settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng sekta at kulto?

Sagot


Ang salitang sekta ay may kinalaman sa "sistema ng paniniwala," at isang terminolohiya na maaaring ilapat sa isang grupo ng pananampalataya o denominasyong panrelihiyon, o maaari din itong tumukoy sa isang heretikong grupo ng pananampalataya na humiwalay sa isa pang mas malaking grupo o denominasyon. Minsan, ang konotasyon ay hindi pagsang-ayon sa mga pangunahing doktrina katulad sa "makakapahamak na mga hidwang pananampalataya" na tinutukoy sa 2 Pedro 2:1, bagama't walang iisang pamantayang tinatanggap ng lahat sa pagkakakilanlan sa isang sekta at kulto.

Makikita ang sekta sa lahat ng relihiyon: may Sunni at Shia sa Islam, may orthodox at kraites sa Judaismo, may Shiyaism at Shaktism sa Hinduismo, at may Baptists at Lutherans sa Kristiyanismo. Ang mga ito ay mga halimbawa ng mga sekta ng relihiyon at maaaring ipagpalagay na mga "sangay" ng iba't ibang relihiyon. Mayroon ding sekta sa mga grupong hindi relihiyon gaya ng sa grupo ng mga kapitalista at sosyalista, sa mga ekonomista, o mga Freudians at Jungians sa mga psychiatrists.

Kumpara sa salitang sekta, ang salitang kulto naman ay may negatibong konotasyon. May ilang partikular na pamantayan upang makilala kung kulto ang isang grupo. Sa aklat na Combatting Cult Mind Control, tinutukan ni deprogrammer Steven Hassan ang kanyang tinutukoy na "mapanirang kulto," na kanyang pinakahuluganan na "isang organisasyong hugis pyramid kung saan isang tao o isang grupo ang nangunguna ng gaya ng isang diktador. Gumagamit sila ng pandaraya sa panghihikayat ng mga bagong miyembro" (hindi agad ipinapaalam sa mga tao kung anong klaseng organisasyon ang nanghihikayat sa kanila, at kung ano ang pinaniniwalaan at inaasahan sa kanila ng grupong kanilang sinasalihan bago sila maging miyembro). Sinabi rin ni Hassan na hindi lamang sa relihiyon may mga kulto; may mga kulto din sa mga grupong komersyal at sekular.

Inilarawan ni Hassan ang mga estratehiyang ginagamit ng mga mapangwasak na kulto gaya ng mga sumusunod:

Pagkontrol sa paguugali: Istriktong kinokontrol ang mga miyembro sa pakikisama sa ibang tao, paraan ng pamumuhay, pagkain, pananamit, pagtulog, at pananalapi.

Pagkontrol sa impormasyon: Tahasang pinipigilan o pinipilipit ng mga lider ng kulto ang impormasyon, nagsisinungaling, gumagawa ng progaganda at nililimitahan ang pakikinig sa ibang katuruan, pagaaral o pagtanggap sa impormasyon na nagmumula sa labas ng grupo.

Pagkontrol sa pagiisip: Gumagamit ang mga lider ng kulto ng mga mabibigat na pananalita, pinipigilan ang kritikal na pagiisip, hinahadlangan ang anumang negatibong salita laban sa mga tagapanguna at mga polisiya at nagtuturo ng doktrina na "tayo laban sa kanila."

Pagkontrol sa emosyon: Minamanipula ng mga tagapanguna ang kanilang mga tagasunod sa pamamagitan ng pananakot (kabilang ang pananakot na mawawala ang kaligtasan, takot na layuan ng kapwa mananampalataya, paguusig ng budhi, at indoktrinasyon).

Mula sa pananaw ng Kristiyano, ang kulto ay anumang grupo na naniniwala sa mga katuruan na sumasalungat sa mga pangkalahatang paniniwala ng Kristiyanismo at nagsusulong ng maling doktrina. Sa ilalim ng pakahulugang ito, parehong kulto ang Saksi ni Jehovah at Mormon.

Dahil hindi agad-agad nakikilala ang lahat ng kulto at may mga tao na nalilito kung ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kulto, sekta at denominasyon, mahalagang sundin ang halimbawa ng mga taga Berea sa Gawa 17:11: "Mas bukás ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. May pananabik silang nakinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya." Laging siyasatin ang paniniwala ng isang grupo bago magpasyang sumapi dito at suriin ang mga gawain at doktrina sa liwanag ng Bibliya at magingat sa mga pamamaraan na nakalista sa itaas. Makipagusap sa mga miyembro ngunit huwag hayaan na manipulahin ng sinuman. At pinakamahalaga, kung may katuruan o gawain na tila kadudaduda, huwag iyong gawin at paniwalaan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng sekta at kulto?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries