Tanong
Ano ang susi sa tunay na pagkakilala sa Diyos?
Sagot
May masidihing pagnanasa sa kaibuturan ng ating puso na makilala at kilalanin ang iba. Higit sa lahat, ang lahat ng tao ay may pagnanais na kilalanin ang kanilang Manlilikha, kahit ng mga taong hindi sumasampalataya sa Diyos. Sa kasalukuyan, binobomba tayo ng mga patalastas na nangangako ng maraming paraan upang masiyahan ang ating pagkauhaw sa karunungan at magkaroon pa ng marami nito. Gayunman, ang mga hungkag na pangako na nagmumula sa mundo ay hindi makakapagbigay sa atin ng kasiyahan na gaya ng kasiyahang dulot ng pagkakilala sa Diyos. Sinabi ni Hesus, “at ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo” (Juan 17:3).
Ngayon, “ano ang susi sa tunay na pagkakilala sa Diyos?” Una, nararapat na maunawaan ng tao, na sa kanyang sariling kakayahan, hindi niya kayang maunawaan ang Diyos dahil sa kanyang kasalanan. Ipinahayag sa atin ng Kasulatan na ang lahat ng tao ay nagkasala (Romans 3:23) at hindi tayo nakaabot sa pamantayan ng Diyos upang magkaroon ng kaugnayan sa Kanya. Sinabi din sa Kasulatan na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Romans 6:23) at tayo ay parurusahan ng Diyos sa walang hanggang pagdurusa malibang tanggapin natin at panampalatayanan ang katotohanan ng ginawa ni Hesus doon sa krus. Kaya upang tunay na makilala ang Diyos, dapat muna nating tanggapin si Hesus sa ating mga buhay. “Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan” (Juan 1:12). Wala ng mas mahalaga pa sa pangunawa sa katotohanang ito. Malinaw na sinabi ni Hesus na Siya lamang ang daan patungo sa Ama sa langit at sa isang personal na relasyon sa Diyos: “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).
Walang hinihingi ang Diyos upang simulan ang paglalakbay patungo sa Kanya kundi ang pagtanggap sa mga pangakong nabanggit sa itaas. Binigyan tayo ni Hesus ng buhay sa pamamagitan ng paghahandog Niya ng Kanyang sarili upang hindi na tayo mahadlangan ng ating kasalanan sa paglapit natin sa Diyos. Matapos nating tanggapin ang katotohanang ito, makakapagsimula na tayo ng pagkilala sa Diyos sa isang personal na kaparaanan. Ang isa sa mga pangunahing susi sa paglalakbay na ito ay ang pangunawa na ang Bibliya ang Salita ng Diyos ang kapahayagan Niya ng Kanyang sarili, ng Kanyang mga Pangako at ng Kanyang kalooban. Ang Bibliya sa esensya ang liham ng pag-ibig sa atin ng Diyos na lumikha sa atin upang atin Siyang maunawaan at makilala. Wala ng iba pang mas mabisang paraan sa pagkilala sa ating Manlilikha maliban sa pagbabasa ng Kanyang Salita na nahayag sa atin. At napakahalaga na ipagpatuloy ang prosesong ito sa ating patuloy na paglalakbay patungo sa Diyos. Isinulat ni Pablo kay Timoteo, “Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan; At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (2 Timoteo 3:14-16).
Sa huli, kinakailangan ng ating pagtatalaga sa pagsunod sa ating nababasa sa Kasulatan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang totoo, tayo ay nilikha upang iukol ang ating buhay sa paggawa ng mabuti (Efesos 2:10), upang maging bahagi ng patuloy na pagpapahayag ng Diyos sa Kanyang Sarili sa atin sa pamamagitan ng Kanyang salita. Mayroon tayong responsibilidad na ipamuhay ang ating pananampalataya na kinakailangan sa ating pagkilala sa Diyos. Lahat tayo ay asin at ilaw ng sanlibutan (Mateo 5:13-14), at dinisenyo ng Diyos upang magbigay ng lasa sa mundo at upang magsilbing maninging na liwanag sa gitna ng kadiliman. Hindi lamang natin kailangang basahin ang Bibliya, kundi dapat din nating ilapat ito araw-araw sa ating buhay at manatili tayong tapat na sumusunod sa Kanya (Hebreo 12). Binigyan ni Hesus ng napakataas na importansya ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig natin sa ating kapwa gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili (Mateo 22). Ang utos na ito ay imposibleng masunod kung hindi natin itatalaga ang ating sarili sa pag-aaral at pagsasamuhay ng mga katotohanan na nahahayag sa Kanyang Salita.
Ito ang mga susi sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Kinakailangan ang pagtatalaga ng ating mga buhay gaya ng pananalangin, pagbabasa ng Kanyang mga salita, pagpapatotoo, pakikisama sa kapwa mananampalataya at pagsamba. Nguni t ang makagagawa lamang nito ay yaong mga tumanggap kay Hesus at sa Kanyang mga pangako at yaong mga umamin na sa kanilang sariling kakayahan ay hindi nila maaaring makilala ng tunay ang Diyos. Kung tinanggap natin si Hesus, ang ating mga buhay ay mapupuspos ng Espiritu at makikilala natin ang Diyos sa isang malapit at personal na kaparaanan.
English
Ano ang susi sa tunay na pagkakilala sa Diyos?