settings icon
share icon
Tanong

Bakit pinapalitan minsan ng Diyos ang pangalan ng isang tao sa Bibliya?

Sagot


Kung pinapalitan ng Diyos ang pangalan ng isang tao at binibigyan ng isang bagong pangalan, kadalasang ang layunin ay upang bigyan ang taong iyon ng bagong pagkakakilanlan. Pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Abram, na nangangahulugang "mataas na ama," ng "Abraham," na nangangahulugang "ama ng marami" (Genesis 17:5). Gayundin naman, pinalitan ng Diyos ang pangalan ng asawa ni Abraham mula sa "Sarai" na nangangahulugang "prinsesa" at ginawang "Sarah" na nangangahulugang "ina ng mga bansa" (Genesis 17:15). Ang pagpapalit ng pangalan ni Abraham at Sarah ay naganap ng ibigay ng Diyos kay Abraham ang tipan ng pagtutuli. Tiniyak din ng Diyos ang Kanyang pangako kay Abraham na bibigyan niyo ito ng anak, partikular kay Sarah at sinabihan siya na pangalanan itong "Isaac" na nangangahulugang 'halakhak' o 'tawa.' Nagkaroon si Abraham ng isa pang anak, si Ismael sa alipin ni Sarah na si Hagar. Ngunit ang pangako ng Diyos na pagpapalain ang mga bansa sa pamamagitan ni Abraham ay matutupad sa pamamagitan ng lahi ni Isaac kung saan nagmula ang Panginoong Jesu Cristo (Mateo 1:1–17; Lukas 3:23–38). Si Isaac ang ama ni Jacob, na naging "Israel." Ang 12 anak ni Jacob ang bumubuo sa labindalawang tribo ng Israel—ang mga Judio. Ang pisikal na lahing nagmula kay Abraham at Sarah ang bumuo ng maraming mga bansa. Sa espiritwal na esensya, ang kanilang lahi ay lalong dumami. Sinasabi sa Galatia 3:29 na ang lahat ng kay Cristo – Judio, Hentil, babae, o lalaki—ay "mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos."

Pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Jacob, na nangangahulugang 'tagapalit' o 'mandaraya' ng 'Israel,' na nangangahulugang "may kapangyarihan kasama ang Diyos" (Genesis 32:28). Nangyari ito pagkatapos na bilhin ni Jacob ang pagkapanganay sa kanyang kakambal na si Esau (Genesis 25) at agawin ang mga pagpapala dito (Genesis 27), tumakas mula sa kanyang kapatid patungo sa kanyang tiyuhing si Laban (Genesis 28), napangasawa si Leah at Racquel (Genesis 29), tumakas mula kay Laban (Genesis 31), at nakipagbuno sa Diyos habang naghahandang makipagkita kay Esau. Pinaglalangan ni Jacob ang kanyang kapatid, dinaya ng kanyang tiyuhing si Laban, dinaya din ang kanyang tiyuhin (Genesis 30), at ngayon ay patungo sa teritoryo ng kanyang kapatid para takasan si Laban. Narinig niya na sasalubungin siya ng kanyang kapatid na si Esau at natakot siya para sa kanyang buhay. Nang gabing iyon, nakipagbuno si Jacob sa isang lalaki, na nagpakilala sa kanya kalaunan na ang Diyos mismo at itinuring na isang theophany (pagpapakita ng Diyos Ama sa isang karaniwang katawan ng tao) o maaaring si Cristo bago Siya magkatawang tao. Hindi binitawan ni Jacob ang lalaki hangga't hindi niya nakukuha ang pagpapala nito. Sa puntong iyon binago ng Diyos ang Kanyang pangalan. Hindi na siya si Jacob na "tagapalit" o "mandaraya." Sa halip, kikilalanin na siya bilang isang taong "nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao at …. nagtagumpay" (Genesis 32:28).

Sa Bagong Tipan, pinalitan ni Jesus ang pangalan ni Simon na nangangahulugang "narinig ng Diyos," ng "Pedro," na nangangahulugang "bato" ng tawagin siya ni Cristo bilang isang alagad (Juan 1:42). Si Pedro ang nagdeklara na si Jesus ang "Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay" (Mateo 16:16). Sumagot si Jesus kay Pedro ng sabihin nito na Siya ang "Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay" na pinagpala ito dahil inihayag sa kanya ng Diyos Ama na Siya ang Mesiyas. Pagkatapos, tinukoy ni Jesus si Simon na "Pedro" at sinabi na ang deklarasyon ni Pedro ang basehan o ang "bato," kung saan Niya itatayo ang Kanyang iglesya (Mateo 16:17–18). Itinuring din si Pedro na lider ng mga apostol. Paminsan-minsan, tinatawag ni Jesus si Pedro na "Simon." Bakit? Maaaring dahil nagaasal si Pedro na gaya ng kanyang dating pagkatao sa halip na isang "bato" na inaasahan sa kanya ni Jesus. Totoo din ito kay Jacob. Patuloy na tinawag siya ng Diyos na Jacob para ipaalala sa kanya ang kanyang nakaraan at para magtiwala Siya sa lakas at kapangyarihan ng Diyos.

Bakit binibigyan ng Diyos ng bagong pangalan ang ilang tao sa Bibliya? Hindi ibinigay sa Bibliya ang dahilan, ngunit maaaring ito ay upang ipaalam sa kanila na nakatalaga sila para sa isang bagong misyon sa buhay. Ang bagong pangalan ay isang paraan upang ipahayag sa kanila ang Kanyang plano at upang tiyakin din sa kanila na ang Kanyang plano ay tiyak na magaganap.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit pinapalitan minsan ng Diyos ang pangalan ng isang tao sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries