Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pamamahala/pagkontrol sa emosyon?
Sagot
Ano ang magiging katulad ng tao kung hindi tayo nagiging emosyonal, o kung kaya nating kontrolin ang ating emosyon sa lahat ng oras? Maaaring maging kagaya tayo ng isang robot na tumutugon sa lahat ng sitwasyon na gamit lamang ang isip o lohika ng walang emosyon. Ngunit nilikha tayo ng Diyos ayon sa Kanyang wangis, at ang Kanyang emosyon ay nahahayag sa Kasulatan; kaya nga, nilikha tayo ng Diyos bilang mga emosyonal na nilalang. Nakakaranas tayo ng pag-ibig, kagalakan, kasiyahan, paguusig ng budhi, galit, pagkadismaya, pagkatakot, at iba pa. Minsan ang ating emosyon ay masarap sa pakiramdam, minsan naman ay hindi. Minsan ang ating emosyon ay nag-ugat sa katotohanan, at minsan naman ay "mali" dahil nakabase sa maling pundasyon. Halimbawa, kung may mali tayong paniniwala na hindi kayang kontrolin ng Diyos ang mga nangyayari sa ating buhay, maaari tayong makaranas ng takot o pagaalala o galit dahil sa maling paniniwalang iyon. Anumang emosyon ang ating maranasan, iyon ay makapangyarihan at makatotohanan sa sinumang nakakaranas niyon. At ang emosyon ay maaaring maging kagamit-gamit na panukat para malaman kung ano ang nagaganap sa ating mga puso.
Kaya nga, mahalaga na matutunan natin ang pamamahala/pagkontrol sa ating emosyon sa halip na ang ating emosyon ang komontrol sa atin. Halimbawa, kung nakakadama tayo ng galit, mahalaga na kaya nating patigilin ang galit, siyasatin ang ating mga puso kung bakit tayo nagagalit at magpatuloy sa Biblikal na pamamaraan ng pamumuhay. Ang hindi kayang kontroling emosyon ay nagbubunga sa mga pangyayaring hindi nagbibigay luwalhati sa Diyos: "Ang galit ng tao ay hindi nagbubunga sa katuwiran na ninanais ng Diyos" (Santiago 1:20).
Ang ating emosyon, gaya ng ating isip at katawan ay naimpluwensyahan ng pagbagsak ng sangkatauhan sa kasalanan. Sa ibang salita, ang ating emosyon ay nabahiran ng ating makasalanang kalikasan at ito ang dahilan kung bakit kinakailangan itong kontrolin. Sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat tayong kontrolin ng Banal na Espiritu (Roma 6; Efeso 5:15–18; 1 Pedro 5:6–11), hindi ng ating emosyon. Kung kinikilala natin ang ating emosyon at dinadala natin iyon sa Diyos, maaari nating ipasakop ang ating mga puso sa Kanya at hayaan Siyang gumawa sa ating mga puso at pangunahan ang ating mga aksyon. May mga pagkakataon na maaari itong mangahulugan na simpleng inaaliw tayo ng Diyos, binibigyan tayong muli ng katiyakan, at ipinapaalala sa atin na hindi tayo dapat matakot. Sa ibang pagkakataon naman, maaari tayong itulak ng Diyos para magpatawad sa iba o humingi ng tawad. Ang aklat ng mga Awit ay isang napakagandang halimbawa ng pagkontrol sa emosyon at sa pagdadala ng ating mga emosyon sa Diyos. Maraming Awit ang punong puno ng emosyon, ngunit ang emosyon ay ibinubuhos sa Diyos sa pagtatangka na hanapin ang kanyang katotohanan at katuwiran.
Ang pagbabahagi ng ating nararamdaman sa iba ay nakatutulong din sa pagkontrol sa ating emosyon. Ang buhay Kristiyano ay hindi ipinamumuhay ng nagiisa. Binigyan tayo ng Diyos ng kaloob ng ibang mga mananampalataya kung kanino natin maaaring ibahagi ang ating mga kabigatan at maaari ding magbahagi sa atin ng kanilang mga kabigatan (Roma 12; Galacia 6:1–10; 2 Corintos 1:3–5; Hebreo 3:13). Maaari ding ipaalala sa atin ng ating mga kapwa mananampalataya ang mga katotohanan ng Diyos at bigyan tayo ng bagong pananaw. Kung pinanghihinaan tayo ng loob, o natatakot, maaari tayong makinabang sa pagpapalakas ng pagpapayo, at pagbibigay ng katiyakan na ipinagkakaloob ng ibang mananampalataya. Sa tuwina, kung pinalalakas natin ang loob ng iba, napapalakas din natin ang ating loob. Gayundin naman, kung tayo ay nagagalak, mas lumalaki ang ating kagalakan kung naibabahagi natin iyon sa iba.
Hindi mabuti na hayaan natin ang ating sarili na kontrolin ng emosyon. Hindi rin maganda na tanggihan o balewalain natin ang ating emosyon. Dapat nating pasalamatan ang Diyos para sa ating kakayahan na makadama ng emosyon at pamahalaan natin ang ating mga emosyon bilang kaloob na mula sa Diyos. Ang paran sa pagkontrol/pamamahala sa ating emosyon ay ang paglago sa ating paglakad sa Panginoon. Nababago tayo sa pamamagitan ng pagbabago ng isip (Roma 12:1–2), at ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu—ang nagbibigay sa atin ng kakayahang kontrolin ang ating sarili (Galacia 5:22–23). Kinakailangan natin ang pangaraw-araw na pagaaral ng mga prinsipyo sa Kasulatan, ng pagnanais na lumago sa ating kaalaman sa Diyos, at ng panahon na ginugugol sa pagbubulay-bulay sa mga katangian ng Diyos. Dapat nating naisin na mas kilalanin ang Diyos at ibuhos ang laman ng ating mga puso sa Kanya sa panalangin. Ang pagsasamahan ng mga Kristiyano ay isa pang mahalagang bahagi ng ating paglagong espiritwal. Naglalakbay tayo kasama ang ating mga kapwa mananampalataya sa buhay na ito at tinututulungan ang bawat isa na lumago sa pananampalataya gayundin sa pagsupil sa ating emosyon.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pamamahala/pagkontrol sa emosyon?