Tanong
Paano ako tatagal sa pagpapalaki sa aking anak na tinedyer?
Sagot
Maraming Kristiyanong magulang ang nagiisip kung hanggang saan sila tatagal sa pagpapalaki sa kanilang anak na tinedyer. Tipikal na pare-pareho ang paguugali at katangian ng mga tinedyer ngayon. Una, dumadaan sila sa yugto ng kanilang buhay na inaakala na alam na nila ang lahat ng bagay na dapat nilang malaman at hindi nila kailangang malaman ang mga bagay na hindi nila alam. Ikalawa, kinokontrol sila ng mga hormones at mga kemikal sa kanilang utak na nagpapatakbo sa kanilang mga katawan, anupa't hindi nila kayang mangatwiran na tulad sa matatanda. Nais nilang makuha ang mga bagay na gusto nila kung kailan nila gusto at laging wala silang anumang konsepto na maaaring makasakit o makasama sa kanila ang kanilang kagustuhan. Trabaho ng mga magulang na panatilihin silang ligtas mula sa kanilang sarili habang dumadaan sila sa napakahirap na yugtong ito ng kanilang buhay.
Itinuro sa atin ni Jesus sa Mateo 7:9-10, "Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda?" Minsan humihingi ang mga anak ng mga bagay na maganda para sa kanilang pananaw, ngunit ang totoo, makakasama iyon sa kanila kaya responsibilidad ng mga magulang na gawin ang pinakamabuti. May isa tayong pamantayan – kung humihingi tayo sa Diyos ng isang bagay na inaakala nating mabuti para sa atin ngunit alam Niya na hindi iyon makabubuti sa atin, hindi Niya iyon ipinagkakaloob sa atin.
Ang paghahari ni Jesus sa ating tahanan ang pinakamagandang paraan upang magpalaki ng mga anak. "Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan" (Kawikaan 22:6). Kung naglagak ka ng pagtitiwala kay Kristo bilang iyong Panginoon, nananahan sa iyo ang Banal na Espiritu at itururo Niya sa iyo ang Kanyang kalooban (Juan 14:26; 1 Juan 2:27), at kasama dito ang tamang pagpapalaki sa mga anak. Natututo ang mga bata sa pamamagitan ng pagmamasid sa ating ginagawa ng higit kaysa sa pakikinig sa ating sinasabi kaya't napakahalaga ng pagiging mabuting halimbawa.
Itinuturo ng Bibliya ang kahalagahan ng pagdidisiplina. "Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang" (Kawikaan 13:24). "Ituwid mo ang iyong anak habang may pagkakataon pa, kung hindi'y ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak niya" (Kawikaan 19:18). "Ang anak mo'y busugin sa pangaral, at pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan" (Kawikaan 29:17). Napakahalaga na may mga alituntuning sinusunod sa tahanan at ipinatutupad natin iyon. Kung alam ng mga bata na mali ang kanilang ginagawa, dapat na may katapat iyong parusa, ngunit dapat na nababagay ang parusa sa kanilang kasalanang nagawa. Halimbawa, ipinapakita ng pagsisinungaling na hindi dapat pagtiwalaan ang isang bata kaya hanggat hindi naibabalik ang pagtitiwala, limitado lamang ang panahong ilalagi ng bata sa labas ng tahanan. Gugustuhin nila na pagtiwalan silang muli, kaya't matututo sila sa ganitong paraan. Ang pinakamasamang bagay na maaari nating gawin ay subukin na maging kaibigan lang ng ating mga anak sa halip na maging magulang.
Dapat na ipatupad ang pagdidisiplina para sa pinakamabuting interes ng bata bilang motibasyon. Sinasabi sa Efeso 6:4 na hindi natin dapat na ibuyo ang ating mga anak sa pagkagalit (hindi ito nangangahulugan na hindi natin sila didisiplinahin; kundi hindi natin sila dapat disiplinahin sa mga oras na galit tayo sa kanila), kundi palakihin sila sa disiplina at pagtutuwid sa paraang sinasang-ayunan ng Panginoon. Tiyakin mo na sinasabi mo sa iyong mga anak kung bakit mali ang kanilang ginawa, kung bakit ka tumututol sa kanilang pananaw sa isang bagay, at ipaalam mo sa kanila na ginagawa mo lamang ang pagdidisiplina dahil mahal mo sila. Sinasabi sa atin sa Hebreo 12:7 na dinidisiplina tayo ng Diyos bilang Kanyang mga anak kung tayo'y nagkakasala dahil iniibig Niya tayo at hindi makabubuti para sa atin kung hindi Niya tayo didisiplinahin. Kung nangangatwiran ang isang anak tuwing dinidisiplina (na tiyak na kanilang gagawin), sasagutin siya ng isang matalinong magulang ng ganito: "responsibilidad ko na disiplinahin ka, kung hindi ko ito gagawin, mananagot ako sa Diyos."
Panghuli, may ilang bagay na napakahalaga upang magtagumpay sa pagpapalaki sa mga tinedyer na anak: dapat na marunong tayong magpatawa paminsan-minsan, naninindigan tayo na ginagawa natin ang tama, nagtitiwala sa karunungan ng Diyos sa Kanyang Salita, at laging nananalangin, nananalangin, at nananalangin! Hindi lamang makatutulong ang mga ito upang makatagal tayo sa pagpapalaki sa ating tinedyer na anak kundi makatutulong din ito upang magkaroon sila ng modelo sa pagpapalaki sa kanilang magiging anak sa hinaharap.
English
Paano ako tatagal sa pagpapalaki sa aking anak na tinedyer?