Tanong
Ano ang pagpapala ayon sa Bibliya?
Sagot
Sa Bibliya, may ilang mga salita na karaniwang isinasalin sa salitang "pagpapala" o "pagpalain." Ang salitang Hebreo na laging isinasalin sa salitang "pagpapala" ay barak, na maaaring mangahulugan ng pagpupuri, pagbati, o pagsaludo, at ginagamit rin na pakahulugan sa sumpa. Ang unang banggit sa Bibliya ng salitang barak ay sa Genesis 1:22 ng pagpalain ng Diyos ang mga nilalang sa tubig, at mga ibon at sabihan sila na magpakarami at punuin ang daigdig. Gayundin sa talata 28, ibinigay din ng Diyos ang parehong pagpapala kina Adan at Eba at idinagdag na magkakaroon sila ng kapamahalaan sa mga nilikha ng Diyos. Nang tawagin gn Diyos si Abraham para magtungo sa Lupang Pangako (Genesis 12:1-3), ipinangako Niya sa kanila na pagpapalain siya, gagawing dakila ang kanyang pangalan at sa pamamagitan niya, pagpapalain ang lahat ng pamilya sa mundo. Ang mga pagpapalang ito ay simpleng may kaugnayan sa kasiyahan at mabuting kalagayan, para kay Abraham at sa iba. Sa Genesis 22:16-18, muling pinagpala ng Diyos si Abraham, at sinabing ang pagpapala ay dahil sa kanyang pagiging masunurin sa Kanyang mga utos.
Hindi lamang ang Diyos ang nagpapahayag ng pagpapala. Nang lisanin ni Rebecca ang kanyang pamilya para maging asawa ni Isaac (Genesis 24:60), pinagpala siya ng kanyang pamilya at sinabi, "Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas, upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas ng saganang pag-aani at katas ng ubas. Hayaan ang mga bansa'y gumalang at paalipin; bilang pinuno, ikaw ay kilalanin Igagalang ka ng mga kapatid mo, mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo. Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din, ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain" (Genesis 27:28-29).
Ang isa pang salitang Hebreo para sa pagpapala ay esher, na isinasalin din sa salitang kasiyahan. Idineklara sa Job 5:17, "Mapalad ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan, ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam." Ang pagpapalang ito ay may kaugnayan sa kaalaman na ang Diyos ay gumagawa upang gabayan tayo sa tamang daan. Ang pagdidisiplina ng Diyos sa totoo ay pagpapakita Niya ng Kanyang pag-ibig para sa atin, gaya ng isang magulang na dinidisiplina ang kanyang anak na laging naglalaro sa gitna ng kalsada. Ang temang ito ay makikita sa Awit 1:1-3 kung saan sinasabi, "Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama, at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa. Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya at hindi nakikisangkot sa gawaing masama. Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi. Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay." Ang aklat ng Awit ay puno ng pagtukoy sa uring ito ng masayang pagpapala para sa mga umiibig at may takot sa Diyos.
Sa Bagong Tipan, may dalawang pangunahing salitang Griyego na isinasalin sa salitang "pagpapala." Una ay ang salitang Makarios na nagpapahiwatig ng kasiyahan na gaya ng nabanggit sa itaas. Inilalarawan sa "Ang Mapalad" sa Mateo 5 at Lukas 6 ang isang masayang kalagayan ng mga taong natagpuan ang layunin at kaganapan sa Diyos. Gaya ng Awit, ang pinakamagandang buhay ay maaaring makamtan ng mga taong umiibig at may takot sa Diyos at isinasaayos ang kanilang mga buhay ayon sa kanyang Salita. Iniuugnay sa Roma 4:6-8 ang masayang pagpapalang ito sa mga taong pinatawad na ang mga kasalanan dahil alam nilang naibalik na ang kanilang relasyon sa Diyos. Ang isa pang salitang Grieygo para sa pagpapala ay Eulogeo na mas nakatuon sa magagandang salita o magandang ulat na ibinibigay ng iba para sa isang tao at inilalarawan din ang pagpapala na ating binibigkas bago tayo kumain (Mateo 26:26). Pinasasalamatan sa Efeso 1:3 ang Diyos para sa mga pagpapalang Kanyang ibinibigay sa atin kay Cristo, at sa 1 Pedro 3:9, tinuturuan tayo na pagpalain ang mga gumagawa sa atin ng masama, dahil tinawag tayo upang tumanggap ng pagpapalang mula sa Diyos.
Kung pagsasamaha-samahin ang mga paliwanag sa itaas, makikita natin na ang pagpapala ay isang pahayag ng mabuting hangarin at kasiyahan na sinasabi sa isang tao, gayundin ng kundisyon para maganap ang mga pahayag na iyon. Ang orihinal na disenyo ng Diyos sa Kanyang mga nilikha kabilang ang sangkatauhan ay upang maranasan nila ang kasaganaan, kapayapaan at kasiyahan ngunit ang disenyong ito ay nasira ng pumasok ang kasalanan sa mundo. Ang mga pahayag ng pagpapala ay isang kahilingan sa Diyos para papanumbalikin ang Kanyang pabor o isang deklarasyon ng Kanyang likas na kagandahang loob. Ang pinakadakilang pagpapala na ibinibigay ng Diyos sa tao ay ang bagong buhay at kapatawaran sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang Anak na si Jesu Cristo. Ang mga materyal na pagpapala na ating tinatamasa sa araw-araw ay panandalian lamang, ngunit ang mga espiritwal na pagpapala na ating nakamtan kay Cristo ay hindi malilimitahan ng panahon at pang walang hanggan. Gaya ng sinabi ng Mangaawit, "Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob; sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos" (Awit 146:5).
English
Ano ang pagpapala ayon sa Bibliya?