settings icon
share icon
Tanong

Inaasahan ba ng Diyos ang lahat ng tao na magkaanak?

Sagot


Hindi ito tungkol sa kung inaasahan ba ng Diyos na magkakaroon tayo ng anak dahil walang hanggan ang Kanyang kapangyarihan at kaalaman at alam Niya kung sino ang magkakaanak at kung sino ang hindi magkakaanak. Ang tanong ay kung ang pagkakaroon ba ng anak ay isang pamantayan upang maranasan ang isang buhay na ganap at kasiya-siya at masunurin sa Panginoon.

Sinasabi sa atin ng Bibliya na isang regalong mula sa Diyos ang mga anak. Sinasabi sa Awit 127:3-5, "Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak, ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak. Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan, ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal. Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan, hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan, kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman." Pinagpapala ng Diyos ang mga magulang ng mga maliligayang taon kasama ang kanilang mga anak, isang kasiyahan na hindi maaaring ikumpara sa anumang bagay. Idineklara ng Diyos na ang mga anak ay pagpapala. Ngunit hindi ito nangangahulugan na pinagkaitan Niya ng Kanyang mga pagpapala ang mga magulang na hindi nabiyayaan ng mga anak. Simpleng nangangahulugan lang ito na dapat na ituring na isang pagpapala ang mga anak at hindi isang kabigatan.

May mga pagkakataon na sadyang hindi pinagkakalooban ng Diyos ang isang tao ng anak, gaano man niya kagusto na magkaroon. Nanabik si Hannah sa pagkakaroon ng anak, ngunit "isinara" ng Diyos ang kanyang sinapupunan" hanggang dumating ang panahon na Kanyang itinakda upang ipaglihi si Samuel, ang propeta ng Panginoon (1 Samuel 1:1-2:21). Gayundin naman, naghintay si Sarah ng maraming taon (90 taon na siya ng manganak!) bago siya pinagpala ng Diyos ng anak na si Isaac (Genesis 15:1-21; 21:1-7). Mula sa mga halimbawang ito, makikita natin na may walang hanggang kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng pangyayari sa ating buhay, kabilang ang pagkakaroon natin ng anak.

Bagama't idineklara ng Diyos na ang mga anak ay pagpapalang mula sa Kanya, hindi sinasabi sa Bibliya na dapat na magkaanak ang lahat ng magasawa. Maaaring ang pinakamagandang aksyon ng mga nagnanais magkaanak ay ang pagsisiyasat ng kanilang motibo sa desisyon na magkaroon ng anak. Tanging ang magasawa lamang ang makapagsasabi ng tiyak kung ang kanilang motibo at saloobin ay hindi katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos. Hindi kasiya-siya sa Diyos ang pansariling motibo. Hindi rin makalulugod sa Diyos ang paguna ng magasawa sa paghahabol sa makamundong pakinabang kaysa sa pagkakaroon ng anak. Ang tanging dahilan upang hindi natin mabigyang lugod ang Panginoon ay ang hindi makadiyos na paguugali – ang hindi pagtitiwala sa Kanya. Dapat nating ilagak sa Kanya ang ating pananampalataya at magtiwala sa Kanyang paggabay sa lahat ng sitwasyon at desisyon na ating ginagawa sa ating mga buhay.

Kung ang isyu sa pagpipigil sa pagkakaroon ng anak ay ang mga pangarap ng mag-asawa, ang biblikal na sagot ay unahin muna dapat ang pamilya (maging ang pagkakaroon ng anak) bago ang mga pangarap. Ang tahanan at pamilya ang dapat na prayoridad ng isang babae, bagama't katanggap-tanggap din naman ang pagtatrabaho sa labas ng tahanan hanggat ang pamilya at tahanan ang unang binibigyang pansin sa lahat. Ang babae sa kawikaan 31 ay may mga gawain din sa labas ng tahanan kabilang ang pagbebenta at pagtatanim (talata 16). Ngunit lagi niyang inuuna ang kanyang pamilya at mahusay na napapangalagaan ang kanyang mga anak. Bumabangon siya ng maaga, nagpapahinga ng malalim na ang gabi at ginagawa ang mga kinakailangang gawin upang madamitan at mapakain ng maayos ang kanyang pamilya. Isa siyang babae na pinapupurihan ng kanyang asawa at mga anak. Sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, hindi dapat na ipagpalit ng isang babae ang pagkakaroon ng mga anak sa kanyang pansariling ambisyon.

Panghuli, ang desisyon kung magkakaroon o hindi ng mga anak ay nakasalalay sa magasawa at sa Diyos at isang desisyon na dapat na ipanalangin at maingat na pagisipan lalo na bago magdesisyon na sumailalim sa isang proseso na permanente ng mapipigilan ang pagbubuntis. Walang utos sa Bibliya na dapat na magkaroon ng anak ang lahat ng magasawa, kaya bagama't isang regalong mula sa Diyos ang mga anak, pinagpapala din Niya ang mga lumalakad sa pananampalataya, may anak man sila o wala.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Inaasahan ba ng Diyos ang lahat ng tao na magkaanak?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries