Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkakaroon ng mga kaluluwa ng tao bago isilang sa mundo?
Sagot
Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa pagkakaroon ng mga kaluluwa ng tao bago ang kanilang pagsilang sa mundo dahil ito ay isang ideya na likha lamang ng tao ay walang basehan sa katotohanan. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang bawat tao ay natatanging nilikha ng Diyos (Genesis 2:7; Zacarias 12:1; Jeremias 1:5). Ang bawat natatanging kaluluwa ay nagsisimula sa pagdadalang-tao (Awit 139:13–16; Isaias 44:24) at nagpapatuloy magpakailanman dahil tayo ay nilikha bilang mga walang hanggang nilalang (Genesis 9:6; Isaias 40:28; Mateo 25:46).
Ang konsepto ng pagkakaroon ng mga kaluluwa bago ang pagsilang sa mundo ay hindi magkakaroon ng lohikal na konklusyon. Ang pag-iral bago ang aktwal na pagsilang ay nangangahulugan ng isa sa tatlong bagay: (1) May kaluluwa na sa simula pa, (2) ang kaluluwa ay nilikha sa isang nagdaang panahon pagkatapos ay naghintay hanggang sa ito ay maaari ng manirahan sa isang katawan sa lupa, o (3) tumira na ang isang kaluluwa sa ibang katawan sa nakalipas, at pagkatapos ay inilipat sa kasalukuyan nitong katawan. Kung totoo na (1) may mga kaluluwa na sa pasimula pa, lalabas na ang mga tao ay bahagi ng Diyos, hindi nilikha at may sariling kalooban. Ang konseptong ito ay malinaw na sumasalungat sa katuruan ng Bibliya walang ibang Diyos maliban kay Yahweh (Genesis 5:1; 1 Timoteo 2:5; 1 Juan 4:12; Malakias 2:10; 1 Corinto 8:5–6). Kung totoo na (2) ang kaluluwa ay nilikha sa isang nagdaang panahon pagkatapos ay naghintay hanggang sa ito ay maaari ng manirahan sa isang katawan sa lupa, lalabas na mali ang Genesis 2:7 kung saan sinasabi: “Pagkatapos, ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.” Ang mga salitang “ang tao ay naging” ay nagpapahiwatig na may simula kung kailan sabay na nabuhay ang kaluluwa at katawan ni Adan. Kung totoo na (3) tumira na ang isang kaluluwa sa ibang katawan sa nakalipas, sa anong yugto ng panahon nilikha ang kaluluwa at para sa anong layunin? Malinaw ang katuruan ng Bibliya na ang bawat tao ay mananagot para sa kanyang sariling buhay (Pahayag 20:13; Roma 2:6; Jeremias 32:19). Kapag namatay ang dating katawan, saan pupunta ang kaluluwa? Sinasabi sa Hebreo 9:27, “Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom.” Totoo ito para sa lahat.
Tinutukoy ng Bibliya ang kamatayan na isang panahon kung kailan ang isang tao “ay tinitipon sa kanyang bayan” (Deuteronomio 32:50; Bilang 20:24). Nagpapahiwatig ito na sa oras ng kamatayan, iniiwan ng kaluluwa ng isang tao ang kanyang katawan at sumasama sa mga taong nauna ng namatay sa kanya. Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa lalaking mayaman at si Lazaro (Lukas 16:19–31), ang kaluluwa ni Lazaro ay pumunta sa “sinapupunan ni Abraham” (talata 22). Ang kaluluwa naman ng lalaking mayaman ay pumunta sa isang dako ng pagdurusa (talata 23). Wala sa kaluluwa ng dalawa ang muling tumira sa panibagong katawan o may anumang indikasyon na ang kanilang mga kaluluwa ay dati ng umiiral. Tumanggap ang bawat isa sa kanila ng konsekwensya ng kanilang mga desisyon sa buhay (talata 25). Sa muling pagkabuhay ng mga patay, muli pagsasamahin ang ating kaluluwa at ang ating orihinal na katawan na may maluwalhating katangian (1 Corinto 15:42; Filipos 3:21). Kung posible ang pagkakaroon ng kaluluwa sa ibang katawan, aling katawan ang muling titirhan ng kaluluwa?
Si Jesus ang nagiisa at tanging sanggol na isinilang dito sa mundo na umiiral na bago pa Siya isilang (Juan 1:1; 17:5; Colosas 1:17). Nang makita ni Juan Bautista si Jesus, kanyang sinabi, “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak” (Juan 1:30). Ipinagbubuntis na si Juan Bautista ng kanyang inang si Elizabeth anim na buwan bago ipagbuntis ni Maria si Jesus (Lukas 1:26, 36), pero ipinahiwatig niya na nauna si Jesus sa kanya. Kung naunang umiral si Juan Bautista kaysa kay Jesus, hindi niya ito masasabi. Bilang Diyos Anak, kasama na si Jesus ng Diyos Ama sa pasimula pa. Sinabi niya sa mga pinunong Judio, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na!” (Juan 8:58). Natatangi ang Kanyang pagsilang bilang tao at hindi na ito mauulit pa magpakailanman. Alam ng Diyos ang ating mga pangalan dahil alam Niya ang lahat ng bagay at nananahan Siya ng labas at hiwalay sa panahon (Efeso 1:4; Pahayag 13:8). Ngunit ang bawat isa sa atin ay natatanging indibidwa. Tayo ay mga natatanging kaluluwa na inilagay sa natatanging mga katawan, at haharap tayong lahat sa Diyos para magbigay-sulit sa mga natatanging buhay na ipinagkaloob Niya sa atin (Roma 14:10; Pahayag 22:12).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkakaroon ng mga kaluluwa ng tao bago isilang sa mundo?