Tanong
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Romano Katoliko at Simbahang Protestante?
Sagot
Maraming mga napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Romano Katoliko at Simbahang Protestante. Habang marami ang nagtatangka na humanap ng pagkakasundo sa dalawang grupo sa pagdaan ng mga panahon, nananatili pa rin ang mga pagkakaiba at ang mga pagkakaibang ito ay kagaya pa rin sa pasimula ng repormasyong Protestante hanggang sa kasalukuyan. Ang mga sumusunod ay maiksing pagbubuod ng ilang mga pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng dalawang grupo..
Ang isa sa mga pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Romano Katoliko at Protestante ay ang isyu sa kasapatan at awtoridad ng Kasulatan. Naniniwala ang mga Protestante na tanging ang Bibliya lamang ang nagiisang pinanggagalingan ng espesyal na kapahayagan ng Diyos sa sangkatauhan at itinuturo nito ang lahat na dapat malaman ng tao tungkol sa kaligatasan at mga gawang nakalulugod sa Diyos. Kinikilala ng mga Protestante ang Bibliya bilang sukatan kung saan dapat ihambing ang pananampalataya at mga gawa ng mananampalataya. Ang paniniwalang ito ay karaniwang tinatawag na "Sola Scriptura" at isa sa "Limang Solas" (ang sola ay latin para sa tangi o nagiisa) na lumabas sa repormasyong Protestante at isa mga pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Katoliko Romano at mga Protestante.
Habang napakaraming mga talata sa Bibliya kung saan itinatag ang awtoridad at kasapatan nito sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pananampalataya at mga gawa, ang isa sa pinakamalinaw na talata ay ang 2 Timoteo 3:16 kung saan mababasa, "Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:" Sa kabilang banda naman, tinatanggihan ng mga Romano Katoliko ang doktrina ng Sola Scriptura at hindi pinaniniwalaan na sapat na ang Bibliya. Naniniwala sila na parehong kailangan ang Bibliya at ang "sagradong" tradisyon ng Simbahang Katoliko bilang kanilang awtoridad. Marami sa mga doktrina ng Simbahang Katoliko gaya ng purgatoyo, pananalangin sa mga namatay na santo, pagsamba at pagpupugay kay Maria at iba pa ay walang basehan sa Kasulatan kundi ayon lamang sa mga tradisyon ng Romano Katoliko. Sa esensya, ang pagtanggi ng Simbahang Katoliko sa Sola Scriptura at ang kanilang pagpipilit na may pantay na awtoridad ang mga tradisyon ng Simbahan sa Bibliya ang nagpapawalang saysay sa kasapatan, awtoridad at pagiging kumpleto ng Bibliya. Ang pananaw tungkol sa awtoridad ng Bibliya ang ugat ng marami, kung hindi man ng lahat na mga pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Katoliko at mga Protestante.
Ang isa pang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Katoliko at mga Protestante na may kaugnayan sa awtoridad ay ang gawain at awtoridad ng Papa. Ayon sa Katolisismo, ang Papa ang "Vicar of Christ" o "Kahalili ni Kristo" (ang vicar ay isang kahalili) at siya ang pumalit sa pwesto ni Hesus bilang nakikitang ulo ng Iglesya. Dahil dito, anumang sabihin niya na may kinalaman sa doktrina ay itinuturing na "ex-ctahedra" (may kapangyarihan sa lahat ng katuruan at gawang panrelihiyon), at kung magtuturo siya, ang kanyang itinuro ay itinuturing na hindi nagkakamali at dapat na sumunod doon ang mga Katoliko Romano. Sa isang banda naman, pinaniniwalaan ng mga Protestante na walang taong hindi nagkakamali at si Kristo lamang ang pinuno ng iglesya. Pinagtitiwalaan ng mga Romano Katoliko ang pagsasalin ng awtoridad sa mga kahalili ng mga apostol upang itatag ang awtoridad ng Papa. Ngunit naniniwala ang mga Protestante na hindi nanggagaling ang awtoridad sa pagsasalin ng awtoridad sa mga apostol kundi sa nasulat na Salita ng Diyos - ang Bibliya. Ang espiritwal na kapangyarihan at awtoridad ay hindi nakasalalay sa mga kamay ng tao kundi sa mismong Salita ng Diyos na naitala sa Bibliya. Habang itinuturo ng simbahang Romano Katoliko na ang simbahang Katoliko lamang ang may kakayahang maunawaan ng tama ang Bibliya, pinaniniwalaan naman ng mga Protestante na ipinadala ng Diyos ang Banal na Espiritu upang manahan sa mga isinilang na muling mananampalataya upang bigyan sila ng kakayahan na maunawaan ang mensahe ng Diyos na nakasulat sa Bibliya.
Ito ay malinaw na makikita sa mga talata gaya ng Juan 14:16-17: “At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man, Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.”
Hindi ko kayo iiwang magisa: ako'y paririto sa inyo" (Tingnan din ang Juan 14:26 at 1 Juan 2:27). Habang itinuturo ng Katolisismo na tanging ang Simbahang Katoliko lamang ang may kapangyarihan at awtoridad upang ipaliwanag ang Bibliya, kinikilala naman ng mga Protestante ang doktrina ng Bibliya tungkol sa pagiging saserdote ng lahat ng mananampalataya, at mapagtitiwalaan ng bawat mananampalataya ang Banal na Espiritu para sa paggabay sa kanila sa pagbabasa at pagunawa sa katuruan ng Bibliya.
Ang ikatlong pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Katolisismo at Protestante ay kung paano maliligtas ang tao. Ang isa pa sa limang "Solas" ng repormasyong Protestante ay ang "Sola Fide" o pananampalataya lamang, na pinagtitibay ang doktrina ng Bibliya ng pagpapawalang sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo (Efeso 2:8-10). Ngunit, ayon sa simbahang Romano Katoliko, hindi maliligtas ang tao sa pamamagitan lamang ni Kristo at ng pananampalataya. Itinuturo nila na dapat magtiwala ang tao sa kanyang pananampalataya at sa "mga katanggap tanggap na gawa" upang maligtas. Napakahalaga sa doktrina ng kaligtasan ng Simbahang Katoliko ang pitong sakramento gaya ng sumusunod: sakramento ng binyag, kumpil, kumpisal, kumunyon, eukaristiya o misa, pagpapari o pagmamadre, matrimonyo ng kasal at pagbabasbas o pananalangin sa patay. Naniniwala ang mga Protestante na dahil sa pananampalataya kay Kristo lamang, ang mananampalataya ay pinawalang sala ng Diyos dahil ang lahat ng kanilang mga kasalanan ay binayaran ni Hesus doon sa krus at ang Kanyang katwiran ay ibinigay sa sinumang sumasampalataya sa Kanya. Ang mga Katoliko naman ay naniniwala na ang katwiran ni Kristo ay ipinagkakaloob din sa mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya ngunit hindi iyon sapat upang mapawalang sala ang mananampalataya. Kailangang dagdagan nila ang kanilang pananampalataya ng katwiran ni Kristo na ipinagkakaloob sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mabubuting gawa.
Hindi rin nagkakasundo ang mga Romano Katoliko at Protestante sa kahulugan ng pagpapawalang sala sa harapan ng Diyos. Para sa mga Katoliko, ang pagpapawalang sala ay kinapapalooban ng pagiging banal at makatwiran sa sariling lakas at kakayahan. Naniniwala sila na ang pananampalataya kay Kristo ay pasimula lamang ng kaligtasan at ang bawat indibidwal ay kailangang gumawa ng mabubuting mga gawa dahil "kailangan ng taong makamit ang biyaya ng Diyos ng pagpapawalang sala at walang hanggang kaligtasan." Ngunit ang pananaw na ito tungkol sa pagpapawalang sala ay sumasalungat sa malinaw na katuruan ng Bibliya sa mga talata gaya ng Roma 4:1-12; Tito 3:3-7, at marami pang iba. Sa isang banda, kinikilala naman ng mga Protestante ang minsanang pagpapawalang sala (ng ideklara tayo ng Diyos na makatwiran at banal dahilan sa ating pananampalataya sa pagtubos ni Hesus sa atin doon sa Krus) at sa pagpapaging banal (ang nagpapatuloy na proseso ng pagpapawalang sala habang nabubuhay tayo dito sa lupa). Habang kinikilala ng mga Protestante na mahalaga rin ang mabubuting gawa, naniniwala sila na ang mga ito ay bunga lamang ng kaligtasan at hindi kasangkapan sa kaligtasan. Pinaghahalo ng Romano Katoliko ang pagpapawalang sala at pagpapaging banal sa isang nagpapatuloy na proseso, na nagbubunga sa kalituhan kung paano maliligtas ang isang tao.
Ang ika-apat na pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Romano Katoliko at Protestante ay tungkol sa mangyayari sa tao pagkatapos ng kamatayan. Habang pareho silang naniniwala na gugugulin ng mga hindi mananampalataya ang kanilang walang hanggan sa impiyerno, may malaking pagkakaiba sa mangyayari sa mga mananampalataya kung sila'y mamatay. Mula sa mga tradisyon ng Simbahang Katoliko at dahil sa kanilang paniniwala sa mga hindi kanonikadong mga aklat, naniniwala ang mga Romano Katoliko sa doktrina ng Purgatoryo. Ang Purgatoryo ayon sa diksyunaryong Katoliko ay ang "lugar o kundisyon ng pansamantalang pagpaparusa para sa mga namatay na hindi malaya sa mga benyal na kasalanan o sa mga hindi nakabayad ng buo sa kanilang mga pagkakasala habang nasa lupa." Sa kabilang dako naman, naniniwala ang mga Protestante na napawalang sala na ang mga mananampalataya dahil sa kanilang pananampalataya kay Kristo lamang at dahil ipinagkaloob na sa kanila ang katwrian ni Kristo, pupunta sila diretso sa langit at mapapasa-piling ng Panginoong Hesu Kristo pagkatapos ng kanilang kamatayan (Corinto 5:6-10 at Filipos 1:23).
Ngunit ang mas nakakabahala tungkol sa doktrina ng purgatoryo ng simbahang Katoliko ay ang katuruan na maaaring mabayaran ang kasalanan ng taong nasa purgatoryo sa pamamagitan ng indulhensya ng kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay na nabubuhay pa sa lupa. Ang doktrinang ito at ang maling pagkaunawa sa katuruan ng Bibliya tungkol sa pagpapawalang sala ay nagbunga sa mababang pagtingin sa kasapatan at kapangyarihan ng pagtubos ni Kristo. Sa simpleng pananalita, ang pananaw ng simbahang Katoliko sa kaligtasan ay hindi sapat ang pagsasakripisyo ni Kristo sa krus para sa mga sumasampalataya sa Kanya at kailangan pa ng isang mananampalataya na tubusin ang kanyang sariling kasalanan o magbayad ng kanyang sariling kasalanan sa pamamagitan ng pagpipipenitensya para mapaikli ang kanyang panahong ilalagi sa purgatoryo. Ngunit paulit-ulit na itinuturo ng Bibliya na ang kamatayan lamang ni Kristo ang katanggap-tanggap na kabayaran para sa ating mga kasalanan at ito lamang ang makapapawi sa poot ng Diyos laban sa mga makasalanan (Roma 3:25; Hebreo 2:17; 1 Juan 2:2; 1 Juan 4:10). Ang ating mga gawang ayon sa katuwiran ay hindi maaaring magdagdag sa nagawa ng kamatayan ni Kristo.
Habang napakaraming mga pagkakaiba sa pinaniniwalaan ng mga Katoliko at mga Protestante, ang apat na ito ay sapat na upang ipakita na may napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kung paanong sinulatan ni Pablo ang mga miyembro ng relihiyong Judaismo (Mga Hudyo na nagsasabi sa mga hentil na kinakailangan nilang sundin ang mga Kautusan sa Lumang Tipan upang maligtas) sa kanyang sulat sa mga taga Galacia, ang paniniwala ng mga Katoliko na kailangan ang gawa upang mapawalang sala ng Diyos ay “ibang Ebanghelyo.” Napakalaki at napakakrusyal ng pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Katoiliko at Protestante.
Dalangin namin sa Diyos na nawa'y buksan Niya ang mata ng sinumang makakabasa ng artikulong ito na nagtitiwala sa mga katuruan ng Simbahang Katoliko. Kami’y umaasa na nawa'y maunawaan ng mambabasa na hindi makakapagpawalang sala o makakapagpabanal man ang mabubuting gawa ng tao (Isaias 64:6). Aming dalangin na nawa'y ilagak ng lahat ang kanilang pananampalataya sa katotohanan na ang tao'y "Inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus: na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo" (Roma 3:24-25a). Iniligtas ng Diyos ang tao, "hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo, na kaniyang ibinuhos ng sagana sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas; upang, sa pagkaaring-ganap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, ay maging tagapagmana tayo ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan" (Tito 3:5-7).
English
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Simbahang Romano Katoliko at Simbahang Protestante?