settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakasundo ng mga Ebanghelyo?

Sagot


Ang “pagkakasundo” ng mga Ebanghelyo ay ang pagkakapareho at pagkakaisa ng mensahe ng apat na Ebanghelyo sa Bagong Tipan. Ang apat na Ebanghelyo ay gaya ng mga mangaawit sa Koro na may apat na bahagi. Ang bawat isa sa kanila ay may natatanging bahagi, ngunit ang bawat bahagi ay magkakasamang gumagawa upang makabuo ng isang napakagandang komposisyon. Ang bawat isa sa apat na Ebanghelyo ay nagpapahayag ng patotoo tungkol kay Hesus na may kaunting pagkakaiba sa perspektibo, lahat sila ay may iisang kuwento ngunit nagkakasundo sa isa't isa. Ang mga tala ng Ebanghelyo ayon sa pagkakasunod sunod ng mga pangyayari ay tinatawag na pagkakasundo ng mga Ebanghelyo (harmony of the Gospels). Kapareho nito ang ilang mga salin ng Bibliya na may kasamang pangkat ng mga reperensya ayon sa pagkakasunod sunod ng mga kaganapan sa buhay ni Hesus.

Ang Mateo, Markos at Lukas ay tinatawag na sinoptikong Ebanghelyo (synoptic Gospels) dahil ang bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng parehong mga pangyayari sa buhay ni Hesus (ang salitang sinoptiko ay nangangahulugan na “parehong pananaw”). Ang Aklat ng Juan ay naiiba, at binabanggit ang mga pangyayaring hindi binanggit sa tatlong Ebanghelyo. Ang bawat isa sa apat na Ebanghelyo ay isinulat para sa iba't ibang mambabasa at binibigyang diin ang magkakaibang aspeto ng ministeryo ni Hesus. Ang Ebanghelyo ni Mateo ay isinulat pangunahin para sa mga Hudyo at binibigyang diin kung paanong ginanap ni Hesus ang mga hula sa Lumang Tipan patungkol sa isang Hari at Mesiyas o Tagapagligtas. Ang Ebanghelyo ni Markos ay isinulat pangunahin para sa mga Romano o mga Hentil na Kristiyano kaya't kakaunti lamang ang banggit tungkol sa mga hula sa Lumang Tipan at ipinaliwanag dito ang maraming kaugalian at salitang Hudyo. Inilarawan naman si Hesus sa Ebanghelyo ni Markos bilang isang nagdurusang alipin ng Diyos. Isinulat naman ni Lukas ang kanyang Ebanghelyo pangunahin para sa mga mananampalatayang Hentil kaya ipinaliwanag ni Lukas ang maraming kaugaliang Hudyo at gumamit siya ng mga pangalang Griyego. Sumulat si Lukas ng isang maayos na salaysay ng buhay ni Hesus at ipinakilala si Hesus Bilang Anak ng Tao bilang pagbibigay diin sa pagiging tunay na tao ni Hesus. Binibigyang diin naman sa Ebanghelyo ni Juan ang pagka-Diyos ni Kristo at ipinakilala si Hesus bilang Anak ng Diyos. Binigyang diin ni Juan ang marami sa mga pahayag ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili ng higit kaysa ibang mga Ebanghelyo. Ibinigay din dito ang maraming detalyadong paglalarawan ng mga pangyayari sa mga huling araw ni Hesus sa mundo.

May mga tao na sinisikap na sirain ang Bibliya sa pagbibigay diin sa mga tila pagkakasalangutan sa salaysay ng apat na Ebanghelyo. Ipinakikita nila ang mga pagkakaiba sa pagkakasunod sunod ng mga pangyayari kung saan ang ibang mga pangyayari ay hindi gaanong idinetalye sa iba. Ngunit kung pagkukumparahin ang apat na salaysay, makikita natin na ang karamihan sa mga salaysay ay inayos ayon sa paksa kung saan ang mga pangyayari ay pinagsama-sama ayon sa pagkakapareho ng mga tema (ayos na topikal). Ang pagkakaayos na ito sa paraang topikal ay ang kalimitan nating ginagawa sa ating pang araw-araw na pakikisalamuha at pakikipagugnayan sa ating mga kapwa tao.

Ang mga pagkakaiba sa mga maliliit na detalye, gaya ng bilang ng mga anghel sa libingan ni Hesus (Mateo 28:5; Markos 16:5; Lukas 24:4; Juan 20:12), ay nabibigyang kasagutan sa pamamagitan ng paliwanag mismo ng mga teksto. Binanggit ni Mateo at Markos ang isang anghel habang binanggit naman nina Lukas at Juan ang dalawang anghel. Gayunman, hindi sinabi nina Markos at Mateo na mayroon lamang “iisang” anghel; simpleng sinasabi lamang nila na may anghel na naroroon. Ang ganitong pagkakaiba ay nagtutulungan sa isa't isa sa halip na nagsasalungatan. May bagong impormasyon ang maaaring idinagdag, ngunit hindi nito pinabubulaanan ang katotohanan ng naunang impormasyon.

Gaya ng iba pang mga aklat ng Bibliya, ang apat na Ebanghelyo ay ang napakagandang patotoo ng kapahayagan ng Diyos sa tao. Isipin na lamang natin na ang maniningil ng buwis (si Mateo), ang isang kulang sa pagsasanay na kabataang Hudyo na may pinagdaanan bilang isang lalaking madaling sumuko sa kahirapan (Markos), isang Romanong doktor (Lukas) at isang mangingisdang Hudyo (si Juan) ay sumulat ng magkakapareho at nagkakaisang kasaysayan ng buhay ni Hesus. Walang ibang paliwanag, maliban sa pagkilos ng Diyos upang makasulat sila ng mga tala tungkol sa buhay ni Hesus na may kahanga-hangang pagkakapareho (2 Timoteo 3:16). Ang kasaysayan, hula, at mga personal na detalye sa kanilang mga tala ay gumagawang magkakasama upang makabuo ng isang kahanga-hanga at nagkakaisang paglalarawan kay Hesus - ang Mesiyas, ang Hari, ang Alipin at ang Anak ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakasundo ng mga Ebanghelyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries