Tanong
Posible ba ang pagpapanumbalik ng pagiging birhen?
Sagot
Ang pagpapanumbalik ng pagiging birhen ay ang pagaangkin na pagkatapos ng pakikipagtalik habang dalaga ay maaaring ibalik ang pagkabirhen sa pamamagitan ng espiritwal na pagpapanibago at pagsumpa na hindi na makikipagtalik pa bago magasawa at paghingi sa Diyos ng kapatawaran. May ilang kababaihan na humantong pa sa pagpapaopera para lamang ibalik ang kanilang pagiging birhen.
Maaaring ang nagtutulak sa ilang mga Kristiyano na ibalik ang pagiging birhen ay ang takot sa pagkondena ng kanilang kapatiran o maaaring ang maling kaisipan na hindi tatanggapin ng Diyos ang mga taong nakipagtalik ng hindi pa nakakasal malibang gumawa sila ng hakbang upang ibalik ang kanilang “virginity.” Wala sa dalawang dahilang ito ang dapat na ikabahala ng tao dahil pinatatawad ng Diyos at ipinagkakalob ang Kanyang biyaya sa sinumang buong pusong hihingi ng tawad sa Kanya (1 Juan 1:9).
Sinasabi sa Bibliya na matapos na tayo’y isilang na muli, tayo ay naging bagong nilalang, ang ating dating pagkatao ay nawala at namatay na at mayroon na tayong bagong buhay na ipinagkaloob sa atin ng Banal na Espiritu (2 Corinto 5:17). Ito’y nangangahulugan na hindi na aalalahanin pa ng Diyos ang ating mga kasalanan sa nakalipas (Jeremias31:34), kasama ang pagkawala ng ating pagiging birhen bago ang pagaasawa. Ang ating kasalanan ay inilayo na ng Diyos sa atin kung gaano kalayo ang Silangan sa Kanluran (Awit 103:12). Walang duda na patatawarin ng Diyos ang kasalanan ng pakikipagtalik bago ang kasal. Ang pag-ibig ng Diyos sa isang tao ay hindi nababawasan dahil sa mga nagawang mga kasalanan ng tao sa nakalipas.
Gayunman, bagama’t hindi na gagamitin ng Diyos ang ating kasalanan laban sa atin, totoo pa rin na sila ay may mga konsekwensya sa ating buhay. Pagkatapos na gawin ang isang kasalanan, iyon ay tapos na. Kaya nga hindi posible na angkining muli ang pagiging birhen gaya ng hindi rin posible na pawalang bisa ang konsekwensya ng ating iba pang kasalanang nagawa sa ating buhay. Ang ating pwedeng iwanan ay ang paguusig ng budhi na resulta ng pakikipagtalik bago ang kasal. Ang paguusig ng budhi ay maaaring maging dahilan ng ating pagdududa sa kapangyarihan at katotohanan ng pagpapatawad ng Diyos dahil hindi natin mapatawad ang ating sarili. Maaari tayong alipinin ng ating emosyon at maramdaman na napakasama natin para mapatawad ng Diyos. May ilang kadahilanan sa bagay na ito. Una, ang ating budhi ay lumalaban sa kapatawaran ng Diyos. May kaugnayan ang konsensya sa paguusig ng budhi at kumbiksyon, ngunit wala itong kaugnayan sa habag at biyaya ng Diyos. Ikalawa, Si Satanas ang “taga-usig ng mga mananampalataya” (Pahayag 12:10), at gagawin niya ang lahat upang hindi natin maranasan ang pag-ibig at kahabagan ng Diyos. Si Satanas ay sinungaling at ama ng kasinungalingan (Juan 8:44). Kung malalaman natin na pakinabang para kay Satanas kung patuloy niya tayong ipaparalisa dahil sa paguusig ng budhi, matatanggihan natin ang kanyang kasinungalingan, manghawak sa mga pangako ng Kasulatan na tunay na pinaniniwalaan na namatay na tayo sa kasalanan at maaari ng magumpisang mamuhay para sa Diyos kay Hesu Kristo (Roma 6:11).
Tingnan natin ang nangyari kay Apostol Pablo. Dati siyang nagagalit kay Kristo at nagsisikap na “maipapatay ang mga alagad ng Panginoon” (Gawa 9:1), puno ng pamumusong at kamunduhan, ngunit pinatawad siya ng Diyos at pinili upang maging kasangkapan sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa buong mundo. Sinabi ni Pablo sa mga taga Corinto na bagama’t ang ilan sa kanila ay mga mananamba sa diyus diyusan, mangangalunya, patutot, bakla o tomboy, magnanakaw, maglalasing, mangungutya at manloloko (1 Corinto 6:9-12), ngunit sa pamamagitan ng walang hanggang kapatawaran at walang bayad na biyaya ng Diyos, nahugasan sila mula sa kanilang karumihan at paguusig ng budhi dahil sa kanilang mga kasalanan, hinugasan ng dugo ni Kristo, pinabanal ng Banal na Espiritu at pinagkalooban ng walang kapantay na biyaya ni Kristo at pinabanal at pinaging ganap sa paningin ng Diyos. Kung nakatitiyak tayo sa kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, bakit pa tayo magpapaalipin sa paguusig ng ating budhi?
Sa halip na maghangad na muling ibalik ang pagiging birhen, ang isang tao na nagkasala ng pakikipagtalik ng hindi pa kasal ay maaaring muling magtalaga ng kanyang sarili sa Diyos at hindi na muling makipagtalik pa kaninuman bago siya humarap sa dambana. Ang pagaangkin ng muling pagkabirhen ay hindi ayon sa Bibliya. Ang paniniwala ng buong puso sa kapatawaran ng Diyos at pagdedesisyon na mumuhay ng makatwiran at sa paraan na nagbibigay kasiyahan sa Diyos – ito ang naaayon sa Bibliya.
English
Posible ba ang pagpapanumbalik ng pagiging birhen?