settings icon
share icon
Tanong

Ano ang naging dahilan ng paglalaho ng mga dinosaur?

Sagot


Ang paglalaho ng mga dinosaur ay isang malaking palaisipan sa isipan ng mga siyentipiko sa loob ng mahigit na isang siglo. Makikita natin ang mga labi ng mga higanteng reptilya sa lahat ng panig ng mundo, ngunit wala tayong nakitang isa man sa kanila na buhay pa sa kasalukuyan. Ano ang nangyari sa kanilang lahat?

Ang pangkaraniwang pagpapalagay ay misteryoso silang naglaho may 65 milyon na ang nakakaraan. May iba’t ibang paliwanag kung bakit nangyari ito. Ang dalawa sa pinakapopular na teorya ay ang ‘Impact Event Hypothesis’ o ang teorya ng pagbagsak ng malaking meteor sa mundo at ang ‘Massive Volcanism Hypothesis’ o ang teorya ng malawakang pagsabog ng mga bulkan. Ang unang teorya ay nagsasaad na may mga higanteng meteors ang tumama sa mundo na naging dahilan ng “nuclear winter” o pag-ulan ng apoy na pumuksa sa lahat ng dinosaurs. Isinisisi naman ng ikalawang teorya ang pagkawala ng mga dinosaur sa malawakang pagputok ng mga bulkan. Parehong sinasabi ng dalawang teorya na ang mataas na konsentrasyon ng Iridium (Ir) na natagpuang nakabaon sa ilalim ng lupa na naghihiwalay sa Cretaceous period mula sa Paleogene (na kilala bilang K-Pg boundary; na dating tinatawag na K-T boundary), ay ang yugto sa kasaysayan ng mundo kung kailan naglaho ang mga Dinosaur ayon sa pananaw ng agham.

Kumukuha ang parehong teorya ng ilang ebidensya sa ilang tala ng pangyayari sa kasaysayan habang tinatanggihan naman ang ibang mga ebidensya. Halimbawa, kung ang alinman sa dalawang teorya ay tama at may mahigit na 60 milyong taon ang pagitan sa panahon ng mga dinosaur at ng tao, paano natin ipaliliwanag ang mga petroglyphs at iba pang anyo ng sining kung saan ipinakikita ang mga tao na nakikisalamuha sa mga pamilyar na dinosaur gaya ng triceratops, stegosaurus, tyrannosaurus at sauropods? (sa ilang guhit sa mga kuweba ay makikita na pinapaamo at sinasakyan ng mga tao ang mga dinosaurs). Sa karagdagan, ang marka ng bakas ng mga dinosaur ay natatagpuan sa mga bato kung saan nakaukit din ang mga bakas ng tao. Paano ito ipaliliwanag ayon sa pangkaraniwang paniniwala ng mga siyentipiko? At bakit ang mga sinaunang kultura ng tao sa iba’t ibang kontinente ay may kuwento ng kanilang pakikisalamuha sa mga higanteng reptilyang ito? Ang mga nilalang na ito ay pangkaraniwang tinatawag sa ating panahon na “dragon” at sa tuwina’y laging iniuugnay sa mga alamat at mitolohiya.

Ngunit dapat nating tanungin ang ating sarili. Bakit maraming hindi pa naaabot na kultura sa buong mundo ang nakapagbahagi ng ganitong “alamat?” Maaari bang may isang sentrong katotohanan mula sa kasaysayan sa likod ng mga “alamat” na ito? Hindi ba maaaring ang mga labi ng mga higanteng reptilya na natatagpuan ng tao na nakabaon sa lupa ay ang tinutukoy ng ating mga ninuno ilang siglo lamang ang nakalilipas? Naniniwala kami na ito ang totoo. Ang napakaraming ebidensya ang nagpapahiwatig na ang paliwanag ng siyensya ay depektibo. Tila nagkaroon ng amnesia ang buong sangkatauhan sa pangkalahatan patungkol sa bagay na ito at epektibong nakagawa ang tao ng isang “siyentipikong paliwanag” upang panatilihin tayo sa dilim

Paano natin ngayon ipaliliwanag ang pagkawala ng mga dinosaur sa kasaysayan? Pareho din ng ating pagpapaliwanag sa pagkawala ng iba pang 20,000 hanggang 2 milyon ng species ng hayop na pinaniniwalaan ng mga siyentipiko na naglaho sa loob lamang ng nakaraang siglo – dahil sa kumbinasyon ng pagbabago ng klima at sa pangaabuso ng lahi ng tao sa ibang mga nilalang ng Diyos. Ang pagbabago ng klima ay napakamapanira sa kalikasan sa pangkalahatan at may inklinasyon ang tao na patayin o itaboy ang lahat ng pangunahin niyang kakumpetensya. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakakakita ngayon ng maraming mga maninila gaya ng leon, tigre at oso etc., sa ating mga pamayanan at siyudad o maging sa kalinangan. Hindi tayo matatawag na nasa itaas ng “food chain” ng walang dahilan.

Sa mga pelikula ng Hollywood gaya ng Jurassic Park, makakakita tayo ng mga nilalang na gaya ng Tyrannosaurus Rex at Velociraptors na nanghahabol ng tao at kumakain sa kanila ng buhay. Walang duda, na kung ang tao at dinosaur ay nabuhay ng sabay sa kasaysayan, mangyayari ang ganitong mga tagpo. Ngunit sa malaking bahagi, ang kabaliktaran ang totoo. Hinahabol natin sila at niluluto para sa hapunan. Sa maraming alamat at mga sinaunang guhit-sining, ito ang ating eksaktong makikita – mga tao na hinahabol ang mga higanteng reptilya at pinapatay ang mga iyon. Hindi kasing bagsik ng dinosaur ang mga leon, tigre at oso (kaya naririto pa sila ngayon). Ang dahilan ng pagkawala ng mga dinosaur ay ang obsesyon ng mga ating mga ninuno na “patayin ang mga dragon!”

Kaya, ano ang nangyari sa mga dinosaur? Masasabing ang mga dinosaur na nakaligtas sa pangmundong kalamidad ay pinatay at kinain ng mga tao. May mga nasa malalayong lugar na hindi pa natin naaabot na maaaring nakaligtas at may mga ulat mula sa mga sinaunang tao na nakakita sila ng ganitong uri ng mga reptilya at iniulat ang kanilang nakita sa mga siyentipiko sa Kanluran (na natural na hindi naniniwala sa mga ulat na ito dahil sa natanim na katuruan sa kanilang isip na tinatawag na ‘pagpapalagay ng siyensya’). Sa aming pananaw, mali ang paniniwalang ito ng mga siyentipiko. Ang siyensya ay hindi patas sa kanilang imbestigasyon ng mga ebidensya at ang kanilang konlusyon ay hindi makatwiran dahil nag-ugat iyon sa kanilang depektibong teorya sa kasaysayan ng mundo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang naging dahilan ng paglalaho ng mga dinosaur?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries