Tanong
Ano ang tamang pananaw ng Kristiyano sa pagpapahalaga sa sarili?
Sagot
Marami ang pinapakahuluganan ang pagpapahalaga sa sarili ng "pakiramdam ng halaga batay sa kasanayan, tinapos, estado sa lipunan, tagumpay, hitsura at kakayahang pinansyal." Ang uri ng pagpapahalagang ito ay maaaring magtulak sa tao upang maging independiente, mapagmataas at sambahin ang sarili na siyang nagpapababaw ng kanyang pagkakilala at pagnanais sa Diyos. Sinasabi sa Santiago 4:6, "Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba." Kung magtitiwala tayo sa ating mga kayamanan sa lupa, tiyak na makakaranas tayo ng pagpapahalaga sa sarili na naguugat sa pagmamataas. Sinabi sa atin ni Hesus, "Gayon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, 'Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.'" (Lukas 17:10).
Hindi ito nangangahulugan na dapat na magkaroon ng mababang pagtingin sa sarili ang mga Kristiyano. Nangangahulugan lamang ito na ang ating pagtingin sa sarili bilang mabubuting tao ay hindi nakadepende sa ating mga ginagawa kundi sa kung sino tayo kay Kristo. Kailangan nating magpakumbaba sa Kanyang harapan at bibigyan Niya tayo ng karangalan. Ipinapaalala sa atin ng Awit 16:2, "Ikaw'y aking Panginoon," ang wika ko sa aking Diyos, "Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob." Nagkakaroon ng pagpapahalaga sa sarili ang mga Kristiyano dahil sa kanilang relasyon sa Diyos. Nalalaman natin na tayo ay mahalaga dahil sa laki ng halaga ng ibinayad ng Diyos upang tayo ay matubos sa pamamagitan ng dugo ng Kanyang anak na si Hesu Kristo.
Sa isang banda, ang mababang pagtingin sa sarili ay kabaliktaran ng pagmamataas. Sa isang banda naman, ito rin ay isang uri ng pagmamataas. May ilan na mababa ang pagtingin sa sarili dahil nais nilang magpaawa sa ibang tao, bigyan sila ng atensyon at aliwin sila. Ang mababang pagtingin sa sarili ay maaaring maging deklarasyon na "tingnan mo ako" tulad sa pagmamataas. Ibang ruta lang ang dinadaan ngunit pareho din ang pinatutunguhan at ito ay paghahanap ng atensyon sa sarili, obsesyon sa sarili at pagkamakasarili. Sa halip, dapat tayong mamatay sa sarili, alisin ang atensyon sa sarili at ilihis ang anumang atensyon para sa sarili at ituon ito sa dakilang Diyos na lumikha at umaalalay sa atin.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na pinahalagahan tayo ng Diyos at binili Niya tayo upang maging Kanyang sariling bayan (Efeso 1:14). Dahil dito, Siya lamang ang karapatdapat sa karangalan at papuri. Kung mayroon tayong malusog na pagpapahalaga sa sarili, pahahalagahan natin ang ating sarili na sapat upang huwag makisangkot sa mga kasalanan na umalipin sa atin noong hindi pa tayo nananampalataya. Sa halip, kikilos tayo ng may kapakumbabaan na iniisip na mas mahalaga ang iba kaysa sa atin (Filipos 2:3). Pinaalalahanan tayo ni Pablo sa Roma 12:3, "Dahil sa kaloob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo: huwag ninyong pahalagahan nang higit sa nararapat ang inyong sarili. Sa halip, pakalimiin ninyo ang tunay ninyong katatayuan, ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo."
English
Ano ang tamang pananaw ng Kristiyano sa pagpapahalaga sa sarili?