Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapalaki ng mga anak?
Sagot
Nilikha ng Diyos ang pamilya. Disenyo Niya para sa isang lalaki at isang babae na maging magasawa habang buhay at magpalaki ng mga anak na kumikilala at lumuluwalhati sa Kanya (Markos 10:9; Malakias 2:15). Isang ideya din ng Diyos ang pagaampon, at Kanyang inilarawan ito sa Kanyang pagampon sa atin upang maging Kanyang mga anak (Roma 8:15, 23; Efeso 1:5). Anuman ang kaparaanan sa pagiging miyembro natin sa isang pamilya, ang mga anak ay kaloob na mula sa Diyos at nagmamalasakit Siya kung paano sila pinalalaki (Awit 127:3; 34:11; Kawikaan 23:13–14). Sa tuwing binibigyan tayo ng Diyos ng kaloob, nagbibigay din Siya ng malinaw na tagubilin sa pagiging katiwala ng kaloob na iyon.
Noong palayain ng Diyos ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto, inutusan Niya sila na ituro sa kanilang mga anak ang lahat ng Kanyang mga ginawa para sa kanila (Deuteronomio 6:6–7; 11:19). Nais Niya na magpatuloy ang mga susunod pang henerasyon sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Sa tuwing mabibigo ang isang henerasyon na ipaalala ang mga utos ng Diyos sa kasunod na henerasyon, agad na bumabagsak ang sosyedad. Hindi lamang may responsibilidad ang mga magulang sa kanilang mga anak, kundi isang takdang aralin para sa kanila na ituro sa kanila ang mga pagpapahalaga ng Diyos at ang Kanyang mga katotohanan sa kanilang mga buhay.
May ilang talata sa Bibliya na nagbibigay ng partikular na alituntunin sa mga magulang kung paano palalakihin ang kanilang mga anak. Sinasabi sa Efeso 6:4, "Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon." May ilang paraan kung paano maibubuyo ng mga magulang sa pagkagalit ang kanilang mga anak. May mga magulang na nagtatakda ng napakataas na pamantayan na imposibleng abutin na nagiging daan upang panghinaan ng loob ang kanilang mga anak. May mga magulang naman na tinutukso, hinihiya o nililibak ang kanilang anak bilang pamamaraan sa pagdidisiplina na walang nagagawang mabuti kundi itinutulak lamang sa pagkagalit ang kanilang anak. Ibinubuyo din sa pagkagalit ang mga anak ng kawalan ng integridad ng mga magulang dahil hindi nila natitiyak ang konsekwensya ng kanilang mga ginagawa. Ibinubuyo ng pagpapakitang tao ang mga anak sa galit dahil ginagawa ng mga magulang ang mga bagay na ayaw nilang ipagawa sa kanilang mga anak.
Ang "pagpapalaki ayon sa disiplina at aral ng Panginoon" ay nangangahulugan na dapat na sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak kung paanong sinasanay sila ng Diyos. Bilang isang Ama, ang Diyos ay "banayad sa pagkagalit" (Bilang 14:18; Awit 145:8), matiyaga (Awit 86:15), at mapagpatawad (Daniel 9:9). Layunin ng Kanyang pagdidisiplina na dalhin tayo sa pagsisisi (Hebreo 12:6–11). Matatagpuan natin ang Kanyang mga tagubilin sa Kanyang Salita (Juan 17:17; Awit 119:97), at ninanais Niya na punuin ng mga magulang ang kanilang tahanan ng Kanyang katotohanan (Deuteronomio 6:6–7).
Dinidisiplina din ng Diyos ang Kanyang mga anak (Kawikaan 3:11; Hebreo 12:5) at inaasahan Niya ang mga magulang sa lupa na gagawin din ang gayon (Kawikaan 23:13). Sinasabi sa Awit 94:12, "Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral, silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan." Ang salitang disiplina ay nanggaling sa salitang ugat na "disipulo." Layunin ng Diyos sa pagdidisiplina na "maging katulad tayo ng kanyang Anak" (Roma 8:29). Maaaring gawin ng mga magulang na disipulo ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga pagpapahalaga at mga aral sa buhay na kanilang natutunan sa Bibliya. Bilang mga magulang na isinasapamuhay ang makadiyos na pamumuhay at gumagawa ng mga desisyon ayon sa paggabay ng Banal na Espiritu (Galacia 5:16, 25), mahahamon nila ang kanilang mga anak na sumunod sa kanilang halimbawa. Ang tama at nagpapatuloy na pagdidisiplina ay nagbubunga sa "pagaani ng katuwiran" (Hebreo 12:11). Ang kabiguan na disiplinahin ang mga anak ay nagbubunga sa kahihiyan para sa magulang at anak (Kawikaan 10:1). Sinasabi sa Kawikaan 15:32 na ang hindi sumusunod sa disiplina ay "ipinapahamak ang sarili." Hinatulan ng Diyos ang saserdoteng si Eli dahil sa Kanyang kapabayaan na disiplinahin ang kanyang mga anak sa pagdudulot ng mga ito ng kahihiyan sa Panginoon (1 Samuel 3:13).
Ang mga anak ay "manang mula sa Diyos" (Awit 127:3). Inilagay sila ng Diyos sa pamilya at ibinigay sa kanilang mga magulang ang gabay at responsibilidad kung paano sila palalakihin. Layunin ng mabuting pagpapalaki na humubog ng matatalinong mga anak na kumikilala at lumuluwalhati sa Diyos. Ipinakita sa Kawikaan 23:24 ang resulta ng pagpapalaki sa mga anak ng ayon sa plano ng Diyos: "Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino."
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapalaki ng mga anak?