Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglutas sa mga hindi pagkakasundo?
Sagot
Ang paglutas sa mga hindi pagkakasundo sa iglesya ay napakahalaga dahil sa ilang kadahilanan. Ang pag-iwas sa away ngunit walang ginagawang hakbang para malutas iyon, ay nagpapatagal ng isang tamang tugon, nagpapalala ng problema at laging may negatibong epekto sa relasyon sa loob ng iglesya. Ang paglutas sa hindi pagkakasundo at ang pagkakaisa sa iglesya ay banta sa diyablo na gagamitin ang lahat ng oportunidad para samantalahin ang hindi nalulutas na mga isyu, lalo na ang mga isyu na kinapapalooban ng galit, sama ng loob, pagkaawa sa sarili at inggit. Ang mga emosyong ito ay sangkot sa maraming Hindi pagkakasundo sa iglesya. Sinasabi sa atin sa Efeso 4:31, "Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala." Ang kabiguan na sundin ang utos na ito ay nagbubunga sa pagkakabaha-bahagi sa katawan ni Cristo at pighati sa Banal na Espiritu. Sinabihan din tayo na Huwag hayaang mag-ugat ang kapaitan sa ating kalagitnaan na nagbubunsod sa kaguluhan at karumihan (Hebreo 12:15). Malinaw na ang isang makabibliyang pamamaraan ng paglutas sa mga hindi pagkakasundo ay kinakailangan.
Maraming utos sa Bagong Tipan para sa mga mananampalataya na humihimok sa pamumuhay ng mapayapa sa isa't isa. Paulit-ulit tayong inuutusan na ibigin ang isa't isa (Juan 13:34; Roma 12:10), na mamuhay ng mapayapa at may pagkakasundo sa isa't isa (Roma 15:5; Hebreo 12:14), lutasin ang mga pagkakaiba ng bawat isa (2 Corinto 13:11), maging matiyaga, mabait, at mahabagin sa isa't isa (1 Corinto 13:4), ituring na mas magaling ang iba kaysa sa atin (Filipos 2:3), magtulungan sa pagdadala ng mga pasanin (Efeso 4:2), at magalak sa katotohanan (1 Corinto 13:6). Ang hindi pagkakasundo ay kabaliktaran ng paguugali ng Kristiyano na inilatag sa Kasulatan.
May mga pagkakataon na sa kabila ng ating mga pagsisikap na makipagkasundo, may iba't ibang isyu ang pumipigil sa atin sa paglutas sa mga hindi pagkakasundo sa iglesya. May dalawang lugar sa Bagong Tipan na malinaw na tinatalakay ang pagkakasundo kung saan sangkot ang pagkakasala. Sa Mateo 18:15-17, Ibinigay ni Jesus ang mga hakbang sa paglutas sa problema ng isang kapatid na nagkakasala. Ayon sa mga talata, kung may hindi pagkakasundo dahil sa kasalanan ng isang kapatid, dapat iyong lutasin ng silang dalawa lamang. Kung Hindi iyon malutas, dapat na ipaalam na ang problema sa isang maliit na grupo. Kung hindi pa rin iyon malutas, dapat na iyong ipaalam sa buong iglesya.
Ang isa pang talata kung saan malinaw na tinalakay ang paglutas sa hindi pagkakasundo ay sa Lukas 17. Sa talatang 3 at 4 sinabi ni Jesus, "Kaya't mag-ingat kayo! "Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, 'Nagsisisi ako,' dapat mo siyang patawarin." Ang isang mahalagang sangkap ng paglutas sa hindi pagkakasundo ay pagpapatawad. Ang anumang proseso ng pagdidisiplina ay pagpapanumbalik ng nagkasala sa Panginoon ang dapat na pinakalayunin.
Minsan, ang dahilan ng hindi pagkakasundo ay sa paguugali o simpleng pagbabanggaan ng personalidad sa halip na ibang kadahilanan. Sa mga ganitong kaso, dapat nating suriin ang ating sariling motibo at alalahanin "Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili; Huwag tingnan ng bawa't isa sa inyo ang sa kaniyang sarili, kundi ang bawa't isa naman ay sa iba't iba" (Filipos 2:3–4). Kung may tunay tayong hindi pakikipagkasundo sa isang tao dahil sa personalidad — ang pinakamagandang paraan para mapagkasunduan ang isang desisyon sa ministeryo, badyet sa iglesya, daloy ng programa ng pagsamba atbp — ay ang paguusap at pagkakaroon ng nagkakaisang pagpapasya. Sa Filipos 4:2–3, pinakiusapan ni Pablo sina Euodia at Syntyche "na mangagkaisa ng pagiisip sa Panginoon." Dapat tayong magpakumbaba para tunay na mapakinggan ang bawat isa, na nagsisikap para sa kapayapaan ng iglesya (Roma 12:16, 18). Dapat din nating hanapin ang karunungan at direksyon ng Diyos (Santiago 1:5). Totoo na minsan, ang pinakamabuti ay paghihiwalay at pagkilala na may magkaibang tawag ang Diyos sa ating mga buhay. Ngunit dapat nating gawin ang lahat ng hindi maghihiwalay dahil sa galit.
Ang dahilan kung bakit napakahirap ang paglutas sa mga hindi pagkakasundo ay hindi natin nais na makaranas ng mga hindi komportableng sitwasyon. Gayundin, lagi tayong hindi handa na magpakababa para tanggapin na maaaring mali tayo o gumawa ng mga hakbang para itama ang ating pagkakamali. Ang dapat na pangunahing layunin ng mga nasa posisyon na lumulutas sa mga hindi pagkakasundo ay hindi para bigyang diin ang kasalanan kundi dahil sa pagsunod sa utos ng Diyos. Kung ang sanhi ng hindi pagkakasundo ay isang maliit na bagay, maaaring ang pinakamagandang gawin ay magparaya at palampasin ang pagkakasala (Kawikaan 19:11). Kung hindi maaaring palampasin, dapat na magsikap para sa pagkakasundo. Ito ay isang napakahalagang isyu para sa Diyos na ang pakikipagkasundo sa Kanya ay pakikipagkasundo rin sa tao. Hindi mapaghihiwalay ang dalawang ito (Mateo 5:23–24).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglutas sa mga hindi pagkakasundo?