settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mapaglalabanan ang pakiramdam na tinatanggihan ng tao?

Sagot


Lahat tayo ay maaaring makaranas ng pagkabigo at pagtanggi ng ibang tao at totoong totoo ito lalo na pagkatapos ng isang nasirang relasyon. Gayunman, bilang mga taong isinilang na muli, mayroon tayong Salita ng Diyos na maaari nating pagkunan ng kalakasan at magbibigay sa atin ng linaw sa anumang sitwasyong ating kinalalagyan. Ang pagtanggi sa atin ng isang tao ay hindi nangangahulugan na hindi tayo kaibig-ibig. Ngunit maaari nating payagan ang pagtanggi sa atin ng iba ang siyang magdikta ng ating nararamdaman at hayaan ang pakiramdam na iyon na makaapekto sa ating pagtingin sa ating sarili, o maaari nating pilin na magpatuloy sa buhay sa liwanag ng hindi nagbabagong katotohanan ng Salita ng Diyos.

Para sa mga mananampalataya, ang ating pamumuhay ay nakabase sa ating posisyon kay Kristo. Noong isilang tayong muli sa espiritu, tinanggap tayo ng Diyos. “Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesu Kristo, na Siyang nagpala sa atin ng bawat pagpapalang ukol sa Espiritu sa sangkalangitan kay Kristo. Ayon sa pagkapili Niya sa atin sa Kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo’y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan Niya sa pag-ibig: Na tayo’y itinalaga Niya noong una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Hesu Kristo sa ganang Kaniya, ayon sa minagaling ng Kanyang kalooban, sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng Kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal” (Efeso 1:3-6).

Bagama’t hindi tayo karapatdapat at hindi natin kayang bayaran ang ating kaligtasan (Efeso 2:8-9), pinagpala tayo ng Panginoong Hesu Kristo ng lahat ng pagpapalang espiritwal at tinanggap tayo ng Diyos dahil sa Kanya. Ang pagtanggap na ito ay biyayang kaloob sa at atin at higit itong mataas sa lahat ng pakiramdam na maaari nating maranasan dahil ito ay base sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Habang isinasabuhay natin ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pananampalataya, ito ay nagiging realidad sa ating mga puso at buhay.

Ang pamumuhay ayon sa pakiramdam ay maaaring napakasakit. Masasaktan tayo at mabibigo dahil nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo. Ang ating saloobin sa pagharap sa mga kabiguan at sakit ng kalooban ay maaaring magpapalago sa ating paglakad sa Panginoon o maaari itong maging dahilan upang mabuhay tayo na sugatan sa gitna ng kapaitan ng kabiguan. Ginawang posible ng Diyos para sa atin na lumakad sa gitna ng mga kabiguan sa buhay taglay ang kaalaman na bibigyan Niya tayo ng probisyon upang magtagumpay mula sa mga kabiguang iyon. Kailangan nating mamili kung alin sa dalawa ang nais nating ipamuhay. Ang Kanyang biyaya at kalakasan ay nasa atin kung makapagpahinga tayo sa Kanya. Taglay ng bawat isinilang na muling anak ng Diyos ang lahat ng probisyon at pagpapalang ito kay Kristo ngunit kailangan nating mamili at gamitin ang mga ito. Gaya ito ng pagkakaroon ng isang milyong dolyar sa bangko at piliing mamuhay na nagugutom dahil hindi natin ginagamit ang perang iyon upang ipambili ng ating mga pangangailangan.

Bilang mga mananampalataya, hindi tayo dapat hugisin ng ating mga kabiguan sa nakaraan dahil sa pagtanggi ng ibang tao. Inilarawan tayo sa Bibliya bilang mga anak ng Diyos, na isinilang na muli sa isang bagong buhay at pinagkalooban ng lahat ng pagpapalang espiritwal at tinanggap ng Diyos kay Kristo Hesus. Ito ang dapat na maglarawan sa atin pagdating sa matagumpay na pamumuhay Kristiyano. Maaari tayong mamuhay sa ating sariling kalakasan na tinatawag ni Pablo na “laman” o maaari tayong mamuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ito ay ating desisyon. Pinagkalooban tayo ng Diyos ng baluti (Efeso 6:11-18), ngunit nasa sa atin kung susuutin natin iyon sa pamamagitan ng pananampalataya.

Kaya nga, kung ikaw ay isang anak ng Diyos, maaari kang dumanas ng mga kabiguan sa buhay na ito, ngunti bilang anak ng Hari, ang kabiguang iyon ay isa lamang napakaliit na bagay. Maaari mong angkinin ang iyong mga pribilehiyo bilang anak ng Diyos at magpatuloy sa pamumuhay sa biyaya. Ang pagpapatawad sa mga nagtaksil sa iyo at pagpapatawad din naman sa iyong sarili, at ito ay isang regalo na maaari mong ibigay sa mga nagkasala sa iyo dahil ito ay isang regalo din naman na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu Kristo (Efeso 4:32).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mapaglalabanan ang pakiramdam na tinatanggihan ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries