settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa pagtatapos ng mga panahon?

Sagot


Ang Got Questions Ministries ay naniniwala sa pananaw na pre-tribulational (hindi na daraan sa pitong taon ng kapighatian sa lupa ang mga tunay na mananampalataya) sa eskatolohiya o pagaaral tungkol sa mga pangyayari sa huling panahon. Ayon sa paniniwala naming ito, narito ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ayon sa inihayag ng Bibliya:

1. Ang pagdagit (rapture) patungo sa langit ng iglesya (indibidwal na mga tunay na mananampalataya). Darating si Cristo sa mga alapaap para “dagitin” ang lahat na mga nabubuhay na nagtitiwala sa Kanya (1 Corinto 15:52). Kasabay nito, ang mga “namatay kay Cristo” ay muling bubuhayin at dadalhin din sa langit. Ang aming paniniwala ay ito ang unang mangyayari sa panahon natin ngayon ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga kaganapan sa pagtatapos ng panahon. Malapit na ang pagdagit o rapture; wala ng iba pang hula sa Bibliya ang kinakailangan pang maganap bago ang pagdagit sa mga mananampalataya. Pagkatapos ng pangyayaring ito, saka lamang magaganap ang mga natitira pang mga hula sa Bibliya.

2. Ang paglabas ng Antikristo. Pagkatapos na dagitin ang mga mananampalataya patungo sa langit (2 Tesalonica 2:7–8), isang tao ang gagamitin ni Satanas para kontrolin ang buong mundo na nangangako ng isang pangbuong mundong kapayapaan (Pahayag 13:1; Daniel 9:27). Tutulungan siya ng isa pang lalaki na tinatawag na bulaang propeta na siya namang mamumuno sa isang pangbuong mundong sistema ng relihiyon na ang kundisyon ay pagsamba sa Antikristo (Pahayag 19:20).

3. Ang Kapighatian. Ito ay isang yugto ng pitong taon kung kailan ibubuhos ng Diyos ang kanyang hatol sa makasalanang sangkatauhan (Pahayag 6–16). Ang pag-upo ng Antikristo sa kapangyarihan ay may kaugnayan sa yugtong ito ng panahon. Sa panahon ng pitong taon ng kapighatian sa mundo, ang iglesya ay nasa langit na. Pinaniniwalaang sa loob ng panahong ito magaganap sa langit ang paghuhukom sa Hukuman ni Cristo at ang hapunan sa kasal ng Kordero (2 Corinto 5:10; Pahayag 19:6–10).

4. Ang digmaang Gog at Magog. Sa unang bahagi ng kapighatian, isang malaking hukbo mula sa Timog na makikipagalyansa sa iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan at Africa ang lulusob sa Israel at tatalunin sa pamamagitan ng supernatural na kapangyarihan ng Diyos (Ezekiel 38–39). (May ilang komentarista ng Bibliya ang naniniwala na magaganap ang digmaang ito bago magsimula ang kapighatian).

5. Ang Kalapastanganang Walang Pangalawa. Sa kalagitnaan ng pitong taon ng kapighatian, sisira ang Antikristo sa kanyang kasunduan sa Israel at ipapakita ang kanyang tunay na kulay. Mangangalat ang mga Judio at marami sa kanila ang manunumbalik sa Panginoon at mauunawaan na si Jesus ang kanilang Tagapagligtas. Isang malawakang paguusig sa buong mundo ang magaganap laban sa mga sumasampalataya kay Cristo (Daniel 12:11; Markos 13:14; Pahayag 12:17).

6. Ang Digmaang Armageddon. Sa pagtatapos ng kapighatian, magbabalik sa lupa si Cristo kasama ang mga hukbo ng kalangitan (Markos 14:62). Ililigtas Niya ang Jerusalem sa pagkawasak at tatalunin ang hukbo ng mga bansa na lumalaban sa Diyos sa pamumuno ng Antikristo (Pahayag 19:11–21). Mahuhuli ang Antikristo at ang bulaang propeta at itatapon sila sa lawang apoy (Pahayag 19:20).

7. Ang Paghuhukom sa lahat ng mga bansa. Hahatulan ni Jesus ang lahat ng mga nakaligtas sa kapighatian at ihihiwalay ang mga matuwid mula sa mga makasalanan gaya ng paghihiwalay sa mga “tupa” at mga “kambing” (Mateo 25:31–46). (Pinaniniwalaan na sa panahong ito muling bubuhayin ang mga mananampalataya na namatay sa panahon ng Lumang Tipan). Ang mga matuwid o mga naligtas sa biyaya ng Diyos ay makakasama sa Isanlibong Taon ng paghahari ni Cristo sa lupa (Millennial Kingdom); at ang masasama naman ay itatapon sa impiyerno.

8. Ang pag-gapos kay Satanas. Igagapos si Satanas at ikukulong sa isang banging walang hangganan ang lalim sa loob ng 1,000 taon (Pahayag 20:1–3).

9. Ang Isanlibong Taon ng Paghahari. Si Jesus mismo ang maghahari sa mundo at ang Jerusalem ang magiging kabisera ng mundo. Ang yugtong ito ay magiging isanlibong taon ng kapayapaan at kasaganaan sa mundo (Pahayag 20; Isaias 60–62). Ihahain ang mga handog ng pagalaala sa muling itatayong templo sa Jerusalem (Ezekiel 40–48).

10. Ang Huling Digmaan. Sa katapusan ng 1,000 taon, palalayain si Satanas sa loob ng maikling panahon. Dadayain niyang muli ang mga bansa at magkakaroon ng isang pagaalsa laban sa Panginoon na agad Niyang gagapiin (Pahayag 20:7–10). Itatapon si Satanas sa lawang apoy upang hindi na pahintulutang manggulo pa sa plano ng Diyos magpakailanman.

11. Ang Paghuhukom sa harap ng Dakilang Puting Trono. Ang lahat ng nasa impiyerno ay ilalabas mula doon at ang lahat ng masasama (hindi mananampalataya) sa lahat ng yugto ng panahon sa kasaysayan ay bubuhaying muli para humarap sa Diyos sa isang Huling Paghuhukom (Pahayag 20:11–15). Babasahin ang mga hatol, at ang lahat ng makasalanan ay itatapon sa lawang apoy.

12. Ang Bagong Nilikha. Muling lilikha ang Diyos ng bagong langit at lupa. Sa panahong ito papahirin ng Diyos ang lahat ng mga luha at hindi na magkakaroon pa ng sakit, kamatayan o kalungkutan. Bababa ang Bagong Jerusalem mula sa langit, at ang mga mananampalataya ay makakapiling ng Diyos sa Kanyang kagalakan magpasawalang hanggan (Pahayag 21–22).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa pagtatapos ng mga panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries