sa Huling Paghuhukom, ang hatol ni Jesus laban sa mga nahiwalay sa Kanya ang sesemento sa pagkahiwalay nila sa Diyos sa walang hanggan: “Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’” (Mateo 7:23).

Upang iligtas tayo sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos, isinugo ng Diyos Ama ang Kanyang Anak para bayaran ang utang na hindi natin kayang bayaran at akuin ang parusa na nararapat para sa atin (2 Corinto 5:21). Dahil sa paghahandog ni Cristo, maaari ng ituring ng Diyos na “bayad ng lahat” ang ating mga utang na kasalanan ng lumapit tayo kay Cristo sa pagsisisi at pananampalataya (Colosas 2:14). “Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway” (2 Corinto 5:18).

Sinasabi sa Efeso 2:18–19, “Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu. Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan.” Karaniwang hindi bumibili ang mga magulang ng sapatos at ng mga gamit sa eskwela para sa lahat ng bata sa buong komunidad. Kung gawin man nila ito, ‘yon ay maaaring simpleng dahil sila ay mabuti at may kakayahang pinansyal, ngunit wala silang obligasyon sa mga batang hindi naman nila anak. Gayundin naman sa Dios. Kung nabubuhay tayo ng hiwalay sa Kanya, walang obligasyon ang Diyos na pakinggan ang ating mga panalangin, aliwin tayo, o ingatan tayo sa panganib (Kawikaan 10:3; 28:9; Awit 66:18). Ngunit noong ampunin Niya tayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus, tayo ay naging Kanyang mga anak (Juan 1:12; Roma 8:15). Ginawa itong posible ni Jesus. Para sa ating lahat na minsang nahiwalay mula sa Diyos, maaari na tayong makipagkasundo sa Diyos bilang Kanyang mga anak dahil sa ginawa ni Jesu Cristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkahiwalay? Ano ang ibig sabihin na nahiwalay tayo sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries