Tanong
Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagkatakot sa Diyos?
Sagot
Para sa isang hindi mananampalataya, ang pagkatakot sa Diyos ay takot dahil sa paghuhukom ng Diyos at sa walang hanggang kamatayan sa impiyerno na siyang walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos (Lukas 12:5; Hebreo 10:31). Para sa mananampalataya, ang pagkatakot sa Diyos ay kakaiba. Ang pagkatakot ng mananampalataya sa Diyos ay isang banal na pagkatakot. Ang Hebreo 12:28 - 29 ay isang magandang paglalarawan sa takot na ito: “Kaya't pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios: Sapagka't ang Dios natin ay isang apoy na mamumugnaw.” Ang banal na pagkatakot at paggalang sa Diyos ang eksaktong kahulugan ng pagkatakot sa Diyos para sa mga Kristiyano. ito ang nagtutulak sa atin upang isuko ang ating buhay sa Lumikha ng lahat sa sangkalawakan.
Sinasabi ng Kawikaan 1:7, “Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: Nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.” Hanggat hindi natin nauunawaan kung sino ang Diyos at nagkakaroon ng banal na pagkatakot sa Kanya, hindi tayo magkakaroon ng tunay na karunungan. Ang tunay na karunungan ay bunga ng pagkaunawa kung sino ang Diyos, na Siya ay banal at makatarungan. Sinabi ng Deuteronomio 10:12, 20 21, “At ngayon, Israel, ano ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Dios, kundi matakot ka sa Panginoon mong Dios, lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Dios, ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo. Katatakutan mo ang Panginoon mong Dios; sa kaniya'y maglilingkod ka, at sa kaniya'y lalakip ka, at sa pamamagitan ng kaniyang pangalan susumpa ka. Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Dios, na iginawa ka niya nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay, na nakita ng iyong mga mata.” Ang pagkatakot sa Diyos ang basehan ng ating paglakad sa Kanyang katuwiran, sa ating pag-ibig at paglilingkod sa Kanya.
Pinakahulugunan ng iba ang pagkatakot sa Diyos ng “paggalang” sa Diyos. Habang ang paggalang ay kasama sa konsepto ng pagkatakot sa Diyos, mayroon pang mas malalim na kahulugan bukod sa rito. Kasama sa Biblikal na pagkatakot sa Diyos ang pangunawa kung paano kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan at ang pagkatakot sa parusa Niya sa kasalanan kahit na sa buhay ng isang manampalataya. Inilalarawan ng Hebreo 12:5-11 kung paano dinidisiplina ng Diyos ang isang mananampalataya. Kahit ginagawa ito ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig (Hebreo 12:6), ito ay isa pa ring nakatatakot na bagay. Bilang mga anak, ang pagkatakot sa pagdidisiplina ng ating mga magulang ang siyang pumipigil sa atin upang gumawa ng hindi ayon sa kanilang kagustuhan. Totoo rin ito sa ating relasyon sa ating Diyos Ama sa langit. Kailangan nating katakutan ang Kanyang pagdidisiplina at magnasa na mamuhay ng kalugod lugod sa Kanya.
Hindi dapat matakot ang mananampalataya sa Diyos dahil sa kanyang pagpaparusa. Walang dahilan upang matakot tayo sa Kanya sa ganitong paraan. Ipinangako Niya sa atin na walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig (Roma 8:38-39). Ipinangako Niya sa atin na hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man (Hebreo 13:5). Ang pagkatakot sa Diyos ay pagkakaroon ng malaking paggalang sa Kanya at may malaking epekto ito sa ating uri ng pamumuhay. Ang pagkatakot sa Diyos ay paggalang sa Kanya, pagsunod, pagpapailalim sa Kanyang pagdidisiplina at pagsamba sa Kanya ng buong takot at pagpipitagan.
English
Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagkatakot sa Diyos?