Tanong
Dapat bang magdeklara ng pagkalugi / pagkabangkarote ang isang Kristiyano?
Sagot
Bagama't hindi tinatalakay sa Bibliya ang isyu ng pagkalugi, may mga prinsipyo tayong mailalapat na makatutulong sa ating pagpapasya.
Unang Biblikal na prinsipyo: May responsibilidad tayo na tuparin ang ating mga pangako at bayaran ang ating utang. Sinasabi sa Mangangaral 5:4-5, "Kung mangangako ka sa Diyos, tuparin ito agad; hindi siya nalulugod sa taong mangmang. Kaya tuparin mo ang iyong pangako sa kanya. Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako at hindi mo tutuparin."
Ikalawang Biblikal na prinsipyo: Ang pamumuhay sa utang at hindi pagbabayad ng utang ay katangian ng masasamang tao. Sinasabi sa Awit 37:21, "Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa, ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa."
Nararapat ba para sa isang Kristiyanong lubog sa utang na lutasin ang kanyang problema sa isang madaling paraan sa pamamagitan ng pagdedeklara ng pagkabangkarote? Ayon sa mga talatang ito, ang sagot ay "hindi." Ang isang Kristiyano ay obligado na magbayad ng anumang kanyang ipinangakong babayaran ayon sa orihinal na termino ng kasunduan. Maaari itong mangahulugan ng pagbabago sa uri ng pamumuhay at radikal na pagbabago sa pagbabadyet, ngunit ang pagiging mabuting katiwala ng salapi ay isang bahagi ng makadiyos na pamumuhay.
May ilang mga uri ng pagkalugi na idinisenyo para patagalin ang pagbabayad sa halip na iwasan ito. Sa mga ganitong kaso, ang utang ay hindi napapawi, at ang nagdedeklara ng pagkabangkarote ay nagpapahayag ng intensyon ng muling pagbabayad ng utang. Pinapalawig nito ang proteksyon ng korte hanggang magkaroon ang isang tao ng kakayahan na muling magbayad. Ang ganitong uri ng pagkabangkarote ay hindi lumalabag sa mga biblikal na prinsipyo na tinalakay sa itaas at isang pagpapasya na nakasalalay sa konsensya ng indibidwal na Kristiyano.
English
Dapat bang magdeklara ng pagkalugi / pagkabangkarote ang isang Kristiyano?