Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagkahulog sa pag-ibig (falling in love)?
Sagot
Ang "mahulog sa pag-ibig" ay maging sobrang emosyonal para sa isang tao o "makaramdam" ng pag-ibig para sa kanya. Ang pagkahulog sa pag-ibig o "falling in love" ay isang ekspresyon na naglalarawan sa emosyonal na kundisyon ng isang tao kung nararanasan niya ang isang masarap na pakiramdam sa tuwing naiisip o nakikita ang isang tao na ipinagpapalagay na "pag-ibig." Hindi tinatalakay sa Bibliya ang konseptong ito ng pag-ibig, ngunit napakaraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa pag-ibig.
Inilalarawan ng Bibliya ang pag-ibig hindi bilang isang emosyon kundi isang pagpapasya. Pinipili nating umibig; na nangangahulugan na itinatalaga natin ang ating sarili para gawin ang pinakamabuti para sa isang tao. Ang ideya ng pagkahulog sa pag-ibig o 'falling in love' ay nakasalalay lamang sa magandang pakiramdam at sa emosyon na resulta ng pagragasa ng hormones. Ang biblikal na pananaw sa pag-ibig ay maaaring magkaroon ng pag-ibig ng hiwalay sa emosyon at pakiramdam; hindi kinakailangan ang hormones upang sundin ang utos na "ibigin ang kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili" (Santiago 2:8).
Siyempre, madalas na kasabay ng pag-ibig ang magandang pakiramdam at natural tayong naaakit ng isang tao na nagbibigay sa atin ng kasiya-siyang emosyon. At natural din na nakakaranas tayo ng positibong pakiramdam at pagragasa ng hormones kung kasama natin ang ating asawa. Ngunit kung ang emosyon lamang ang basehan ng pag-ibig, magkakaroon tayo ng malaking problema. Paano kung mawala na ang masarap na pakiramdam? Paano kung tumigil na ang pagragasa ng hormones? Paano kung hindi na natin 'nararamdaman' ang pag-ibig?
Hindi dapat isipin na ang pag-ibig ay nakadepende lamang sa pakiramdam o romantikong atraksyon na madaling lumilipas. Ang "pagkahulog sa pag-ibig" ay isang konsepto na nagbibigyay diin sa emosyonal na kundisyon. Ang pagkakaayos ng parirala ay halos katumbas ng paniniwala na ang pag-ibig ay isa lamang aksidente: Halimbawa ang pangungusap na "hindi ko kayang hindi umibig sa iyo" ay isang magandang liriko ng isang kanta, ngunit sa tunay na buhay, responsable tayo sa pagkontrol sa ating emosyon. Maraming relasyong magasawa ang nagwakas (at maraming relasyon ang nagumpisa) dahil nahulog sa pag-ibig ang isang lalaki sa isang maling babae. Kinamumuhian ng Diyos ang diborsyo (Malakias 2:16), gaano man katindi ang pagkahulog sa pag-ibig ng isang babae o lalaki.
Hindi isang kalagayan na aksidenteng kinahulugan natin ang pag-ibig. Ito ay pagtatalaga ng sarili sa isang tao na pinalalago araw-araw. Bahagi ng problema sa ideya ng pagkahulog sa pag-ibig ang pagpilipit ng mundo sa kahulugan ng pag-ibig. Mas tamang sabihin na ang isang taong "nahulog sa pag-ibig" ay "nahulog sa pagnanasa" o "nahulog sa kahibangan" o "nahulog sa pagdepende sa isang tao." Ayon sa Bibliya ang pag-ibig ang "pinakamabuti sa lahat" (1 Corinto 12:31). "Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob" (1 Corinto 13:4), at hindi tayo basta aksidenteng nahuhulog sa katiyagaan at kagandahang loob. Habang mas lumalago tayo sa pag-ibig, mas lalo tayong nagiging mapagbigay at mas naiisip natin ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa ating sariling kapakanan (tingnan ang Juan 3:16 at 1 Juan 4:10).
Isang napakagandang parirala ang "pagkahulog sa pag-ibig" (falling in love), at ipinapahiwatig nito ang isang masarap na pakiramdam sa pagpasok sa isang minimithing romansa. Hindi masama ang ganitong pakiramdam at posible na ang mga nahulog sa pag-ibig ay nakatagpo na perpektong kapareha. Ngunit dapat nating laging tandaan na ang pag-ibig ay higit pa sa emosyonal na pakiramdam base sa pisikal na atraksyon. Minsan, nabubulag ang mga taong "nahuhulog sa pag-ibig" sa realidad ng sitwasyon at madaling naipagkakamali ang tindi ng emosyon para sa isang tunay na pag-ibig. Binanggit ng babaeng kasintahan sa Awit ni Solomon ang pagiging permanente ng tunay na pag-ibig habang kinakausap ang kanyang asawa: "Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong, O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon; sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy" (Awit ni Solomon 8:6). Sa ibang salita, "Ipangako mo sa akin ang lahat ng iyong atensyon, ang lahat ng iyong emosyon, at ang lahat ng iyong lakas."
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagkahulog sa pag-ibig (falling in love)?