Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pagluwalhati sa Diyos?
Sagot
Inilalarawan sa Pahayag 4:10–11 ang isang eksena sa langit: “Ang dalawangpu't apat na matatanda ay mangagpapatirapa sa harapan niyaong nakaupo sa luklukan, at mangagsisisamba doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, at ilalagay ang kanilang putong sa harapan ng luklukan na nangagsasabi, Marapat ka, Oh Panginoon namin at Dios namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng kapurihan at ng kapangyarihan: sapagka't nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nangagsilitaw, at nangalikha.’” Ang mga salitang “kaluwalhatian” at “kapurihan” ay may kaugnayan sa isa’t isa at kalimitang ginagamit ng halinhinan sa Bibliya. Ngunit may hindi kapunapunang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang salitang ito. Ang salitang laging isinasalin sa “kaluwalhatian” ay nangangahulugang “likas at tunay na halaga” habang ang salitang isinasalin sa wikang “kapurihan” ay nangangahulugan ng “naunawaang halaga; ituring na kapuripuri o maluwalhati.”
Ang kaluwalhatian ay isang katangian na likas sa isang niluluwalhati. Ang kaluwalhatian ay itinuturing na salamin at repleksyon kung ano ang likas na nahahayag sa isang niluluwalhati. Kung nauunawaan natin ng tama ang mga katangian ng Diyos, niluluwalhati natin Siya. Ang pagluwalhati sa Diyos ay pagpupuri sa Kanya kung sino Siya sa Kanyang kalikasan. Ang Diyos ay may kaluwalhatian dahil walang katumbas ang Kanyang halaga. May “kaluwalhatian” din ang mga tao dahil nilikha tayo sa wangis ng isang maluwalhating Diyos (Genesis 1:27). Niluluwalhati natin ang Diyos kung ating ipinakikita sa ating mga salita at gawa ang Kanyang maluwalhating katangian at mga gawa. Ang pagiging gaya ni Hesus sa kabanalan ay isang paraan upang maluwalhati ang Diyos dahil naipahahayag natin ang Kanyang mga katangian sa pamamagitan nito. Sa tuwing niluluwalhati natin ang Diyos, atin Siyang napararangalan.
Ang pagpaparangal ay nagmumula sa ating mga puso at tumutukoy sa halaga na ating ipinagkakaloob sa isang bagay o isang tao. Mas pinahahalagahan ng mga kolektor ang isang koleksyon kaysa sa pagpapahalaga ng isang hindi kolektor. Maaaring ang hindi pinahahalagahan ng iba ay labis na pinahahalagahan naman ng iba. Pinararangalan natin ang ibang tao sa antas ng halaga ng kanyang posisyon ayon sa ating nalalamang halaga ng kanilang posisyon. Inuutusan tayo na igalang ang mga tao dahil sa kanilang katayuan, hindi dahil sa dami ng kanilang ginawa. Inuutusan din tayo na igalang ang ating mga magulang (Deuteronomio 5:16; Markos 7:10), ang mga matatanda (Levitico19:32), at ang mga namumuno sa atin (1 Pedro 2:17). Sa tuwing pinararangalan natin ang Diyos, ipinakikita natin ang ating mataas na pagtingin sa Kanya. Inilalarawan natin kung paano natin kinikilala ang Kanyang kaluwalhatian sa ating pagpupuri at pagsamba.
Ipinakikita sa Bibliya ang maraming paraan ng pagpupuri at pagluwalhati sa Diyos. Binibigyan natin Siya ng mataas na parangal at paggalang sa pamamagitan ng pagiging malinis sa ating buhay sekswal (1 Corinto 6:18–20), sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating mga kaloob (Kawikaan 3:9), at sa pamumuhay ng isang buhay na nakatalaga sa Kanya (Roma 14:8). Hindi sapat na parangalan lamang siya sa panlabas. Ninanais ng Diyos ang pagpupuri na nagmumula sa ating mga puso. “At sinabi ng Panginoon, Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni't inilayo ang kanilang puso sa akin’” (Isaias 29:13). Kung `nasisiyahan tayo sa Panginoon (Awit 37:4), inuuna natin Siya sa lahat ng ating ginagawa (1 Cronica 16:11; Isaias 55:6), at gumagawa ng mga desisyon na nagpapakita ng Kanyang lugar sa ating mga puso, binibigyan natin Siya ng pinakamataas na pagpupuri at pagluwalhati.
English
Ano ang ibig sabihin ng pagluwalhati sa Diyos?