settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagmamataas?

Sagot


May pagkakaiba sa uri ng pagmamalaki na kinamumuhian ng Diyos (Kawikaan 8:13) at sa uri ng pagmamalaki na ating nararamdaman dahil sa isang trabaho na matagumpay na nagampanan. Ang uri ng pagmamalaki na nag-ugat sa sariling katuwiran ay kasalanan at kinamumuhian ng Diyos dahil isa itong hadlang upang mahanap ang Kanyang kalooban. Ipinaliwanag sa Awit 10:4, na ang mayabang ay labis ang pagtingin sa kanyang sariling kakayahan at ito ang dahilan kung bakit malayo ang kanilang isipan sa Diyos. "Sa kaniyang paghahambog, ganito ang kanyang bulong: "Hindi ako papansinin nitong Diyos na huhukom," ganito ang iniisip sa tuwina niyong buhong" Ang pagmamataas ay salungat sa espiritu ng kapakumbabaan na hinahanap ng Diyos: "Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian" (Mateo 5:3). Ang mga aba sa espiritu ay ang mga tao na kinikilala ang kanilang espiritwal na kasalatan at ang kanilang kawalang kakayahan na lumapit sa Diyos maliban sa Kanyang biyaya. Ang mapagmataas sa kabilang dako, ay binulag ng kanilang kayabangan at kanilang iniisip na hindi nila kailangan ang Diyos o higit pa rito, na dapat silang tanggapin ng Diyos dahil karapat dapat sila sa Kanyang pagtanggap.

Sa buong Kasulatan, tinuturuan tayo sa konsekwensya ng pagmamataas. Sinabi sa Kawikaan 16:18-19 na "Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal. Maigi ang magkaroon ng mapagpakumbabang loob na kasama ng dukha." Pinalayas si Satanas sa langit dahil sa Kanyang kayabangan (Isaias 14:12-15). Mayroon siyang makasariling hangarin na palitan ang Diyos bilang tagapamahala sa sansinukob. Ngunit itatapon ng Diyos si Satanas sa impiyerno sa huling paghuhukom. Para sa mga lumalaban sa Diyos, walang ibang naghihintay sa kanila kundi ang walang hanggang kaparusahan (Isaias 14:22).

Ang pagmamataas ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ng tao na tanggapin si Hesus bilang Tagapagligtas. Ang hindi pagamin sa kasalanan at hindi pagkilala na walang magagawa ang tao sa kanyang sariling kakayahan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang laging humahadlaang sa mga mapagmataas na tao. Hindi natin dapat ipagyabang ang ating sarili; Kung gusto nating magyabang, ang dapat nating ipagyabang ay ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang anumang sinasabi natin tungkol sa ating sarili ay walang kuwenta kumpara sa mga ginawa ng Diyos. Ang sinasabi ng Diyos tungkol sa atin ang pinakamahalaga sa lahat (2 Corinto 10:13).

Bakit kasalanan ang pagmamataas? Ang pagmamataas ay pagbibigay ng kredito sa ating sarili para sa mga bagay na ang Diyos ang gumawa at nagbigay. Ang pagmamataas ay pagangkin ng kaluwalhatian na tanging sa Diyos lamang nararapat at pagangkin nito sa ating sarili. Ang kayabangan sa esensya ay pagsamba sa sarili. Anuman ang ating narating sa mundong ito, iyon ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa Diyos na nagbibigay sa atin ng kalakasan at umaalalay sa atin. "Sapagka't sino ang gumawa na ikaw ay matangi? At anong nasa iyo na hindi mo tinanggap? nguni't kung tinanggap mo, ay bakit mo ipinagmamapuri na tulad sa hindi mo tinanggap?" (1 Corinto 4:7). Ito ang dahilan kung bakit pinapupurihan natin at niluluwalhati ang Diyos - Siya lamang ang karapat dapat na purihin at luwalhatiin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagmamataas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries