settings icon
share icon
Tanong

Ano ang dahilan ng anti-Semitism o paglaban ng mga tao sa mga Hudyo?

Sagot


Bakit namumuhi ang mundo sa mga Hudyo? Bakit napakarami ang namumuhi sa mga Hudyo sa iba’t ibang bansa? Ano ang masama sa mga Hudyo? Makikita sa kasaysayan na sa iba’t ibang panahon sa loob ng mahigit 1,700 taon, na ang mga Hudyo ay nangalat sa mahigit na 80 bansa. Ipinalagay ng mga mananalaysay at mga eksperto ang anim na posibleng dahilan kung bakit sila kinamumuhian ng mga tao:

• Dahil sa kanilang pagiging mababang uri ng lahi (Racial Theory) – Kinamumuhian ang mga Hudyo dahil sa kanilang pagiging mababang uri ng lahi.

• Dahil sa kanilang kayamanan at kapangyarihan (Economic Theory) – Kinamumuhian ang mga Hudyo dahil nagtataglay sila ng malaking kapangyarihan at kayamanan.

• Dahil kakaiba sila sa lahat (Outsiders Theory) – Kinamumuhian ang mga Hudyo dahil kakaiba sila sa lahat ng tao.

• Dahil sila ang dahilan ng lahat ng problema sa mundo (Scapegoat Theory) – Kinamumuhian ang mga Hudyo dahil sila diumano ang dahilan ng mga problema sa mundo.

• Dahil sa kanilang pagpatay kay Hesus (Deicide Theory) – Kinamumuhian sila dahil sa kanilang pagpatay sa Diyos na Hesu Kristo.

• Dahil pinili sila ng Diyos (Chosen People Theory) – Kinamumuhian ang mga Hudyo dahil ipinagyayabang nila na sila lamang ang ‘pinili ng Diyos.’

May katotohanan ba ang mga teoryang ito?

• Tungkol sa kanilang pagiging mababang uri ng lahi, ang katotohanan ay hindi isang lahi ang mga Hudyo. Sinuman, anuman ang kanyang kulay, pananampalataya at lahi ay maaaring maging isang Hudyo.

• Tungkol sa teorya na mayaman at makapangyarihan ang mga Hudyo, hindi ito isang mabigat na dahilan. Sa kasaysayan ng mundo mula noong ikalabimpito (17) hanggang sa ikadalawampung (20) siglo, lalo na sa Poland at Rusya, ang mga Hudyo ay napakahirap at salat sa lahat ng bagay at wala o napakakaunti lamang ng impluwensya nila sa kalakalan at pulitika.

• Sa teorya na kakaiba sila sa lahat, noong ikalabingwalong (18) siglo, tinangka ng mga Hudyo na makibagay sa mga tao sa buong Europa. Umasa sila na ang kanilang pakikibagay sa ibang mga tao ang magpapahupa sa pagkagalit sa kanila ng mga tao. Sa kabila nito, lalo pa silang kinamuhian ng mga tao na nagaakala na mababahiran ng mga Hudyo ang kanilang lahi ng mababang uri ng genes. Totoo ito lalo na sa bansang Alemanya pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigidg.

• Sa teorya na sila diumano ang dahilan ng lahat ng problema sa mundo, ang katotohanan ay laging ang mga Hudyo ang kinamumuhian at namomroblema dahil sila ang target tuwina ng mga paguusig.

• Sa ideya na sila ang pumatay sa Diyos, malinaw na makikita sa Bibliya na ang mga Romano ang aktwal na pumatay kay Hesus bagamat ang mga Hudyo ang nagpapatay kay Hesus. Ilang daang taon na ang lumipas na ibinibintang sa mga Hudyo ang pagpatay kay Hesus. Nakapagtataka na hindi man lamang kinamuhian ang mga Romano dahil sa kanilang pagpatay kay Hesus. Pinatawad mismo ni Hesus ang mga Hudyo (Lukas 23:34). Pinawalang sala maging ng Vatican ang mga Hudyo sa pagpatay kay Hesus noong 1963. Gayon pa man, hindi pa rin napigilan ng katotohanang ito ang pagkamuhi sa mga Hudyo o anti-Semitism.

• Tungkol sa pagaangkin ng mga Hudyo na sila ang lahing hinirang ng Diyos, tinanggihan ng mga Hudyo ang kanilang kalagayang ito sa Alemanya noong huling bahagi ng ikalabing siyam (19) na siglo at nakibagay sa kultura ng mga Aleman. Sa kabila nito, dinanas pa rin nila ang tinatawag na ‘holocaust.’ Sa kasalukuyan, may ilang Kristiyano at Muslim ang nagaangkin na sila ang lahing hinirang ng Diyos ngunit karamihan sa kanila ay pinababayaan lamang samantalang kinamumuhian pa rin ang mga Hudyo.

Ito ngayon ang magdadala sa atin sa tunay na dahilan kung bakit kinamumuhian ng mundo ang mga Hudyo. Sinabi sa atin ni Apostol Pablo, “Tungkol sa aking mga kalahi at mga kababayan, anupa't mamatamisin kong ako'y sumpain at mawalay kay Cristo, alang-alang sa kanila. Sila'y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag na tanda na nagpapakilalang siya'y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako. Sila'y nagmula sa mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Cristo nang siya'y maging tao, Diyos na Kataas-taasan, na pinapupurihan magpakailanman! Amen!” (Roma 9:3-5). Ang totoo, kinamumuhian ng mundo ang mga Hudyo dahil kinamumuhian nila ang Diyos. Ang mga Hudyo ang panganay ng Diyos, ang Kanyang lahing hinirang (Deuteronomio 14:2). Sa pamamagitan ng mga Patriyarkang Hudyo, mga propeta at ng templo, ginamit ng Diyos ang mga Hudyo upang maipahayag ang Kanyang mga salita, ang Kautusan at ang moralidad sa mundong puno ng kasalanan. Ipinadala Niya ang kanyang Anak na si Hesu Kristo sa katawan ng isang Hudyo upang tubusin ang mundo mula sa kasalanan. Nilason ni Satanas, ang prinsipe ng sanlibutan (Juan 14:30; Efeso 2:2) ang isip ng mga tao at namuhi sila sa mga Hudyo. Tingnan ang Pahayag 12 para sa isang alegorikal na paglalarawan kay Satanas (ang dragon) at ang kanyang pagkamuhi sa bansang Israel (ang babae sa alegorya).

Sinikap ni Satanas na lipulin ang mga Hudyo sa pamamagitan ng Babilonia, Persia, Asiria, Egipto, Heteo at Nazi ni Hitler. Ngunit nabigo siya sa lahat ng pagtatangkang ito. Hindi pa tapos ang Diyos sa bansang Israel. Sinasabi sa atin sa Roma 11:26 na ang lahat ng matitira sa Israel ay maliligtas lahat pagdating ng tamang panahon at hindi ito mangyayari kung malilipol ang bansang Israel. Kaya nga, iingatan ng Diyos ang mga Hudyo para sa hinaharap, kung paanong iningatan Niya ang mga natira sa mga Hudyo sa pagdaan ng kasaysayan hanggat hindi nagaganap ang kanyang mga plano. Walang makahahadlang sa plano ng Diyos para sa bansang Israel at sa lahing Hudyo na Kanyang hinirang.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang dahilan ng anti-Semitism o paglaban ng mga tao sa mga Hudyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries