settings icon
share icon
Tanong

Paano haharapin ang mga hindi pagkakasundo sa iglesya?

Sagot


Maraming aspeto sa gawain ng Iglesya ang maaaring pagmulan ng hindi pagkakasundo. Gayunman, ang marami sa mga hindi pagkakasundong ito ay maihahanay sa tatlong kategorya: hindi pagkakasundo sa pangunguna, hindi pagkakasundo dahil sa mga kasalanang nagagawa ng mga miyembro at hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga mananampalataya. Marami sa mga isyu ang maaaring magkahalo-halo na at maaaring kinapapalooban ng dalawa o higit pa sa mga kategoryang ito.

Ang mga mananampalatayang tahasang nagkakasala ay pinagmumulan ng problema sa iglesya gaya ng makikita sa 1 Corinto 5. Ang iglesyang nagpapabaya sa paglutas ng mga problema na bunga ng kasalanan ng mga miyembro ay nagiimbita ng mas maraming problema. Hindi dapat na maging mapanghusga ang iglesya sa mga hindi mananampalataya, ngunit inaasahan ang Iglesya na haharapin at papanumbalikin ang mga hindi nagsisising mananampalataya gaya ng mababasa sa 1 Corinto 11, "Ang tinutukoy ko na huwag ninyong pakikisamahan ay ang nagsasabing Cristiano siya ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyusan, nanlalait, naglalasing, o nagnanakaw; ni huwag kayong makikisalo sa gayong tao." Ang ganitong mga tao ay hindi dapat tanggapin ng Iglesya hanggat hindi sila nagsisisi. Ibinigay sa Mateo 18:15-17 ang isang maiksi at malinaw na proseso sa pagkompronta at pagpapanumbalik sa isang nagkakasalang mananampalataya. Ang mga komprontasyon ay nararapat na gawin ng buong ingat, ng buong kaamuan at sa hangarin na panumbalikin sa Panginoon ang nagkakasala (Galacia 6:1). Ang mga Iglesya na buong pagmamahal na nagdidisiplina ng mga nagkakakasala ay makaiiwas sa maraming kaguluhan na maaaring mangyari sa Iglesya.

May mga pagkakataon na hindi masisiyahan ang mga miyembro sa aksyon o pamantayan ng mga tagapanguna sa Iglesya sa pagdidisiplina. Isang insidente sa unang Iglesya ang naglalarawan sa ganitong kalagayan (Gawa 6:1-7). Isang grupo ng mga tao sa Jerusalem ang nagreklamo sa mga apostol dahil may ilang hindi nabibigyan ng tulong na gaya ng nararapat. Nabigyang solusyon ang isyung ito at lumago ang Iglesya (Gawa 7). Ginamit ng unang Iglesya ang hindi pagkakasundo upang mapaunlad ang ministeryo. Gayunman, kung walang malinaw na pamantayan ang Iglesya sa paglutas sa mga problema at sa pagdidisiplina. Gumagawa ang mga tao ng kanilang sariling pamantayan. May mga indibidwal na dahil sa kasalanan ay kumukuha ng suporta sa mga tao sa loob ng Iglesya o kaya ay bumubuo ng samahan sa loob ng Iglesya upang ipagtanggol ang sarili.

Maiiwasan ng mga tagapanguna ang mga hindi pagkakasundo sa Iglesya sa pamamagitan ng pagiging mapagmalasakit at mapagmahal na mga namumuno. Dapat silang maging halimbawa sa paglilingkod hindi bilang panginoon ng kanilang nasasakupan kundi bilang mga ulirang halimbawa (1 Pedro 5:1-3). Dapat na igalang ng mga hindi nasisiyahang miyembro ang mga tagapanguna (Hebreo 13:7, 17), maging marahan sa pagakusa sa kanila (1 Timoteo 5:19), at makipagusap sa kanila ng may pag-ibig at pagmamalasakit at hindi dapat na ipagsabi sa ibang tao ang kanilang saloobin (Efeso 4:15). Sa mga pagkakataon na tila hindi nakikinig ang mga tagapanguna sa hinaing ng mga miyembro, dapat na sundin ng miyembro ang halimbawa na inilatag ni Hesus sa Mateo18:15-17 upang matiyak na walang mangyayaring kaguluhan at pagkakakampi kampi sa loob ng Iglesya.

Nagbabala ang Bibliya na maaaring magkaroon ng hindi pagkakasundo sa bawat isa sa loob ng Iglesya. May mga problema na nagugat sa pagmamataas at pagiging makasarili (Santiago 4:1-10). May mga hindi pagkakasundo naman na nagmula sa mga kasalanan laban sa isa't isa na hindi mapatawad (Mateo 18:15-35). Inuutusan tayo ng Panginoon na magsikap para sa kapayapaan (Roma 12:18; Colosas 3:12-15). Responsibilidad ng bawat isang mananampalataya na naisin ang pagkakasundo at pagsasaayos ng mga problema. May ilang pangunahing hakbang ang maaaring isagawa para sa pagkakasundo sa loob ng Iglesya. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Linangin ang tamang saloobin ng puso; maging maamo (Galacia 6:1); mapagpakumbaba (Santiago 4:10); mapagpatawad (Efeso 4:31, 32); at matiyaga (Santiago 1:19, 20).

2. Alamin ang iyong bahagi sa hindi pagkakasundo (Mateo 7:1-5). Ang pagaalis sa puwing sa sariling mata ay ang unang hakbang sa pagtulong sa paglutas ng problema ng iba.

3. Direktang lumapit sa hindi nakakasundong miyembro huwag sa ibang tao upang sabihin ang saloobin (Mateo 18:15). Dapat itong gawin sa diwa ng pag-ibig (Efeso 4:15) at hindi upang maglabas lamang ng sama ng loob o upang ibulalas ang damdamin. Ang pagaakusa sa isang tao ay nagiimbita ng gulo. Kaya dapat na itutok ang pansin sa problema at huwag aatakehin ang personalidad ng isang tao. Ito ay nagbibigay ng magandang oportunidad sa taong nakasakit ng damdamin na maunawaan ang sitwasyon at makahingi ng tawad sa nagawan ng kasalanan.

4. Kung hindi naayos ang problema sa unang pagtatangka, magsama ng isa pang miyembro ng Iglesya upang maging saksi at tagapamagitan (Mateo 18:16). Tandaan na ang iyong layunin ay hindi upang manalo sa argumento kundi upang mapanumbalik ang kapatid sa pananampalataya at magkaroon ng pagkakasundo sa isa't isa. Kaya, dapat na maging maingat sa pagpili ng taong makakatulong upang mabigyang lunas ang sitwasyon.

Ang hindi pagkakasundo ay mas madaling mareresolba kung ang bawat isa ay magiging mapanalanginin at magpapakumbaba sa bawat isa at magnanais na maibalik sa dati ang nasirang relasyon. Maraming problema sa Iglesya ang malulunasan kung susundin ang mga nabanggit na prinsipyo mula sa Bibliya. Inirerekomenda namin ang hispeace.org para sa kanilang mga babasahin na maaaring makatulong sa pagsasaayos ng mga hindi pagkakasundo sa loob ng iglesya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano haharapin ang mga hindi pagkakasundo sa iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries