settings icon
share icon
Tanong

Ano ang susi sa paglalapat ng Bibliya sa aking buhay?

Sagot


Ang pagsasapamuhay sa mga itinuturo ng Bibliya ay isang tungkulin ng mga Kristiyano. Kung hindi natin ito isasapamuhay, ang Bibliya ay magiging tulad lamang sa isang karaniwang aklat, isang impraktikal na koleksyon ng mga sinaunang kasulatan. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo, “Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo” (Filipos 4:9). Kung isasapamuhay natin ang mga katuruan ng Bibliya, mapapatunayang sumasaatin ang Diyos.

Ang unang hakbang sa paglalapat ng Salita ng Diyos sa ating buhay ay ang pagbabasa nito. Ang pagkilala sa Diyos ang ating layunin sa pagbabasa upang matutuhan ang Kanyang mga pamamaraan, at maunawaan ang Kanyang layunin para sa mundong ito at para sa atin bilang mga indibidwal. Sa pagbabasa ng Bibliya, malalaman natin ang paraan ng Kanyang pakikipagugnayan sa sangkatauhan sa pagdaan ng kasaysayan, ang Kanyang plano ng pagtubos, ang Kanyang mga pangako, at ang Kanyang mga katangian. Ang kaalaman tungkol sa Diyos na ating makukuha sa Kasulatan ay magsisilbing pundasyon sa paglalapat ng mga prinsipyo nito sa ating mga buhay.

Ang sunod na hakbang ay ang tinutukoy ng Mangaawit na “pagiingat” sa Salita ng Diyos sa ating mga puso: “Ang salita mo'y aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo” (Awit 119:11). Maiingatan natin ang Salita ng Diyos sa ating mga puso sa pamamagtian ng pagaaral, pagsasaulo, at pagbubulay-bulay sa ating binabasa. Ang apat na hakbang na ito – pagbabasa, pagaaral, pagmememorya at pagbubulay-bulay – ito ang mga paraan upang matagumpay nating maisapamuhay ang Salita ng Diyos sa ating mga buhay.

Pagaaral: Habang kasama ang pagbabasa sa pagaaral, kakaiba ang pagaaral sa pagbabasa. Ang pagaaral ng Salita ng Diyos ay nangangahulugan na maglalaan tayo ng ating panahon at atensyon sa pagpapaunlad ng ating kaalaman sa isang partikular na tao, paksa, tema, talata o aklat ng Bibliya. Napakaraming mga tulong-pagaaral sa ngayon maging ng mga komentrayo ng Bibliya at mga nalimbag na aklat sa pagaaral ng Bibliya na makakatulong sa atin upang “magpiyesta” sa “karne” ng Salita ng Diyos (Hebreo 5:12-14). Maging pamilyar tayo sa mga babasahing ito at pagkatapos ay pumili tayo ng paksa, talata o isang aklat na ninanais nating pagaralan.

Pagsasaulo: Imposibleng maisapamuhay natin ang isang katuruan na hindi natin iyon naaalala. Kung nais nating ingatan ang Salita ng Diyos sa ating mga puso, dapat muna nating itong imemorya o isaulo. Ang pagsasaulo sa Kasulatan ay lumilikha sa ating kalooban ng “balon” kung saan tayo patuloy na “umiinom” lalo na kung wala tayong pagkakataon na magbasa ng Bibliya. Kung paanong nagiipon tayo ng pera at ng mga ari-arian dito sa lupa para gamitin sa hinaharap, sinasabi din sa atin ng Diyos, “ilalagak itong aking mga salita sa inyong puso, at sa inyong kaluluwa; at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay at magiging pinakatali sa inyong noo” (Deuteronomio 11:18). Gumawa ka ng plano kung anong mga talata ang iyong gustong isaulo bawat Linggo.

Pagbubulay-bulay: Sinabi ng manunulat at pilosopong si Edmund Burke, “Ang pagbabasa ng walang pagbubulay-bulay ay gaya sa pagkain ng hindi natutunawan.” Hindi tayo maaaring “kumain” ng Salita ng Diyos” ng hindi ito “natutunaw” sa atin. Sa talinghaga tungkol sa apat na uri ng lupa (Mateo 13:3-9; 18-23), itinuro ni Hesus ang tungkol sa isang manghahasik na pumunta sa bukid upang maghasik ng binhi – ang Salita ng Diyos (Mateo 13:19) – “At ang mga iba'y nangahulog sa mga batuhan, na doo'y walang sapat na lupa: at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa: At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo” (13:5-6). Ang batuhan ay tulad sa puso ng isang tao kung saan natanim ang Salita ngunit hindi tumubo ang ugat (13:20-21).

Sinasabi sa Awit 1:2 na mapalad ang isang taong nagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos. Sa kanyang aklat na “Spiritual Disciplines for the Christian Life,” isinulat ni Donald S. Whitney, “Ang puno ng iyong espiritwal na buhay ay lumalagong mainam sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay dahil tulad ito sa pagdidilig sa ating puno sa pamamagitan ng Salita ng Diyos (Efeso 5:26). Ang tanging pakikinig at pagbabasa lamang ng Bibliya ay tulad sa kaunting ulan sa matigas na lupa. Gaano man karami at katagal ang ulan, mas maraming tubig ang umaagos lamang at hindi nasisipsip ng lupa. Binubuksan ng pagbubulay-bulay ang “lupa” ng kaluluwa at hinahayaan na sipsipin ng kaluluwa ang tubig ng Salita ng Diyos hanggang sa pinakamalaim na bahagi. Ang resulta nito ay lubos na pagiging mabunga at espiritwal na kasaganaan” (pahina 49-50).

Kung gusto natin na “mag-ugat” ang Salita ng Diyos sa ating mga buhay upang makapamunga at makapagbigay lugod tayo sa Diyos, dapat nating pagisipan, tandaan at pagbulay-bulayan ang anumang ating binabasa at pinagaaralan mula sa Bibliya. Habang nagbubulay-bulay tayo, maaari nating tanungin ang ating sarili ng mga sumusunod na katanungan:

1. Ano ang itinuturo sa akin ng Diyos sa mga talatang ito?

2. Ano ang itinuturo sa akin ng Diyos sa mga talatang ito tungkol sa Iglesya?

3. Ano ang itinuturo sa akin ng Diyos sa mga talatang ito tungkol sa mundo?

4. Ano ang itinuturo sa akin ng Diyos sa mga talatang ito tungkol sa aking sarili? Tungkol sa aking mga naisin at motibo?

5. Tinuturuan ba ako ng mga talatang ito upang gumawa ng isang desisyon? Kung oo, anong desisyon ang aking gagawin?

6. Anong kasalanan ang dapat kung ipahayag o pagsisihan?

7. Ano ang aking natutuhan sa mga talatang ito na tutulong sa akin upang ituon ang aking pansin sa Diyos at makapamuhay para sa Kanyang kaluwalhatian?

Pagsasapamuhay: Ang lawak ng ating pagaaral, dalas ng ating pagsasaulo at lalim ng ating pagbubulay-bulay ang magiging pundasyon kung paano natin maisasapamuhay ang Salita ng Diyos sa ating mga buhay. Ngunit ang pangunawa kung paano natin ilalapat ang salita ng Diyos ay hindi sapat; dapat nating aktwal na gawin ang mga prinsipyong ating natutuhan (Santiago 1:22). Ang “aplikasyon” ay nagpapahiwatig ng aksyon, at ang isang masunuring aksyon ang huling hakbang sa pagiging totoo ng Salita ng Diyos sa ating mga buhay. Ang pagsasapamuhay ng Kasulatan ang nagbibigay liwanag sa ating patuloy na pagaaral at ito rin ang nagsisilbing pampatalas sa ating pangunawa sa kalooban ng Diyos, at tumutulong sa atin upang kilalanin kung ano ang mabuti at masama (Hebreo 5:14).

Panghuli, mahalagang tandaan na hindi tayo nagiisa sa pagtatangka na maunawaan at maisapamuhay ang Salita ng Diyos sa ating mga buhay. Binigyan tayo ng Diyos ng Kanyang Banal na Espiritu (Juan 14:16-17) na Siyang nangungusap, nangunguna, at gumagabay sa atin sa lahat ng katotohanan (Juan 16:13). Sa liwanag ng katotohanang ito, tinuruan ni Pablo ang mga mananampalataya na “lumakad sa Espiritu” (Galacia 5:16), dahil Siya ang laging kasama natin sa oras ng ating pangangailangan (Awit 46:1)! Buong katapatang gagabayan tayo ng Banal na Espiritu upang ating maunawaan ang kalooban ng Diyos, at Siya ang laging nagtutulak sa atin upang gawin kung ano ang matuwid (Ezekiel 36:26-28; Filipos 2:13). Sino pa ang makakapagturo sa atin kung paano mamumuhay ayon sa mga nakasulat sa Bibliya kundi ang Siya ring kumasi sa Salita ng Diyos - walang iba kundi ang Banal na Espiritu! Kaya nga, gawin natin ang ating bahagi sa pamamagitan ng pagiingat sa Salita ng Diyos sa ating mga puso at pagsunod sa Banal na Espiritu habang tinutulungan Niya tayo na maisapamuhay ang Kanyang mga Salita. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang susi sa paglalapat ng Bibliya sa aking buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries