Tanong
Ano ang paniniwala sa matandang mundo?
Sagot
Ipinaaalam namin na bilang isang ministeryo, ang opisyal na pinaniniwalaan ng GotQuestions.org ay isang batang mundo. Buo ang aming paniniwala na ang paniniwala sa isang batang mundo ang pinakamalapit sa tala ng Bibliya tungkol sa paglikha. Gayunman, kinikilala namin na isa ring balidong pananaw ang isang matandang mundo na maaaring paniwalaan ng isang Kristiyano. Hindi maituturing na isang heretikong paniniwala ang pananaw sa isang matandang mundo at hindi dapat na itakwil bilang mga kapatid kay Kristo ang mga nanghahawak sa paniniwalang ito. Naisip namin na maganda rin naman na magkaroon kami ng isang artikulo na positibong tumatalakay sa paniniwala tungkol sa matandang mundo dahil lagi namang maganda para sa ating mga pananaw ang hamunin dahil ito ang naguudyok sa atin na patuloy na magsuri at magsaliksik ng Kasulatan upang tiyakin kung naaayon sa Bibliya ang ating mga pinaniniwalaan.
Ang paniniwala sa isang matandang mundo ay isang terminolohiya na ginagamit upang ilarawan ang mga hindi naniniwala na ang sangnilikha ay nilikha ng Diyos sa loob ng sunod-sunod na anim na literal na araw na may tig-24 na oras at ang mundo ay may edad na anim na libo hanggang sampung libong taon pa lamang. Iginigiit ng mga naniniwala sa matandang mundo na nilikha ng Diyos ang sansinukob at ang mga naninirahan dito sa mundo (kasama sina Adan at Eba) sa loob ng mas mahabang panahon na mas mahaba sa pinaniniwalaan ng mga naniniwala sa batang mundo. Mahaba ang listahan ng mga kilalang nga tagapanguna sa Kristiyanismo (o naniwala noong nabubuhay pa sila) o bukas sa paniniwala na matanda na ang mundo. Kasama sa listahang ito sina Walter Kaiser, Norman Geisler, William Dembski, J.I. Packer, J.P. Moreland, Philip E. Johnson, Chuck Colson, Francis Schaefer, at ang iskolar ng Lumang Tipan na si Gleason Archer.
Madalas na sumasang-ayon ang mga naniniwala sa matandang mundo sa kalkulasyon ng siyensya tungkol sa edad ng kalawakan, ng sangkatauhan at sa edad ng mundo mismo habang tinatanggihan naman ang pananaw ng mga naniniwala sa ebolusyon patungkol sa pasimula ng buhay sa mundo. Parehong nanghahawak ang mga naniniwala sa batang mundo at naniniwala sa matandang mundo sa mga sumusunod na mahalagang puntos:
1) Ang literal na paglikha ng Diyos sa buong sansinukob sa isang yugto ng panahon (paglikhang ex nihilo).
2) Ang literal na paglikha kay Adan mula sa alabok ng lupa at ang paglikha kay Eba mula sa tadyang ni Adan at ang katotohanan ng mga kuwento sa aklat ng Genesis.
3) Ang pagtanggi sa pananaw ng mga Darwinists na nagsimula ang buhay mula sa random mutation at natural selection at sapat ito upang ipaliwanag ang complexity ng buhay.
4) Ang pagtanggi sa pananaw na maaaring ginamit ng Diyos ang proseso ng ebolusyon upang magkaroon ng tao (ebolusyong makadiyos). Parehong tinatanggihan ng mga naniniwala sa matanda at batang mundo ang teorya na nanggaling ang tao sa unggoy.
Gayunman, magkaiba ang pananaw ng dalawang grupo sa mga sumusunod:
1) Edad ng kalawakan. Pinaninindigan ng mga naniniwala sa batang mundo na nilikha ng Diyos ang sansinukob may anim na libo hanggang sampung libong taon na ang nakararaan. Pinanghahawakan naman ng mga naniniwala sa matandang mundo na ang paglikha ng Diyos ay naganap humigit-kumulang 13.7 bilyong taon na ang nakalilipas. Ang paniniwalang ito ay kapareho ng paniniwala ng modernong siyensya.
2) Ang panahon ng paglikha kina Adan at Eba. Naniniwala ang mga nagsusulong ng batang mundo na nilikha ng Diyos si Adan ng hindi hihigit sa 10,000 taon na ang nakalilipas. Magkakaiba naman ang pananaw ng mga naniniwala sa matandang mundo sa isyung ito mula sa 30,000 taon hanggang sa 70,000 taon.
Ang kontrobersya sa pagitan ng dalawang pananaw tungkol sa paglikha ay nag-ugat sa kanilang pakahulugan sa salitang Hebreo na 'yom' na ang ibig sabihin ay "araw." Sinasabi ng mga naniniwala sa batang mundo na ang kahulugan ng salitang yom sa konteksto ng Genesis 1-2 ay literal na araw na may 24 oras. Hindi naman sumasang-ayon sa interpretasyong ito ang mga naniniwala sa matandang mundo. Naniniwala sila na ang salitang yom ay tumutukoy sa isang mas mahabang yugto ng panahon. Ginagamit ng mga naniniwala sa matandang mundo ang mga biblikal na argumento upang ipagtanggol ang kanilang pananaw gaya ng mga sumusunod:
1) Ginamit ang salitang Yom sa ibang bahagi ng Kasulatan kung saan tumutukoy ito sa isang mahabang yugto ng panahon partikular sa Awit 90:5, na binanggit din ni apostol Pedro sa kanyang sulat: "Ang isang araw (yom) ay gaya ng isang libong taon" (2 Pedro 3:8).
2) Ang ikapitong araw ay kasinghaba ng libu-libong taon. Sinasabi sa Genesis 2:2-3 na nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw (yom). Itinuturo ng Kasulatan na tayo ay nsa ikapitong araw pa rin; kaya nga, ang salitang "araw" ay maaaring tumukoy sa mahabang yugto ng panahon na tumutukoy din sa una hanggang sa ikaanim na araw ng paglikha.
3) Ang salitang "araw" sa Genesis 1–2 ay mas mahaba sa 24 na oras. Mababasa sa Genesis 2:4, "Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa. Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit." Sa talatang ito, ang "araw" at tumutukoy sa unang anim na araw sa kabuuan kaya nga may ibang kahulugan ang salitang araw sa halip na 24 oras lamang.
4) Ang ikaanim na araw ay tila mas mahaba sa 24 na oras. Sinasabi sa Genesis 2:19 na inobserbahan ni Adan at pinagaralan ang lahat ng nabubuhay na hayop sa mundo. Kung uunawain sa literal na kahulugan, tila hindi matatapos ni Adan ang napakalaking gawaing ito sa loob lamang ng isang araw na may 24 oras.
Ang tiyak, ang mga isyu na naging dahilan sa paghihiwalay sa pagitan ng mga naniniwala sa batang mundo at naniniwala sa matandang mundo ay parehong masalimuot ngunit mahalaga. Gayunman, ang isyung ito ay hindi dapat na maging pamantayan sa pagiging tama ng mga pangunahing doktrinang pinanghahawakan ng isang Kristiyano. May mga makadiyos na babae at lalaki sa parehong panig ng debateng ito. Sa huli, maraming pagkakatulad sa dalawang pananaw at dapat silang gumawang magkasama upang ipagtanggol ang katotohanan ng mga tala sa aklat ng Genesis.
English
Ano ang paniniwala sa matandang mundo?