Tanong
Ano ang pagninilay na espiritwalidad (contemplative spirituality)?
Sagot
Ang pagninilay na espiritwalidad (contemplative spirituality) ay isang napakamapanganib na gawain para sa isang tao na nagnanais na mamuhay ayon sa Salita ng Diyos. Ito ay karaniwang iniuugnay sa mga lumalabas na kilusan sa Kristiyanismo, na tadtad ng mga maling katuruan. Ginagamit din ito ng maraming iba't ibang grupo na walang kaugnayan sa Kristiyanismo.
Sa pagsasanay, ang pagninilay na espiritwalidad (contemplative spirituality) ay pangunahing nakasentro sa meditasyon o pagninilay, ngunit kakaiba ito sa pagninilay na binabanggit sa Bibliya. Ang mga talata gaya ng Josue 1:8 ay nagtuturo ng pagninilay: "Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat na yaon. Dili-dilihin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon, giginhawa ka at magtatagumpay." Mapapansin kung ano ang dapat pagtuunan ng pagninilay - ang Salita ng Diyos. Ang pagsasagawa ng meditasyon upang maging espiritwal ay ang pagtuon sa kawalan. Ito ang literal na kahulugan nito. Ang isang nagsasanay ng ganitong pamamaraan ay ginagawang blangko ang kanyang pagiisip. Ayon sa mga tumatangkilik nito, ito diumano ay magbubunga sa mas malalim na karanasang espiritwal. Gayunman, itinuturo ng Bibliya na baguhin natin ang ating isip at magkaroon ng pagiisip na gaya ng kay Kristo. Ang pagblangko sa pagiisip ay salungat sa isang aktibo at sinasadyang pagbabago.
Hinihimok din ng pagninilay na espiritwalidad (contemplative spirituality) ang paghahangad ng isang mistikal na karanasan sa Diyos. Ang mistisimo (mysticism) ay isang paniniwala na ang karunungan tungkol sa Diyos, ang mga espiritwal na katotohanan at ang totoong realidad ay makakamit sa pamamagitan ng karanasan. Ang diin sa pagkakamit ng karunungan sa pamamagitan ng karanasan ay sumisira sa awtoridad ng Salita ng Diyos. Nakikilala natin ang Diyos ayon sa Kanyang salita. "Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain" (2 Timoteo 3:16-17). Ang Salita ng Diyos ay kumpleto na. Walang dahilan upang maniwala na ang Diyos ay nagdadagdag pa ng katuruan o katotohanan sa Kanyang salita sa pamamagitan ng mga mistikal na karanasan. Sa halip, ang ating pananampalataya at ang ating nalalaman tungkol sa Diyos ay base sa katotohanan ng Kanyang Salita.
Ipinahayag ng malinaw ng "Center for Contemplative Spirituality" ang kanilang layunin sa kanilang website: "Nanggaling kami sa iba't ibang sekular at relihiyosong organisayon at naghahanap kami ng mga kaparaanan upang mapaunlad ang aming paglalakbay at kaalaman sa pamamagitan ng espiritwal na pagsasanay at pagaaral ng mga dakilang espiritwal na tradisyon ng mundo. Aming ninanais na mas lalong mapalapit sa mapagmahal na Espiritu na na sumasalahat ng mga nilikha at nagbibigay inspirasyon sa amin upang magkaroon ng kahabagan sa lahat ng nilikha." Walang kahit anong Biblikal sa mga layuning ito, Ang pagaaral ng mga "espirtiwal na tradisyon" ng mundo ay isang pagsasanay na walang kabuluhan dahil ang anumang espiritwal na tradisyon na hindi itinataas si Kristo ay isang kasinungalingan. Ang tanging daan upang mapalapit tayo sa Diyos ay sa pamamagitan lamang ng isang daan na Kanyang itinalaga - si Hesu Kristo at ng Kanyang mga Salita.
English
Ano ang pagninilay na espiritwalidad (contemplative spirituality)?