Tanong
Anu-ano ang iba't ibang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero?
Sagot
Ayon sa tala ng Bagong Tipan, nagkaroon ng tatlong paglalakbay si Pablo bilang misyonero upang ipakalat ang mensahe ng Panginoong Hesu Kristo sa Asia Menor at Europa. Si Apostol Pablo ay sadyang edukado, pinunong Hudyo na dating ang pangalan ay Saul. Siya ay nanirahan sa Jerusalem pagkatapos lamang ng pagkamatay at pagkabuhay na muli ni Hesus, ginawa niya ang lahat ng kanyang magagawa upang sirain ang iglesyang Kristiyano. Sa katunayan, siya ay kasama sa pagpatay sa unang Kristiyanong martir na si Esteban (Mga Gawa 7:55"8:4).
Sa daan patungo sa Damasco upang humanap pa at magbilanggo ng mga Kristiyano, nagpakita ang Panginoon kay Pablo. Siya'y nagsisi at nanampalataya kay Hesu Kristo. Matapos ang kanyang karanasang ito, sinubukan niyang himukin ang mga Hudyo at mga Kristiyano ukol sa malaking pagbabago sa kanyang buhay at pananampalataya. Marami ang nagduda at umiwas sa kanya. Gayunman, mayroong mga Kristiyano tulad ni Bernabe, na tumanggap at nagsalita para sa kanya. Silang dalawa ay naging magkapareha sa pagiging misyonero.
Sa tatlong magkakahiwalay na paglalakbay bilang misyonero - ilang taon ang bawat haba - ipinangaral ni Pablo ang magandang balita ni Hesus sa maraming lungsod, baybayin at mga bayan na ruta ng kalakalan. Ang sumusunod ay maikling salaysay ng mga nasabing paglalakbay:
Unang Paglalakbay (Mga Gawa 13-14): Bilang tugon sa tawag ng Diyos na ipahayag si Kristo, nilisan nina Pablo at Bernabe ang iglesya sa Antioquia sa Syria. Noong una, ang pamamaraan nila ay ang pamamahagi ng ebanghelyo sa mga bahay-sambahan ng bawat bayan. Ngunit maraming Hudyo ang tumanggi kay Kristo kaya't ibinaling ng mga misyonero ang tawag ng Diyos ng pagpapatotoo sa mga Hentil.
Dahil sa matapang na patotoo kay Hesus, si Saul na dating taga-usig ay naging si Pablo na inuusig. Sinubukan siyang pigilin at saktan ng mga tumatanggi sa kanyang mensahe ayon sa kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Sa isang lungsod, siya ay pinagbabato at iniwang halos patay na. Ngunit siya ay kinahabagan ng Diyos. Maging sa mga pagsubok, pambubugbog at pagkakakulong, patuloy niyang ipinahayag ang ebanghelyo ni Kristo.
Ang ministeryo ni Pablo sa mga Hentil ay nagdulot ng mga pagtatalo ukol sa kung sino ba talaga ang ligtas at kung paano maliligtas. Sa pagitan ng kanyang una at pangalawang paglalakbay bilang misyonero, siya ay lumahok sa isang pagpupulong sa Jerusalem na tumatalakay ayon sa daan ng kaligtasan. Ganap na napagkasunduan na ang mga Hentil ay maaaring tumanggap kay Hesus nang hindi sumusunod sa mga tradisyon ng mga Hudyo.
Ikalawang pagalakbay bilang misyonero (Mga Gawa 15:36-18:22): Matapos ang pananatili sa Antioquia, at makapagtatag ng iglesya doon, nakahanda na sa ikalawang paglalakbay si Pablo. Isinama niya si Bernabe sa muling pagbisita sa mga iglesya ng kanilang unang misyon. Dahil sa isang hindi pagkakaunawaan tungkol kay Juan Markos, sila ay naghiwalay. Ang hindi pagkakasundong ito ay ginamit ng Panginoon sa positibong paraan. Dahil dito nagkaroon ng dalawang pangkat ng mga misyonero. Si Bernabe ay nagtungo sa Cyprus kasama si Juan na tinatawag ding Markos, samantalang isinama ni Pablo si Silas sa Asia Menor.
Sa pamamatnugot ng Diyos ayon sa Kanyang kalooban, narating ni Pablo at Silas ang Gresya, at pinakalat ang Ebanghelyo sa Europa. Ang kanilang pangkat ay binugbog at ikinulong sa Filipos. Sa kagalakan ng pagdurusa para kay HesuKristo, sila ay umawit sa bilangguan. Bigla na lamang nagdulot ang Diyos ng isang lindol upang mabuksan ang mga pintuan ng kulungan at upang makalas ang kanilang mga kadena. Ang mga namanghang bantay-piitan at kanilang pamilya ay naniwala kay Kristo, samantalang nakiusap ang mga opisyal ng gobyerno na sila'y umalis.
Sa paglalakbay sa Atenas, si Pablo ay nangaral sa mga matanong na madla sa Mars Hill. Kanyang ipinahayag ang Tanging Tunay na Diyos na maaari nilang makilala at sambahin ng hindi nila kinakailangan ng mga diyos-diyosan na gawang-tao lamang. Muli, ang ilan ay nangutya at ang ilan ay naniwala.
Tinuruan ni Pablo ang mga sumampalataya kay Kristo at pinatatag pa ang mga iglesya. Sa panahon ng ikalawang paglalakbay na ito, marami ang naging alagad ni Pablo mula sa iba't ibang katayuan ng buhay: isang binatang nagngangalang Timoteo, babaeng mangangalakal na si Lydia, at ang mag-asawang sina Aquila and Priscilla.
Ikatlong Paglalakbay bilang misyonero (Mga Gawa 18:23-20:38): Sa ikatlong paglalakbay ni Pablo, taimtim siyang nangaral sa Asia Menor. Pinatunayan ng Diyos ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng mga himala. Ayon sa Mga Gawa 20:7-12 , habang nangangaral ng pambihira at napakahabang sermon si Pablo sa Troas, isang binata na nakaupo sa may bintana sa mataas na palapag ang nakatulog at nahulog. Inakala nila na ito'y namatay, ngunit siya'y binuhay ni Pablo.
Mula sa paniniwala sa mga salamangka at okultismo, ang mga bagong mananampalataya sa Efeso ay sinunog ang kanilang mga aklat ukol sa salamangka. Sa kabilang dako, ang mga gumagawa ng mga diyos-diyosan ay hindi nalugod sapagkat nawala ang kanilang negosyo dahilan sa paniniwala sa Isang Tunay na Diyos at sa Kanyang Anak. Isang panday-pilak na nagngangalang Demetrio ay nagpasimula ng isang malawakang kaguluhan habang nagpupuri sa kanilang dyosa na si Diana. Tila laging sinusundan si Pablo ng mga pagsubok. Ang mga pag-uusig at pagsalungat ay lalo pang nagpatatag sa mga tunay na Kristiyano at ipinakalat nila lalo ang Ebanghelyo.
Sa pagtatapos ng ikatlong paglalakbay ni Pablo, alam niyang siya ay makukulong at marahil ay mapapatay. Ang kanyang mga huling salita sa iglesya sa Efeso ay nagpakita ng kanyang debosyon kay Kristo: "Nalalaman ninyo, na mula nang unang araw na ako'y tumungtong sa Asia, kung paano ang pakikisama ko sa inyo sa buong panahon. Na ako'y naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip, at ng mga luha, at ng mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagbakay ng mga Hudyo. Kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na pakikinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay. Na sinasaksihan ko sa mga Hudyo at gayon din sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos, at ang pananampalataya sa ating Panginoong HesuKristo. At ngayon, narito, ako na natatali sa Espiritu ay pasasa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. Maliban na pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo sa bawa't bayan, na sinasabing ang mga tanikala at ang mga kapighatian ay nagsisipagantay sa akin. Datapuwa't hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Hesus, na magpatotoo ng evangelio ng biyaya ng Diyos." (Mga Gawa 20:18-24).
Ilan sa mga dalubhasa sa Bibliya ay naniniwalang nagkaroon ng ikaapat na paglalakbay si Pablo, at may mga pangyayari sa sinaunang kasaysayan ng Kristiyano na tila pinatotohanan ang ideyang ito. Gayun pa man, walang malinaw na ebidensya tungkol sa ikaapat na paglalakbay sa Bibliya o kung ito ay nangyari pagkatapos na isulat ni Lukas ang Aklat ng Mga Gawa.
Ang layunin ng lahat ng paglalakbay ni Pablo bilang misyonero ay iisa lamang: ipahayag ang biyaya ng Diyos ng kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Ginamit ng Diyos ang ministeryo ni Pablo upang maihatid ang Ebanghelyo sa mga Hentil at makapagtatag ng mga iglesya. Ang kanyang mga sulat sa mga iglesya, na nakatala sa Bagong Tipan, ay patuloy na gumagabay sa buhay at doktrina ng mga Kristiyano. Isinakripisyo ang lahat sa kanyang buhay, ang mga paglalakbay ni Pablo kung iisipin ay hindi matatawaran ang halaga (Filipos 3:7-11).
English
Anu-ano ang iba't ibang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero?