Tanong
Bakit napakahalaga ang paniniwala tungkol sa paglikha ayon sa Bibliya?
Sagot
Ang katanungan kung bakit napakahalaga ang paniniwala sa paglikha ayon sa Bibliya ay gaya ng katanungan kung bakit mahalaga ang pundasyon sa isang gusali. Ang paglikha ayon sa Bibliya ay ang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano. Ang Kristiyanismo ay natatag sa unang kabanata ng Genesis, sa mga salitang, “Sa simula ay nilikha ng Diyos….” Pinagtitibay ng isang pangungusap na ito sa aklat ng Genesis ang paglikha ng Diyos at pinapabulaanan ang anumang pananaw na yumayakap sa ebolusyon (ang paniniwala na ang mundo ay nagsimula sa “Big Bang” o isang malaking pagsabog at magmula noon ay lumitaw na ang mga bagay na may buhay). Ang ating pananaw tungkol sa paglikha ay sumasalamin sa ating paniniwala sa Salita ng Diyos o sa pagdududa dito. Bilang mga Kristiyano, kailangan nating paghiwalayin ang paglikha ng Diyos at teorya ng ebolusyon. Ano ang kanilang pagkakaiba? Alin sa dalawa ang totoo? Posible bang maniwala sa dalawa ng sabay? Ang mga katanungang ito ay masasagot sa pamamagitan ng pagbibigay kahulugan kung ano ang paglikha ng Diyos ayon sa Bibliya at paano ito nakakaapekto sa mga pangunahing paniniwala ng isang tao.
Ang paglikha ayon sa Bibliya ang sumasagot sa mga pangunahing katanungan tungkol sa pagiral ng tao. 1) Bakit tayo naririto? 2) Saan tayo nanggaling? Mayroon ba tayong layunin, at ano ang dahilan ng lahat ng ating mga pagdurusa? Mahalaga bang isyu ang kasalanan at kaligtasan? 3) Ano ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay? May buhay pa ba pagkatapos ng kamatayan? Ang Aklat ng Genesis ang pundasyon ng lahat ng Kasulatan kung saan matatagpuan ang kasagutan sa mga katanungang ito. Ang Aklat ng Genesis ay maihahalintulad sa isang ugat ng puno dahil ito ang nagbibigay ng buhay sa puno. Kung puputulin mo ang ugat ng puno, mamamatay ito. Kung hindi pahahalagahan ang aklat ng Genesis, aalisin mo ang nagbibigay ng buhay at kahalagahan sa lahat ng Kasulatan.
Ang sinabi sa Genesis 1:1 na, “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa,” ay nagbibigay sa atin ng tatlong dakilang katotohanan na siyang pundasyon ng paglikha at ng pananampalatayang Kristiyano. Una, ang Diyos ay iisa. Ito ay salungat sa katuruan ng politeismo ng mga pagano at ng dualismo ng modernong pisolopiya ng mga humanista. Ikalawa, ang Diyos ay personal at umiiral na labas sa Kanyang mga nilikha. Ito ay salungat sa panteismo na nagtuturo na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay ngunit hindi hiwalay sa lahat ng bagay kaya’t ang kanilang konklusyon ay “Diyos ang lahat ng bagay.” Panghuli, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at walang hanggan. Ito ay salungat sa mga diyus diyusan na sinasamba ng mga tao. Ang Diyos na hindi nagbabago noon, ngayon at magpakailanman ang lumikha sa lahat ng mga bagay mula sa wala sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang salita. Ito ang sagot sa ating katanungan tungkol sa pasimula ng lahat ng bagay, ngunit ano naman ang sagot sa katanungan na “Bakit tayo naririto”?
Ang paglikha ayon sa Bibliya ang sumasagot sa katanungan tungkol sa kalagayan ng sangkatauhan. Tumatalakay ito sa pagbagsak ng tao sa kasalanan ngunit ng pag-asa rin naman para sa ating katubusan. Mahalagang maunawaan na tayong lahat ay nagmula kay Adan, isang literal at tunay na tao sa kasaysayan. Kung si Adan ang totoong pinagmulan ng sangkatauhan, mayroon tayong katanggap-tanggap na paliwanag kung paano pumasok ang kasalanan sa mundo. Kung hindi si Adan nahulog sa kasalanan, hindi kailangan ang pagliligtas ng Diyos sa makasalanan sa pamamagitan ng biyaya. Sinasabi sa 1 Corinto 15:22, “Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo.” Ang ating kaugnayan kay Adan, bilang pangulo ng sangkatauhan at ang ating kaugnayan kay Kristo bilang pangulo ng mga hinirang ay mahalaga sa ating pangunawa sa kaligtasan. “At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat kung ang lahat ay naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, ang lahat ay mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isa ring tao” (Roma 5:18-19).
Dapat nating ituring ang paglikha ayon sa Bibliya na basehan ng ating sistema ng paniniwala. Ang salaysay tungkol sa paglikha ay katotohanan at totoong pangyayari at hindi lamang kathang isip dahil kung kathang isip lamang ito, wala itong saysay at hindi magagamit na batayan ng pananampalataya. Ang dahilan ng pagkakasalungatan sa pagitan ng Siyensya at relihiyon (partikular ang Kristiyanismo) ay ang pagpapalagay na ang Siyensya ay katotohanan at ang relihiyon ay isang pilosopiya. Kung totoo ito, ang ating pagpapahalaga at pananampalatayang Kristiyano ay para nga lamang sa mga Kristiyano at hindi nababagay sa sekular na mundo.
Ang huling pangunahing tanong ng sangkatuhan ay kung ano ang mangyayari sa atin pagkatapos ng ating kamatayan. Kung ang tao ay bahagi lamang ng sansinukob na nag “evolved” at babalik sa alabok pagkatapos niyang mamatay, lalabas kung gayon na ang tao ay walang kaluluwa at espiritu at ang buhay ay kung ano lang ang mayroon tayo ngayon. Ang paniniwalang ito ay magbibigay sa atin ng isa lamang layunin sa buhay: ang sundan ang plano ng ebolusyon – ang paghahari ng malalakas sa mahihina. Sa kabilang dako, itinuturo sa atin ng Kristiyanismo ang moralidad na itinatag ng isang makapangyarihan at hindi nagbabagong Manlilikha. Ang moralidad na itinatag ng Diyos ang hindi nagbabagong pamantayan na hindi lamang nagsusulong ng magandang pamumuhay para sa bawat tao kundi nagtuturo din sa atin na ibigin ang ibang tao at magbigay ng kaluwalhatian sa ating Manlilikha. Ang huwaran ng moral na pamantayang ito ay ipinakita ni Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay, kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, matatagpuan natin ang layunin ng buhay na ito at ang pag-asa para sa isang buhay sa hinaharap na kasama ng Diyos sa kalangitan.
Mahalaga ang paglikha ayon sa Bibliya dahil ito ang tanging paniniwala na makasasagot sa ating mga pangunahing katanungan sa buhay at magbibigay sa atin ng kahalagahan na higit sa ating sariling kakayahan. Dapat na maging malinaw sa lahat ng Kristiyano na magkaiba ang paglikha ayon sa Bibliya at teorya ng ebolusyon at ganap silang magkasalungat sa isa’t isa.
English
Bakit napakahalaga ang paniniwala tungkol sa paglikha ayon sa Bibliya?