settings icon
share icon
Tanong

Paano nilikha ang kaluluwa ng tao?

Sagot


Mayroong dalawang pananaw ang Bibliya kung paano nilikha ang kaluluwa ng tao. Ang "Traducianism" ay ang teorya na ang kaluluwa ay nilikha mula sa pisikal na magulang kasama ang pisikal na katawan. Ang mga suporta ng "Traducianism" ay ang mga sumusunod: (A) Sa Genesis 2:7, "At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kanyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay." Wala ng naitala sa Banal na Kasulatan na inulit itong gawin ng Diyos. (B) Nagkaanak si Adan ayon sa kanyang wangis (Genesis 5:3). Ang anak ni Adan ay "kaluluwang may buhay" na hindi na hiningahan ng Diyos. (C) Sa Genesis 2:2-3 ay tila inihayag na tinapos na ng Diyos ang Kanyang malikhaing gawa. (D) Sakop ng kasalanan ni Adan ang lahat ng tao - pisikal at espiritwal - nararapat lamang itong sabihin kung ang katawan at kaluluwa ay mula sa mga magulang. Ang kahinaan ng "Traducianism" ay hindi malinaw kung paano ang kaluluwa mabubuo sa pamamagitan ng pisikal na pamamaraan. Ang "Traducianism" ay masasabi lamang na totoo kung hindi mapaghihiwalay ang katawan at kaluluwa.

Ang Kreasyonismo (Creationism) ay ang paniniwala na lumilikha ng bagong kaluluwa ang Diyos sa tuwing may ipinagdadalang-tao. Ang Kreasyonismo ay pinanghahawakan ng maraming sinaunang lider ng simbahan at may mga batayan din sa Banal na Kasulatan. Una, inilahad sa Bibliya ang kaibahan ng pinagmulan ng kaluluwa sa pinagmulan ng katawan (Eclesiastes 12:7; Isaias 42:5; Zacarias 12:1; Hebreo 12:9). Ikalawa, kung ginagawa ng Diyos ang bawat kaluluwa sa tuwing ito'y kailangan, ang pagkakahiwalay ng kaluluwa at katawan ay mapagtitibay. Ang kahinaan ng Kreasyonismo ay ang pagsasabing ang Diyos ay patuloy na lumilikha ng bagong kaluluwa, samantalang isinaad sa Genesis 2:2-3 na tinapos na ng Diyos ang paglikha. Gayundin naman, mula pa ng umiral ang tao - ang kanyang katawan, kaluluwa, at espiritu - ay may bahid ng kasalanan at kung ang Diyos ay lilikha ng bagong kaluluwa para sa bawat isinisilang na tao, paanong ang kaluluwa ay nababahiran ng kasalanan?

Ang ikatlong pananaw ngunit walang batayan sa Bibliya ay ang konsepto na nilikha ng Diyos ang lahat ng kaluluwa ng tao ng sabay-sabay at isinasanib ang kaluluwa sa isang tao sa sandali ng paglilihi. Sinasabi dito na mayroong "lalagyan ng kaluluwa" sa langit kung saan inilagak ng Diyos ang mga kaluluwa na naghihintay ng katawan na sasaniban nito. Muli, ang paniniwalang ito ay walang suporta sa Bibliya at madalas na pinaniniwalaan ng mga naniniwala sa mitolohiya at "reinkarnasyon".

Alinman sa Traducianism o Creationism ang tama, kapwa ito sumasang-ayon na ang kaluluwa ay hindi umiiral bago ang paglilihi. Ito ang malinaw na katuruan sa Bibliya. Kung ang Diyos man ay gumagawa ng bagong kaluluwa sa panahon ng paglilihi, o dinisenyo ang proseso ng reproduksyon sa paglikha ng kaluluwa, ang Diyos ang Siya pa ring lumikha sa bawat kaluluwa ng tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano nilikha ang kaluluwa ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries