Tanong
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanismo at Judaismo?
Sagot
Sa lahat ng relihiyon sa mundo, ang Kristiyanismo at Judaismo ang halos magkapareho. Parehong naniniwala ang Kristiyanismo at Judaismo sa iisang Diyos na makapangyarihan sa lahat, nakakaalam ng lahat ng bagay, nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon, walang hanggan at walang katapusan. Naniniwala ang dalawang relihiyon sa isang Diyos na banal, makatarungan, at makatuwiran, ngunit Diyos din na puno ng pag-ibig, mapagpatawad at mahabagin. Parehong ginagamit ng dalawang relihiyon ang Kasulatang Hebreo (ang Lumang Tipan) bilang mapagkakatiwalaang Salita ng Diyos bagama't kasama sa pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ang Bagong Tipan. Parehong naniniwala ang dalawang relihiyon sa langit, ang walang hanggang tahanan ng mga matuwid at sa impiyerno, ang walang hanggang hantungan ng mga makasalanan (bagama't hindi lahat ng Kristyano at Hudyo ay naniniwala na walang hanggan ang impiyerno). May parehong pamantayan ng tama at mali ang Kristiyanismo at Judaismo, na karaniwang tinatawag ngayon na Judeo-Kristiyano. Parehong itinuturo ng dalawang relihiyon na may espesyal na plano ang Diyos para sa bansang Israel at sa mga Hudyo.
Ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanismo at Judaismo ay ang kanilang paniniwala sa persona ni Jesu Cristo. Itinuturo ng Kristiyanismo na si Jesu Cristo ang katuparan ng lahat ng mga hula sa Lumang Tipan patungkol sa isang 'darating na Tagapagligtas' (Isaias 7:14; 9:6-7; Mikas 5:2). Kinikilala naman ng Judaismo si Jesu Cristo bilang isang mabuting guro, at maging bilang isang propeta ng Diyos. Hindi naniniwala ang Judaismo na si Jesus ang Mesiyas o Tagapagligtas. Pinaniniwalaan naman ng Kristiyanismo na si Jesu Cristo ang Diyos na nagkatawang tao (Juan 1:1,14; Hebreo 1:8). Itinuturo ng Kristiyanismo na nagkatawang tao ang Diyos sa persona ni Jesu Cristo upang maibigay Niya ang Kanyang buhay bilang kabayaran para sa mga kasalanan (Roma 5:8; 2 Corinto 5:21). Mariing tinatanggihan ng Judaismo ang pagka-Diyos ni Jesus maging ang pangangailangan ng Kanyang paghahandog.
Si Jesu Cristo ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanismo at Judaismo. Ang persona at gawain ni Jesu Cristo ang isang pangunahing isyu na hindi pinagkakasunduan ng Kristiyanismo at Judaismo. Tinanong ng mga lider relihiyon ng Israel si Jesus noong nasa lupa pa Siya, "Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?" Sumagot si Jesus, "Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan" (Markos 14:61-62). Ngunit hindi nila pinaniwalaan ang sinabi ni Jesus o tinanggap man Siya bilang Mesiyas.
Si Jesu Cristo ang katuparan ng mga hula sa kasulatang Hebreo patungkol sa isang darating na Mesiyas. Inilarawan sa Awit 22:14-18 ang isang pangyayari na hindi mapapasubaliang katulad ng nangyaring pagpapapako kay Jesus sa krus, "Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas, ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad; pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot, parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos! Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya, ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala, sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na. Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid, para akong nasa gitna ng mga asong ganid; mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit. Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto, tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko. Mga damit ko'y kanilang pinagsugalan, at mga saplot ko'y pinaghati-hatian." Maliwanag na ang Mesiyas sa hulang ito ay walang iba kundi ang Panginoong Jesu Cristo at natupad ang bawat detalye sa hulang ito noong ipako Siya sa krus (Lukas 23; Juan 19).
Wala ng mas eksakto pang paglalarawan kay Jesus sa Lumang Tipan kaysa sa Isaias 53:3-6, "Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas siya ng hapdi at hirap. Wala man lang pumansin sa kanya. Binaliwala natin siya, na parang walang kabuluhan. "Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling niya ang ating mga karamdaman. Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya. Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap. Tayong lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap."
Nagpakita si Jesu Cristo kay Apostol Pablo, isang Hudyo at isang masugid na tagasunod ng Judaismo sa isang pangitain (Gawa 9:1-9) at naging pinakadakilang saksi siya para Kay Kristo at may akda ng halos kalahati ng Bagong Tipan. Naunawaan ni Pablo ang pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanismo at Judaismo ng higit sa kanino man. Ano ang mensahe ni Pablo? "Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita (tungkol kay Jesu Cristo), sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego" (Roma 1:16).
English
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanismo at Judaismo?