Tanong
Ano ang ibig sabihin ng paglikha na 'ex nihilo'?
Sagot
Ang "Ex nihilo" ay salitang Latin na nangangahulugang "mula sa wala." Ang salitang "paglikha na ex nihilo" ay tumutukoy sa paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay mula sa wala. "Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa" (Genesis 1:1). Bago ang mga sandaling iyon, wala pang anumang nilikha. Hindi ginawa ng Diyos ang sangkalawakan mula sa dati ng umiiral na nilikha. Nagumpisa siya sa wala.
Hindi tuwirang sinabi sa Bibliya na ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay mula sa wala, ngunit ipinahihiwatig ito. Mababasa natin sa Hebreo 11:3, "Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita." Ipinapaliwanag ng mga iskolar ang talatang ito na ginawa ng Diyos ang lahat sa sangkalawakan sa pamamagitan ng Kanyang utos at hindi nabuo ang anumang bagay mula sa dati ng umiiral na bagay o enerhiya.
Malikhain ng tao, ngunit kailangan natin ang mga materyales na gagamitin upang makalikha ng anumang bagay. Ngunit walang limitasyon ang Diyos. Mahirap para sa atin na maunawaan ang katotohanang ito dahil sa batas ng pisika (laws of physics) na naituro sa atin, alam man natin o hindi ang tawag dito. Ang unang batas ng siyensya ay nagsasaad na ang anumang "matter" o bagay na umiiral (na bumubuo sa kalawakan) ay hindi maaaring likhain o wasakin. Maaaring baguhin ang anyo ng isang bagay mula sa pagiging likido patungo sa pagiging gas hanggang sa pagiging plasma at muling ibalik sa dating anyo; maaaring pagsamahin ang atoms at molecules at hatiin sa kanilang mga bahagi; ngunit hindi maaaring likhain ang "matter" mula sa wala o tuluyang maglaho. Kaya ang ideyang ito na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay mula sa wala ay hindi natural at hindi kapanipaniwala para sa atin. Ngunit hindi talaga ito natural – ito ay supernatural.
Ang salitang "creation ex nihilo" ay tumutukoy sa isang hindi natural na pangyayari na siyang pinagmulan ng lahat ng bagay. Ito ang sandali na lumikha ang Diyos ng mga bagay mula sa wala.
English
Ano ang ibig sabihin ng paglikha na 'ex nihilo'?