settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagluwalhati sa katawan?

Sagot


Ito ang maiksing sagot: Ang “pagluwalhati” ay ang ganap na pagaalis ng kasalanan sa katawan at buhay ng mga mananampalataya (lahat na ligtas) para sa walang hanggan (Roma 8:18; 2 Corinto 4:17). Sa muling pagparito ni Kristo, mararanasan natin ang kaluwalhatian ng Diyos (Roma 5:2)—ang Kanyang karangalan, kapurihan, at kabanalan; sa halip na manatiling mortal na may makasalanang kalikasan, babaguhin tayo at gagawing imortal at walang sagabal na papasok sa presensya ng Diyos at makakasama Niya tayo magpakailanman. Sa pagtalakay sa aralin ng pagluwalhati, dapat nating ituon ang ating pansin kay Kristo dahil Siya ang “dakilang pag-asa” ng bawat Kristiyano. Maituturing din natin ang pagluwalhati sa ating katawan na siyang kaganapan ng pagpapaging banal sa atin ng Diyos.

Naghihintay ang mga mananampalataya sa kaganapan ng pagpapaging banal sa pagpapakita ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesu Kristo (Tito 2:13; 1 Timoteo 6:14). Hangga’t hindi Siya dumarating, nabibigatan tayo sa ating mga kasalanan at baluktot ang ating espiritwal na pananaw dahil sa sumpa ng Diyos. “Sapagka’t ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; ngunit pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan” (1 Corinto 13:12). Dapat tayong maging matiyaga araw-araw sa pamamagitan ng Banal na patayin ang anumang makasalanang pita na nasa atin (Roma 8:13).

Paano at kailan tayo luluwalhatiin? Sa huling pagtunog ng trumpeta, sa pagdating ni Hesus, ang lahat ng mga mananampalataya ay dadaan sa magkakapareho at iglap na transpormasyon (“lahat tayo ay babaguhin, sa isang sangdali, sa isang kisap mata”– 1 Corinto 15:52); pagkatapos, ang “may kasiraan” ay magbibihis ng “walang kasiraan” (1 Corinto 15:53). Ngunit sa Corinto 3:18, malinaw na sinasabi na ito ay sa isang misteryosong paraan, na “tayong lahat” sa panahong ito, ay “walang talukbong ang mukha,” na “tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon” at nagbabago ayon sa Kanyang wangis “mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian” (2 Corinto 3:18). Hindi dapat na isipin ng sinuman na ang “pagtinging ito gaya sa isang salamin” at “pagbabago ayon sa Kanyang wangis” (bilang bahagi ng pagpapaging banal) ay gawain ng tao dahil idinagdag ng Kasulatan ang mga sumusunod na impormasyon: “Sapagkat dahil ito sa Panginoon na Siyang Espiritu.” Sa ibang salita, ito ay pagpapala na ipinagkaloob sa bawat mananampalataya. Hindi ito tumutukoy sa ating pinal na pagluwalhati kundi sa isang aspeto ng pagpapaging banal na Siyang ginagawa ng Banal na Espiritu sa atin ngayon. Sa Kanya lamang ang papuri para sa Kanyang gawain ng pagpapaging banal sa atin sa Espiritu at katotohanan (Judas 24-25; Juan 17:17; 4:23).

Dapat nating maunawaan kung ano ang itinuturo ng Kasulatan tungkol sa kalikasang ito ng pagluwalhati – ang hindi masusukat na kaluwalhatian ng Diyos at ang ating pakikibahagi dito sa muling pagparito ni Kristo. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay tumutukoy hindi lamang sa hindi malalapitang liwanag kung saan Siya nananahan (1 Timoteo 6:15-16), kundi maging ang Kanyang karangalan (Lukas 2:13) at kabanalan. Ang “Siya” na tinutukoy sa Awit 104:2 ay ang parehong Diyos na tinukoy sa 1 Timoteo 6:15-16: “Na Siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan; na siyang naguunat ng mga langit na parang tabing” (Awit 104:2; 93:1; Job 37:22; 40:10). Sa pagdating ng Panginoong Hesus sa Kanyang dakilang kaluwalhatian upang humatol (Mateo 24:29-31; 25:31-35), gagawin Niya ito bilang walang hanggang Diyos, na bukod tanging nagtataglay ng walang hanggang kapamahalaan (1 Timoteo 6:14-16). Hindi kaya ng sinumang nilalang na tumingin man lamang sa kahanga-hangang kaluwalhatian ng Diyos; gaya ni propeta Ezekiel (Ezekiel 1:4-29) at Simon Pedro (Lukas 5:8). Nasindak si Isaias sa presensya ng isang banal na Diyos. Pagkatapos na ipahayag ng Serapin, “Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian!” Sinabi ni Isaias, “Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.!” (Isaias 6:4). Ipinakita maging ng mga anghel na hindi sila karapatdapat na tumingin sa kaluwalhatian ng Diyos kaya’t tinakpan nila ang kanilang mukha ng kanilang mga pakpak.

Maaaring sabihin na ang kaluwalhatian ng Diyos ay “mabigat” o “nakasisindak.” Ang salitang Hebreo para sa salitang kaluwalhatian ay kabod na literal na nangangahulugang “mabigat o bigatin.” Kadalasan, ang gamit sa Kasulatan para sa salitang kabod ay pigura ng pananalita o hindi literal (halimbawa “mabigat dahil sa kasalanan”) kung saan natin nakuha ang ideya ng pagiging “bigatin” ng isang taong kagalagang galang, mahusay o karapatdapat sa paggalang.

Noong magkatawang tao ang Panginoong Hesus, pareho Niyang ipinakita ang pagiging “bigatin” ng kabanalan ng Diyos at ang kapuspusan ng Kanyang biyaya at katotohanan ((at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.” [Juan 1:14; 17:1–5]). Ang kaluwalhatian na ipinakita ng nagkatawang taong Kristo ay kasabay ng ministeryo ng Espiritu Santo (2 Corinto 3:7); hindi ito nagbabago at pangwalang hanggan (Isaias 4:6-7; Job 14:2; Awit 102:11; 103:15; Santiago 1:10). Ang mga dating pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos ay panandalian, gaya halimbawa ng paglipat ng liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Moises. Pagkababa sa bundok, tinakpan ni Moises ang kanyang mukha upang hindi makita ng mga Israelitang matigas ang ulo ang lumilipas na kaluwalhatian ng Diyos doon (1 Corinto 3:12), ngunit sa ating kaso, ang talukbong ay inalis na sa pamamagitan ni Kristo, at nasa atin ang wangis ng kaluwalhatian ng Panginoon at sumusunod tayo sa Espiritu upang maging kawangis Niya araw-araw.

Sa Kanyang panalangin bilang saserdote, hiniling ni Hesus sa Ama na pabanalin tayo sa pamamagitan ng katotohanan (Juan 17:17); kailangan ang pagpapaging banal kung nais nating makita ang kaluwalhatian ni Hesus at makasama Niya sa walang hanggan (Juan 17:21-24). “Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: sapagka't ako'y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan (Juan 17:24). Kung ang pagluwalhati sa mga banal ay sumusunod sa modelo na ipinahayag sa Kasulatan, kalakip nito ang ating pakikibahagi sa kaluwalhatian (at kabanalan) ng Diyos.

Ayon sa Filipos 3:20–21, ang ating pagkamamamayan ay sa langit at pagdating ng ating Tagapagligtas, babaguhin Niya ang ating katawang lupa upang “maging katulad ng Kanyang maluwalhating katawan.” “Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya: sapagka't siya'y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili” (1 Juan 3:2). Tayo ay perpektong makakatulad ng ating Panginoong Hesu Kristo at magiging gaya Niya sa ating pagiging tao na malaya sa kasalanan at paguusig nito. Ang ating dakilang pag-asang ito ang dapat na magtulak sa atin sa pagpapakabanal, sa pamamagitan ng kalakasang bigay ng Banal na Espiritu, “At sinomang mayroon ng pagasang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman niyang malinis” (1 Juan 3:3). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagluwalhati sa katawan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries