Tanong
Ano ang pagkakaiba sa talento at kaloob na espiritwal?
Sagot
May pagkakatulad at pagkakaiba ang talento at kaloob na espiritwal. Pareho silang regalo ng Diyos. Pareho silang umuunlad habang ginagamit ng isang tao. Pareho silang ibinigay upang gamitin para sa kapakanan ng iba at hindi para sa pansariling kapakinabangan. Sinasabi sa unang Corinto 12:7 na ang mga kaloob na Espiritwal ay ibinigay para sa ikabubuti ng iba at hindi para sa ating mga sarili. Habang ang dalawang Dakilang Utos na ibigin ang Diyos at ang kapwa, nararapat na gamitin ang mga talento sa pagsunod sa mg utos na ito. Ngunit kung kanino at kung kailan ibinigay ang talento at kaloob na espiritwal, dito ang pagkakaiba. Kahit na sinuman (kahit na ano pa ang kanyang paniniwala sa Diyos o kay Kristo), ay binigyan ng Diyos ng natural na talento bilang resulta ng kumbinasyon ng genetics o genes ng mga magulang (may iba na binigyan ng Diyos ng talento sa musika, ang iba ay talento sa sining o sa matematika) gayundin ang lugar kung saan lumaki ang taong iyon (ang paglaki ng isang tao sa isang pamilya na mahilig sa musika ay tumutulong upang mapaunlad ang kanyang talento sa musika), o dahil simpleng ginusto ng Diyos na bigyan ang isang partikular na tao ng partikular na talento (halimbawa si Bezaleel sa Exodo 31:1-6) para sa isang tanging gawain. Samantala, ang mga kaloob na espiritwal naman ay ibinibigay lamang sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (Roma 12:3, 6) sa sandaling inilagak nila ang kanilang pananampalataya kay Kristo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Sa oras na iyon, binigyan ng Banal na Espiritu ang mga mananampalataya ng mga espiritwal na kaloob na nais Niya para sa kanila (1 Corinto 12:11).
Inilista ang mga kaloob na espiritwal sa Roma 12:3-8 gaya ng sumusunod: propesiya, paglilingkod, pagtuturo, pagpapaliwanag, pagkakaloob, pangunguna at pagpapakita ng habag sa iba. Sa unang Corinto 12:8-11, isinama naman ang kaloob ng salita ng karunungan (kakayahan na magpahayag ng espiritwal na karunungan), salita ng karunungan (kakayahan na magpahayag ng praktikal na karunungan), kaloob ng pananampalataya (hindi pangkaraniwang pagtitiwala sa Diyos), kaloob ng paghihimala, panghuhula, pagkilala sa mga espiritu, wika (kakayahan na magsalita sa ibang wika na hindi pinagaralan), at kaloob ng pagpapaliwanag sa ibang wika. Ang ikatlong listahan ay matatagpuan sa Efeso 4:10-12, kung saan binabanggit ang pagbibigay ng Diyos sa Iglesia ng mga apostol, propeta, ebanghelista at mga pastor-guro. Mayroon ding katanungan kung ilan ang mga kaloob na espiritwal, sa dahilang walang dalawang listahan ang pareho. Posible rin na ang mga listahan sa Bibliya ay hindi sa pangkalahatang aspeto at mayroon pang mga kaloob na Espiritwal na higit sa mga binanggit sa Bibliya.
Habang maaring hubugin ng isang tao ang kanyang mga talento at gamitin ang mga ito para sa kanyang propesyon o libangan, ang mga espiritwal na kaloob naman ay ibinigay ng Diyos para sa pagpapaunlad ng Kanyang Iglesia. Dahil dito, ang lahat ng Kristiyano ay nararapat na may ginagampanang tungkulin o bahagi sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo ni Kristo. Lahat ng mananampalataya ay tinawag at binigyan ng kaloob sa “gawain ng ministeryo” (Efeso 4:12). Lahat ay binigyan ng kaloob upang makapag ambag sa simulain ni Kristo dahil sa pasasalamat sa Kanyang ginawa para sa kanila. At habang ginagawa nila ito, nakakatagpo sila ng kasiyahan sa kanilang mga ginagawa para kay Kristo. Ang inaasahang resulta ng mga kaloob na espiritwal ay ang paglago ng Iglesia na napapatatag sa pamamagitan ng sama-samang paglilingkod ng bawat miyembro ng Iglesia na siyang Katawan ni Kristo.
Sa pagbubuod, ang mga sumusunod ang pagkakaiba at pagkakatulad ng talento at kaloob na Espiritwal: 1) Ang talento ay regalo ng Diyos sa tao bilang resulta ng genetics at pagsasanay, samantalang ang kaloob na espiritwal ay resulta ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. 2) Ang talento ay maaaring taglayin ng kahit sino, Kristiyano man o hindi, samantalang ang mga kaloob na espiritwal ay ibinibigay lamang sa mga tunay na Kristiyano. 3) Habang ang talento at mga espiritwal na kaloob ay parehong dapat na gamitin para sa kaluwalhatian ng Diyos at sa paglilingkod sa iba, ang espiritwal na kaloob lamang ang nakatuon sa layunin ng Diyos sa Iglesya samantalang ang talento ay maaring gamitin para sa mga gawaing hindi espiritwal.
English
Ano ang pagkakaiba sa talento at kaloob na espiritwal?