settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagpapahayag ng pananampalataya?

Sagot


Ang pagpapahayag ay nangangahulugan ng pagdedeklara ng isang bagay. Kapag ating ginamit ang katagang "pagpapahayag ng pananampalataya," Ito ay kadalasang tumutukoy sa deklarasyon ng isang tao ng kanyang layunin at pasya na sumunod kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. At dahil ang salita ay hindi palaging nagpapakita ng tunay na kalagayan ng puso, ang pagpapahayag o deklarasyon ng pananampalataya ay hindi pwedeng maging sapat na katibayan ng tunay na kaligtasan.

Sa Roma 10:9-10 ay ipinapakita ang halaga ng pagpapahayag ng pananampalataya kay Cristo sinasabi dito na, "Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay pinapawalang-sala ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayon ay naliligtas." Ibig sabihin, ang pananampalatayang mula sa puso ay laging may kaakibat na kapahayagan mula sa labi. Sapagkat ang mga naligtas ay nagpapahayag at nagpapatotoo tungkol sa kanilang kaligtasan kahit ito ay maging sanhi ng kanilang kamatayan katulad ng nangyari sa mga Kristiyano sa Roma na sinusulatan ni Pablo.

Wala tayong ambag sa pagkakaroon natin ng kaligtasan dahil ito ay gawain ng Espiritu Santo. Hindi tayo maliligtas ng ating salita sapagkat ang kaligtasan ay dahil sa biyaya lamang sa pamamagitan ng kaloob na pananampalataya (Efeso2:8-9), at hindi sa pamamagitan ng ating mga sinasabi. Ang dahilan kung bakit sinaway ni Jesus ang mga Hudyo ay ang kanilang mapagpaimbabaw at hungkag na pagpapahayag ng kanilang pananampalataya: "Sinagot sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat, ‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal" (Marcos 7:6).

Noon pa mang panahon ng unang iglesya at sa maraming bahagi ng mundo ngayon, ang pagpapahayag na si Jesus ay Panginoon ay katumbas ng isang malaking halaga. Sapagkat ang pagpapahayag na si Jesus ang Mesiyas ay magbubunga ng pag uusig, o kamatayan para sa mga mananampalatayang Hudyo (Gawa 8:1). Sa katunayan, iyan ang dahilan kung bakit tatlong ulit na itinatwa ni Pedro si Jesus (Marcos 14:66-72). Ngunit nang muling mabuhay si Jesus at Siya ay umakyat sa langit, kanyang ipinagkaloob ang Espiritu Santo upang manahan sa mga mananampalataya, kaya't ang dating natatakot na mga alagad ay buong tapang na nagpahayag at nagpatotoo tungkol kay Jesus sa mga lansangan at sinagoga (Gawa1-2). At dahil sa pagpapahayag nila ng kanilang pananampalataya ay marami ang sumampalataya ngunit ito rin ay naging sanhi ng pag uusig sa kanila (Gawa 2:1-41; 4:1-4). Tumanggi silang ihinto ang pangangaral ng tungkol kay Jesus, dahil sa sinabi Niya na: "...ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel" (Lucas 9:26). Kung ganoon, ang isa sa layunin ng pagpapahayag natin ng ating pananampalataya ay ang deklarasyon na hindi natin ikinahihiyang tayo ay tawaging mga alagad ni Jesus. Kaya't ang pahayag ng pananampalataya na wala namang pagbabago sa puso ay mananatiling salita lamang. Ang pagpapahayag ng pananampalataya na walang kaakibat na pananampalataya mula sa puso ay walang kapangyarihan upang tayo ay maligtas at mabago. Iyan ang dahilan kung bakit nagbabala si Jesus sa mga naniniwalang sila ay ligtas dahil sa kanilang pahayag sapagkat sa huli ay mapapagtanto nilang hindi pala sila sa Panginoon: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan" (Mateo 7:21-23). Kung ganoon, maliwanag na hindi pala sapat lang na sabihin mong ikaw ay sumasampalataya kay Jesus, kahit pa ang pahayag mo ay may kalakip na mabuting gawa, hindi pa rin ito patunay na ikaw nga ay ligtas. Kinakailangang pagsisihan mo ang iyong mga kasalanan (Marcos 6:12). Kailangang ipanganak kang muli (Juan 3:3) at kailangang sundin mo si Jesus bilang Panginoon ng iyong buhay sa pamamagitan ng pananampalataya.

Kaugnay nito, ang pagpapahayag ng pananampalataya ay pasimula lamang ng habang buhay na pagiging alagad (Lucas 9:23). Maraming paraan upang ipahayag ang pananampalataya, kung paanong marami ring paraan upang tanggihan si Jesus, "At sinasabi ko sa inyo, ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos" (Lucas 12:8). Dapat rin nating maunawaan na ang isang paraan ng panlabas na pagpapahayag ng pananampalataya ay ang bautismo sa tubig. Ito ay unang hakbang ng pagsunod kay Jesus bilang Panginoon (Gawa 2:38). Ngunit ang bautismo sa tubig ay hindi batayan ng kaligtasan. Marami ang nakaranas ilubog at wisikan ng tubig ngunit ang ritwal na ito ay hindi nakapagliligtas. "Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang" (Juan 6:63). Subalit ang bautismo ay dapat maging simbolo ng bagong buhay na mayroon tayo kay Cristo, ito ang panloob na pagbabago ng katapatan. Kaya't kung walang pagbabago ng puso at ng ating buhay, ang bautismo at iba pang paraan ng pagpapahayag ng pananampalataya ay maituturing na mga ritwal na panrelihiyon lamang, ito'y walang kapangyarihan.

Ang kaligtasan ay nagaganap sa sandaling ang Banal na Espiritu ay kumilos sa pusong nagsisisi at nagsisimula Siyang pabanalin tayo hanggang maging kawangis ni Jesus (Roma 8:29). Makikita sa Juan 3 nang ipaliwanag ni Jesus kay Nicodemo ang bagay na ito ay kanyang inihalintulad ang pagkilos ng Espiritu gaya sa ihip ng hangin. Hindi natin nakikita ang hangin ngunit nalalaman natin kung saan ito papunta sapagkat lahat ng madaanan nito ay gumagalaw, ang damo , ang dahon, maging sa ating balat kapag ito ay dumampi ay may lamig tayong mararamdaman kaya't hindi tayo maaaring magalinlangan kung talaga bang umihip nga ang hangin. Gayundin naman ang Espiritu, ito ay nagdudulot ng pagbabago sa sandaling ito ay kumilos sa pusong may pananampalataya. Hindi natin Siya nakikita ngunit nararamdaman at nakikita natin kung saan at kanino Siya nananahan sapagkat nababago ang buhay at pananaw ng isang taong pinananahanan niya. Ang mga hangarin ay nag uumpisang umayon sa Salita ng Diyos. Nahahayag ang Panginoong Jesus sa lahat ng ating ginagawa at sinisikap nating magbigay luwalhati sa Kanya (1 Corinto 10:31). Sa makatuwid, ang paraan ng ating pamumuhay ang tiyak na patunay ng pagpapahayag ng ating pananampalataya kaysa salita lamang. Totoo rin na ang salita ay mahalaga at hindi dapat ito ikinahihiya ng tunay na sumasampalataya kay Cristo. Sa Biblia ay may mga pagkakataon na binibigyang diin ni Jesus ang kahalagahan ng pagpapahayag ng pananampalataya (hal. Mateo 16:15). Ngunit binibigyang diin din niya ang higit pa sa salita: “..Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko" (Juan 8:31).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagpapahayag ng pananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries