settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakita ng motibo?

Sagot


Hindi partikular na tinatalakay sa Bibliya kung masama ba o hindi ang magpakita ng motibo sa isang tao ngunit may binanggit itong mga prinsipyo na mailalapat sa isyung ito. Ayon sa Merriam-Webster, ang pagpapakita ng motibo o flirting sa ingles ay: a) pagpapakita ng pagnanasa sa isang tao ng hindi sineseryoso ang intensyon o, b) pagpapakita ng panlabas o kaswal na interes o pagkagusto sa isang tao. Ito ay kasingkahulugan ng salitang trifle o isang bagay na maliit o walang halaga. Ang ikalawang bagay na dapat nating suriin ay kung ano ang nais makuha ng isang tao kung nagpapakita siya ng motibo. Kinukuha ba niya ang atensyon ng tao, negatibo man o positibo? Sinusubukan ba niya na magpakita ng sekswal na interes o atraksyon? Itinuturing ba niya na ito ay isang "inosenteng gawain," kahit na may asawa na siya o may asawa na ang taong kanyang pinagpapakitaan ng motibo?

Ang pagkakaroon ng kaswal na kontak sa isang tao habang may sekswal na saloobin sa taong iyon ay mapanganib sa ating espiritwalidad. Bagama't marami ang naniniwala na hangga't walang aktwal na seks ang nagaganap, walang problema kung ano ang nagaganap sa ating isipan. Ngunit iba ang sinasabi ng Bibliya patungkol dito. "Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso" (Mateo 5:28). Sinasabi ni Santiago, "Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan" (Santiago 1:14–15). Alam ng Diyos ang ating iniisip, at ang ating iniisip ang impluwensya sa likod ng ating mga ikinikilos.

Naguumpisa ang kasalanan sa ating isip at pagkatapos ay itinatago sa ating mga puso. Sinasabi sa atin sa Mateo 12:35, "Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso." Isang katotohanan na kung ano ang nasa ating kapaligiran, anuman ang ating pinagkakaabalahan, at anuman ang hinahayaan nating pumuno sa ating isipan, iyon ang humuhugis sa ating pagkatao. Ito ang dahilan kung bakit sinabi sa Filipos 4:8, "Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang."

Bagama't laging inilalarawan ang pagpapakita ng motibo bilang isang "hindi mapanganib" na gawain, bihira lamang itong nagiging hindi mapanganib sa aktwal. Maaaring magdulot ng kasiya-siyang atensyon ang pagpapakita ng motibo, ngunit ang ipinapakitang interes sa isang tao ay laging patungkol sa sekswal na gawain at laging hindi umaani ng paggalang. Maaari ding makasira sa reputasyon ng tao ang pagpapakita ng motibo na maaaring makasira sa relasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap. Maaaring kasiya-siya ang gawaing ito sa ilang sandali, ngunit nagbubunga ito sa huwad na relasyon na nagiiwan sa isang tao ng hungkag na pakiramdam dahil walang tunay na relasyong nagaganap.

Ang isa pang kunsiderasyon ay ang taong pinagpapakitaan ng motibo. Posible rin na ang taong pinagpapakitaan ng motibo ay nakikipaglaban sa makalamang pagiisip. Kung lumalapit sa kanya, pumupungay ang mata, dumidikit o nagpapakita ng isang bahagi ng katawan ang isang taong nagpapakita ng motibo, lalo siyang mahihirapan sa pakikipaglaban. Mahigpit na nagbababala ang Bibliya laban sa pagtukso sa iba upang magkasala (Mateo 18:7). Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang magakay ng iba sa kaharian ng Diyos at umiwas sa abot ng ating makakaya na maging sanhi ng ikatitisod ng iba sa kanilang paglakad bilang mananampalataya (Roma 14:21).

Sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat tayong maging mabuting halimbawa, na ipinapakita sa iba ang pag-ibig ni Kristo sa pamamagitan ng ating mga kilos at paguugali (Efeso 5:1-2). Malalim at tunay ang pag-ibig ni Kristo. Sa halip na magpakita ng motibo o maglandi, dapat nating ibigin ang iba ng makadiyos na pag-ibig. Ipinapaalala sa atin sa 1 Corinto 10:31, "Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakita ng motibo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries