settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya sa paglalakbay ng kaluluwa sa labas ng katawan/astral projection?

Sagot


Ang mga kuwento tungkol sa mga karanasan ng paglalakbay sa labas ng katawan ay marami at hindi mapapatunayan. Ayon sa Wikipedia, isa sa bawat sampung katao ang nagsasabi na nakaranas sila ng paglalakbay ng kaluluwa sa labas ng kanilang katawan, at maraming iba’t ibang uri ng karanasan ang kanilang inaangkin. Ang mga karanasang ito ay mula sa hindi sinasadyang karanasan sa labas ng katawan o mga karanasan na nabingit sila sa kamatayan na naganap pagkatapos o habang may trauma dahil sa isang aksidente, hanggang sa tinatawag na “astral projection” kung saan sinasadya ng isang tao na iwanan ang kanyang katawan at umakyat sa isang espiritwal na kalagayan kung saan niya matatagpuan ang katotohanan at kapayapaan.

May ilang kilalang Kristiyano ang nakaranas ng tinatawag sa panahon ngayon na “karanasan sa labas ng katawan,” at ang pinakakilala sa kanila ay si Apostol Pablo. Sinabi niya sa 2 Corinto 12:1-4, “Kailangan kong magmalaki, kahit na wala akong mapapala sa paggawa nito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. Inuulit ko, siya'y dinala sa Paraiso. At tulad ng sabi ko, ang Diyos lamang ang nakakaalam kung ito nga'y isang pangitain o tunay na pangyayari. Nakarinig siya roon ng mga bagay na di kayang ilarawan ng salita at di dapat bigkasin ninuman.” Sa mga sumunod na talata, inilista ni Pablo ang kanyang mga “ipinagmamalaki” o ang mga bagay na kung magtitiwala siya sa mga iyon ay inaakala niyang magbibigay sa kanya ng kaligtasan. Bagamat tila hindi ang kanyang sarili ang kanyang tinutukoy sa mga talatang ito, nagkakaisa ang mga iskolar na ang kanyang sarili ang kanyang tinutukoy hindi ang ibang tao. Kaya nga, isinasama niya ang kanyang “karanasan sa labas ng katawan” sa listahan ng kanyang mga “ipinagmamalaki.” Ang argumento na kanyang nais ipahayag ay hindi mapagkakatiwalaan ang anumang kapahayagan o karanasan na wala sa Bibliya (rebelasyon o katuruan na hindi matatagpuan sa Bibliya), kaya nga kanyang sinabi na , “walang anumang kapakinabangan sa mga bagay na ito.” Hindi ito nangangahulugan na hindi totoo ang kanyang karanasan kundi, hindi siya nagtitiwala sa karanasang iyon upang pagkunan ng katotohanan o magbigay man ng kapakinabangan sa kanya o sa ibang tao sa anumang kaparaanan.

Ang isang inboluntaryong karanasan na hiwalay sa katawan o isang karanasan ng muntik-muntikang pagkamatay gaya ng karanasan ni Apostol Pablo ay dapat na ituring na tulad sa isang panaginip sa buhay ng isang Kristiyano – isang hindi maipapaliwanag na pangyayari na maaaring makagawa ng isang magandang kuwento, ngunit hindi magbibigay sa atin ng tiyak na katotohanan. Ang tanging lugar kung saan natin matatagpuan ang nagiisang katotohanan ay ang Bibliya, ang Salita ng Diyos. Ang lahat ng iba pang pinanggagalngan ng katuruan maliban sa Bibliya maging ito man ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari o karanasan ay nanggaling lamang sa tao at hindi mapagkakatiwalaan. Bukod tangi sa mga ito ang aklat ng Pahayag o ang pangitain ni Juan dahil ang mga ito ay gaya ng mga hula at pangitain ng mga propeta sa Lumang Tipan. Sa mga pangyayari sa Lumang Tipan at sa karanasan ni Apostol Juan, sinabihan sila na ang kanilang nakikita at naririnig ay kapahayagang mula sa Panginoon, at dapat nilang ibahagi ang kanilang nakita at narinig dahil direktang nanggaling sa Diyos ang mga iyon.

Ang isang sinadyang karanasan ng paglalakbay sa labas ng katawan o “astral projection” ay kakaiba. Ang isang tao na sinusubukang paalisin ang kanyang kaluluwa mula sa kanyang sariling katawan upang makipagugnayan sa mundo ng mga espiritu ay nagsasanay ng okultismo. May dalawang anyo ang gawaing ito. Una ay ang tinatawag na “phasing model,” kung saan sinusubukan ng isang tao na maghanap ng espiritwal na katotohanan sa pamamagitan ng pagpasok sa isang bahagi ng isip na “nakasara” sa pang araw-araw na buhay. Ang gawaing ito ay konektado sa Budismo at postmodernism gayundin sa paniniwala na ang kasiyahan ay makakamtan sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili. Ang ikalawang anyo naman ay tinatawag na “mystical” model, kung saan sinusubukan ng isang tao na lumabas ng buo mula sa kanyang sariling katawan at pagkatapos, ang kanyang espiritu/kaluluwa ay maglalakbay sa ibang planeta o sa isang lugar na hindi konektado sa pisikal na mundo.

Mahigpit na nagbababala ang Bibliya laban sa gawain ng okultismo o pangkukulam at sinasabi sa Galacia 5:19-20, na ang mga nagsasanay nito ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga utos ng Diyos ay laging para sa ating ikabubuti at inuutusan Niya tayo na lumayo sa mga gawain ng okultismo dahil may malaking potensyal na kung susubukan ng isang tao na pasukin ang mundo ng mga espiritu ay binubuksan niya ang kanyang sarili sa mga demonyo na manlilinlang sa kanya at gugulo sa kanyang isipan. Inilarawan sa Job 4:12-21, na binisita si Eliphaz ng isang sinungaling na espiritu sa isang pangitain upang sabihin sa kanya na hindi inaalala ng Diyos ang tao at hindi Siya nagmamalasakit sa kanila na isang kasinungalingan. Wala ding kabuluhan ang “phasing model,” ayon sa Kasulatan. Sinasabi sa Jeremias 17:9, “Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito'y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan.” Sinasabi naman sa 1 Corinto 2:1-5, “Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong walang sinumang kilalanin maliban kay Jesu-Cristo na ipinako sa krus. Noong ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. Sa aking pananalita at pangangaral, ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.” Walang kabuluhan ang maghanap ng walang hanggang karunungan sa isip ng tao na may hangganan.

Ang isang konkretong halimbawa nito ay ang sikat na aklat ni Don Piper na may titulong 90 Minutes in Heaven. Inilarawan ni Piper ang sa esensya ay isang karanasan sa labas ng kanyang katawan ng mabundol ang kanyang sasakyan kung kailan pinaniniwalaan niya na siya ay namatay at pumunta sa langit sa loob ng 90 minuto. Kung totoong aktwal na nakita ni Piper ang langit at naggugol ng panahon doon ay isang paksa ng debate at sa huli ay walang tunay na nakakaalam kundi ang Diyos. Gayunman, may malaking problema kung paguusapan sa ilalim ng lente ng teolohiya ang konklusyon ni Piper na kanyang kinuha sa kanyang karanasan. Sinasabi niya sa mga mambabasa ngayon na dahil nakarating siya sa langit, maaari siyang magbigay ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati sa mga punerarya na may “mas malaking awtoridad” kaysa sa dati. Tama ang motibo ni Piper: gusto niyang magbigay ng pag-asa sa mga tao. Gayunman, maling mali na sabihin na ang kanyang karanasan na hindi kayang patunayan ng kahit sino ang nagbigay sa kanya ng mas malaking awtoridad upang magbigay ng pag-asa ng langit ng higit sa perpektong katotohanan na taglay ng Salita ng Diyos.

Sa pagtatapos, anumang karanasan sa labas ng katawan ang pinaguusapan, dapat tandaan na ang isang karanasan na hiwalay sa katawan ay hindi makakapagbigay sa atin ng tunay na katotohanan o karunungan. Kung mangyari sa buhay ng isang Kristiyano ang hindi sinasadyang karanasan ng paghiwalay ng kaluluwa sa katawan, ang pinakamagandang interpretasyon ay ituring ito na tulad sa isang panaginip - maaaring nakapagtataka, ngunit hindi dapat ituring na pinanggagalingan ng katotohanan. Dapat na hanapin ng mga Kristiyano ang katotohanan sa Salita ng Diyos gaya ng idinalangin ni Hesus sa Juan 17:17, “Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya sa paglalakbay ng kaluluwa sa labas ng katawan/astral projection?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries