settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa paglikha laban sa ebolusyon?

Sagot


Hindi namin layunin na maglahad ng siyentipikong paliwanag sa paglikha laban sa ebolusyon. Para sa mga paliwanag ng siyensya sa paglikha o kaya'y sa mga pabor o kontra sa ebolusyon, ipinapayo namin na inyong hanapin ang "Answers in Genesis" at ang "Institute for Creation Research." Ang layunin ng artikulong ito ay ipaliwanag ayon sa Bibliya kung bakit ang pagtatalo tungkol sa paglikha laban sa ebolusyon ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Sinasabi sa Roma 1:25, "Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailan man. Amen."

Isang pangunahing dahilan ng pagtatalo patungkol sa paksang ito ay sa kadahilanang karamihan sa mga dalubhasa sa siyensa ay hindi naniniwala sa Diyos o mga ateista o di ka nama'y mga agnostiko o nagdududa kung mayroong Diyos. May ilan din na pinaniniwalaan ang teorya ng "theistic evolution" o "deistic" na pananaw sa Diyos (ang paniniwalang may Diyos ngunit hindi siya nakikialam sa mundo at ang lahat ng bagay ay likas lamang na nagpapatuloy). Mayroon ding iba na makatotohanan at tapat na nagsusuri ng mga datos at dumating sa pagpapasya na ang ebolusyon ay mas umaayon sa mga datos. Gayon pa man, ang mga taong ito ay maliit na porsyento lamang ng mga siyentipiko na ipinaglalaban ang teorya ng ebolusyon. Ang malaking porsyento ng mga siyentipikong naniniwala sa ebolusyon ay naniniwala na ang buhay ay nagpapatuloy ng walang Diyos sa likod ng lahat ng mga nangyayari sa sangnilikha. Kaya nga ang isang tawag sa ebolusyon ay isang likas na siyensya.

Para maging makatotohanan ang "ateismo" o hindi paniniwala sa Diyos, may dapat silang ipaliwanag - maliban sa Manlilikha - kung paano lumabas ang daigdig at nagkaroon ng buhay. Kahit na ang paniniwala sa ibang uri ng ebolusyon ay nagsimula sa panahon bago lumabas si Charles Darwin, siya ang kauna-unahang lumikha ng siyentipikong modelo ng proseso ng ebolusyon - ang likas na pagpili o natural selection. Minsan ng sinabi ni Darwin na siya ay Kristiyano ngunit dahil sa mga trahedyang nangyari sa kanyang buhay gaya ng pagkamatay ng kanyang anak, tinalikuran niya ang kanyang pananampalataya at ang katotohanan tungkol sa Diyos. Ang layunin ni Darwin pabulaanan ang katotohanan na may Diyos, iyan ang isa sa mga resulta ng teorya ng ebolusyon. Ang ebolusyon ay nanghihikayat sa tao na huwag maniwalang may Diyos. Ang mga siyentipikong sumusuporta sa teorya ng ebolusyon ay maaring hindi umamin na ang kanilang layunin ay magturong isang alternatibong paliwanag patungkol sa pagsisimula ng buhay at sa gayon ay maglagay ng saligan ng ateismo, subalit ayon sa Bibliya, ito mismo ang dahilan kung bakit may teorya ng ebolusyon.

Sinasabi sa atin ng Bibliya na "Wala namang Diyos, ang sabi ng hangal sa kanyang sarili" (Awit 14:1; 53:1) Inihayag din ng Bibliya na walang maidadahilan ang tao sa hindi nila paniniwala sa Diyos na Manlilikha. "Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na di nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa." (Roma 1:20). Ayon sa Bibliya, ang sino mang tumanggi sa katotohanan na may Diyos ay isang hangal. Kung gayon, bakit maraming mga tao, kabilang na ang ilang mga Kristiyano na handang tanggapin ang mga dalubhasa sa siyensya na naniniwala sa ebolusyon at minsan ay sinusuportahan pa nila ang mga kanilang mga datos? Ayon sa Bibliya, lahat sila ay hangal! Ang kahangalan ay hindi nangangahulugan ng kakulangan ng talino. Karamihan ng mga siyentipikong naniniwala sa ebolusyon ay napakatalino. Ang kahangalan ay nangangahulugan ng kawalang kakayahang gamitin ang karunungan sa tamang paraan. Sinabi sa atin ng Kawikaan 1:7, "Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway."

Ang mga siyentipikong naniniwala sa ebolusyon ay hinahamak ang paglikha at matalinong disenyo na hindi ayon sa siyensya at hindi kayang ipaliwanag ng isang pagsusuri. Upang ang isang bagay ay ipagpalagay na "siyensya," ito ay nagagamitan ng katwiran. Ang isang bagay ay maituturing lamang na siyensya kung maaaring maaring siyasatin at subukin; at ito ay dapat na "natural" o likas. Ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay tinatawag na "supernatural" o hindi pangkaraniwan. Ang Diyos ay higit sa karaniwan kaya hindi Siya maaring siyasatin o subukin ayon sa pangangatwiran ng tao. Samakatwid, ang paglikha o matalinong disenyo ay hindi maaring ipalagay na siyensya. Gayundin, maging ang ebolusyon ay hindi nasisiyasat at nasusubok, subalit hindi naman ito suliranin ng mga naniniwala sa ebolusyon. Sa huli, lahat ng datos ay sinala sa pamamagitan ng mga haka-haka, pagpapalagay at pagtanggap sa teorya ng ebolusyon, na walang alternatibong mga paliwanag na isinaalangalang.

Gayunman, ang pasimula ng sandaigdigan at ang pasimula ng buhay ay hindi maaaring siyasatin o subukin. Ang paglikha at ebolusyon ay parehong sistemang nakasalig sa pagpapaliwanag kung paano nagsimula ang lahat ng bagay. Parehong hindi rin sila maaaring subukin sapagkat hindi na tayo makababalik pa sa bilyon-bilyon (o libo- libong) mga taon upang pagaralan ang panimula ng sandaigdigan o ng buhay sa daigdig. Itinatanggi ng mga siyentipikong naniniwala sa ebolusyon ang paglikha sa dahilang ito umano ay magreresulta sa kanilang pagtanggi sa ebolusyon. Ang ebolusyon ay hindi umaakma sa kahulugan ng "siyensya" tulad sa paglikha. Ang ebolusyon ay dapat na iisang paliwanag ng panimula na maaring siyasatin. Ito ay kahangalan! Ang mga dalubhasa sa siyensya na nagtataguyod ng ebolusyon ay tinatanggihan ang mga mapagkakatiwalaang teorya ng panimula na hindi muna nila matapat na siniyasat ang mga katotohanan. Sa kadahilanang hindi ito angkop sa makitid nilang kaalaman ang kahulugan ng "siyensya."

Kung ang paglikha ay totoo, kung gayon, may Manlilikha kung Kanino tayo mananagot. Ang ebolusyon ay umaakay sa hindi paniniwala sa Diyos. Ang ebolusyon ay nagbibigay sa mga hindi naniniwala sa Diyos ng batayan sa pagpaliwanag kung paano nagsimula ang buhay na hiwalay sa Diyos na Manlilikha. Itinatanggi ng ebolusyon ang pangangailangan ng tao sa Diyos. Ang ebolusyon ang "teorya ng paglikha" para sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Ayon sa Bibliya, maliwanag ang kanilang pagpili. Maaari tayong maniwala sa Salita ng Diyos na makapangyarihan at marunong sa lahat, o maniwala sa isang walang katuturang teorya ng ebolusyon na siyang "siyentipikong" paliwanag ng mga hangal.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa paglikha laban sa ebolusyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries