Tanong
Ano ang pagninilay na panalangin (contemplative prayer)?
Sagot
Mahalaga na bigyan muna ng kahulugan ang "pagninilay na panalangin" (contemplative prayer) bago natin ito talakayin. Ang panalanging ito ay hindi lamang "pagninilay" habang nananalangin. Tinuturuan tayo ng Bibliya na manalangin sa pamamagitan ng ating isip (1 Corinto 14:15), kaya malinaw na ang panalangin ay kinapapalooban ng pagninilay. Gayunman, ang "pagninilay" na panalangin ay hindi lamang pananalangin sa isip ayon sa itinuturo ng Bibliya. Ang bagong katuruang ito ay unti-unting nakikilala at sinasanay ng mga makabagong kilusan sa Kristiyanismo - isang kilusan na yumayakap sa maraming mga ideya at gawain na hindi sang ayon sa Bibliya. Ang "pagninilay na panalangin" ay isa sa mga gawaing ito.
Ang "pagninilay na panalangin (contemplative prayer) ay kilala din bilang "isini-sentrong panalangin," (centering prayer), isang uri ng meditasyon kung saan itinutuon ng isang tao ang kanyang isip sa isang salita at inuulit ulit ang salitang iyon habang nananalangin. Habang ang gawaing ito ay ginagawa sa iba't ibang kaparaanan ng mga nagsasanay nito, mayroon silang pagkakahawig. Ang pagninilay na panalangin ay ginagamitan ng isang banal na salita bilang simbolo ng isang hangarin upang bigyan ng pahintulot ang presensya ng Diyos at ang kanyang gagawin sa isang nananalangin. Ang gawaing ito ay karaniwang ginagawa habang nakaupo at nakapikit ang mga mata, at pagkatapos ay unti unting itinutuon ang pansin sa isang espesyal na salita. Kung bumabalik sa normal na pagiisip ang isang taong nagsasagawa nito, kailangan niyang bumalik sa estado ng meditasyon at muling uulit-ulitin ang isang "espesyal" o "banal" na salita.
Kahit na tunog inosente ang ganitong gawain, ang ganitong klase ng panalangin ay hindi sinusuportahan ng Bibliya. Sa katunayan, ito ay salungat sa uri ng pananalangin na itinuturo ng Bibliya. "Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat" (Filipos 4:6). "Hindi na kayo kailangang magtanong sa akin sa araw na iyon. Tandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa pangalan ko; humingi kayo, at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan" (Juan 16:23-24). Ang mga talatang ito at marami pang ibang mga talata ay malinaw na naglalarawan sa panalangin bilang isang nauunawaang pakikipagugnayan sa Diyos, hindi isang "esoteric" at mistikal na meditasyon.
Ang "pagninilay na panalangin" (contemplative prayer), sa disenyo nito, ay nakatuon sa pagkakaroon ng isang mistikal na karanasan sa Diyos gayunman, ang mistisismo (mysticism) ay ang kawalan ng pagtitiwala sa katotohanan ng salita ng Diyos. Ngunit binigyan tayo ng salita ng Diyos ng tamang basehan ng ating pananampalataya at ng layunin at mga gawain sa ating buhay na dapat na naaayon sa katotohanan (2 timoteo 3:16-17). Ang ating dapat malaman tungkol sa Diyos ay nakabase sa katotohanan. Ang pagtitiwala sa karunungan bunga ng isang karanasan sa halip na base sa nakasulat ng Salita ng Diyos ay paglabag sa pamantayan na itinakda ng Bibliya.
Ang "pagninilay na panalangin" ay kagaya rin ng iba pang pagsasanay ng meditasyon ng mga relihiyon sa Silangan at ng mga kulto sa kasalukuyan. Ang mga sumusuporta sa gawaing ito ay yumayakap sa isang bukas na espiritwalidad mula sa mga kaanib ng ibang relihiyon at nagpapakalat ng ideya na maraming daan sa kaligtasan kahit na itinuro mismo ni Hesus na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng Kanyang persona at gawain (Juan 14:6). Ang pagninilay na panalangin ay isang gawain ng makabagong kilusan ng pananampalataya at salungat sa Biblikal na Kristiyanismo at nararapat na iwasan ng mga tunay na Kristiyano.
English
Ano ang pagninilay na panalangin (contemplative prayer)?