settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mapapanumbalik ang aking relasyon sa aking asawa?

Sagot


Dahil ang pangangailangan sa pagpapanumbalik ng relasyon ng magasawa ay maaaring may iba’t ibang kadahilanan, titingnan natin ang mga prinsipyong matatagpuan sa Bibliya sa pakikipagrelasyon sa pangkalahatan at pagkatapos ay sa relasyon ng magasawa sa partikular.

Ang lugar na ating pagsisimulan ay ang pakikipagrelasyon ng indibidwal na lalaki at babae sa Panginoong Hesu Kristo. Bilang mga isinilang na muling mananampalataya, ang tagumpay ng kahit anong relasyon sa ibang tao ay may direktang kaugnayan sa kalidad ng ating personal na realasyon sa ating Panginoong Hesu Kristo. Kung hindi maayos ang ating relasyon sa Panginoon dahil sa isang kasalanan o pananaw na salungat sa Salita ng Diyos, matatagpuan natin ang ating sarili na naguguluhan at nawawalan ng direksyon at tiyak na maaapektuhan nito ang ating pakikipagrelasyon sa iba. Kaya nga, ang pagpapanumbalik ng ating magandang relasyon sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsang ayon sa Kanyang kalooban at pagtitiwala sa Kanyang kapatawaran (1 Juan 1:9) ang tamang lugar kung saan tayo dapat magumpisa.

Ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa iba ay magaganap kung ang isang tao ay may personal na relasyon sa Panginoong Hesu Kristo sa pamamagitan ng bagong kapanganakan. Ito ay ang pagsilang na muli sa bagong buhay sa pamamgitan ng pagtanggap sa kaloob na buhay na walang hanggan. Kung hindi pa ito naranasan ng isang tao, hindi dapat maunang talakayin ang mga Biblikal na hakbang at prinsipyo sa pagpapanumbalik ng relasyon sa iba kundi ang pagkakaroon muna ng kaligtasan at katubusan mula sa kasalanan.

Para sa isang isinilang na muling mananampalataya, ang kapatawaran ay ang posisyon at pribilehiyo na mayroon tayo kay Kristo at dahil sa kapatawarang ito, iniutos sa atin na magpatawad din naman sa mga nagkasala sa atin. “At magmagandang loob kayo sa isa’t isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa’t isa gaya naman ng pagpaptwad sa inyo ng Diyos kay Kristo” (Efeso 4:32). Kung tayo ay mga tunay na mananampalataya, pinatawad na tayo “kay Kristo” at dahil “kay Kristo,” dapat din tayong magpatawad sa iba. Walang relasyon ang manunumbalik sa dati kung walang kapatawaran. Ang pagpapatawad ay isang desisyon na ating dapat gawin ayon sa realidad ng ating kalagayan bilang mga taong pinatawad ng Diyos.

Para sa relasyon ng magasawa, binigyan tayo ng Bibliya ng malinaw na modelo na salungat sa pananaw ng mundo. Matapos na maibigay at matanggap ang pagpapatawad, ang paglalapat sa modelong ibinigay ng Diyos ang magpapanumbalik sa dalawang partido sa isang pagsasama na nagbibigay karangalan sa Diyos. Kinakailangan dito ang pagdedesisyon sa magkabilang panig. May matandang kasabihan, “hindi mo magagamit ang isang bagay na hindi mo alam.” Kaya nga, upang malaman natin ang modelo ng Diyos sa pagaasawa, kailangang tingnan natin ito mula sa Salita ng Diyos.

Itinalaga ng Diyos ang unang relasyon ng magasawa sa Hardin ng Eden sa pagitan ni Adan at Eba. Nang pumasok ang kasalanan sa sanibutan, ang perpekto nilang relasyon ay nasira. Bilang parusa, sinabi ng Diyos kay Eba na si Adan na ang pangulo na mamumuno sa kanya (Genesis 3:16). (Ikumpara ang 1 Corinto11:3; Efeso s 5:22; Tito 2:5; 1 Pedro 3:5-6.) Ang “pamumunong” ito ang “tinatatanggihan” ng mga liberal na grupo ng kababaihan at nagdala ng hindi masukat na kalungkutan sa mga naniniwala sa kanilang kasinungalingan. May makamundong pananaw din na ang “lahat ng tao, babae man o lalaki ay pantay pantay.” Totoo rin ito sa isang banda. Mayroon tayong lahat ng pantay na pagkakataon para sa kaligtasan kay Kristo Hesus (Galacia 3:28). Ngunit ang sabihin na ang lahat ng tao sa mundo ay may pantay na oportunidad, kakayahan o kapangyarihan ay tulad sa kaisipan ng isang walang muwang. May layunin ang Diyos sa pagpapailalim Niya sa mga asawang babae sa awtoridad ng kanilang mga asawang lalaki. Dahil sa kasalanan, ang pamumunong ito ay inabuso at winalang halaga at nagdulot ito ng kaguluhan sa tahanan at pamilya. Gayunman, sinabi ng Diyos na dapat na “mahalin ng lalaki ang kanyang asawa na gaya ng kanyang sariling katawan” (Efeso 5:28). Sa katotohanan, ibinigay ng Diyos sa lalaki ang higit na malaking responsibilidad. Nararapat na sundin ng babae ang kanyang asawa na gaya ng sa Panginoon; gayunman, dapat na mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa “gaya ng pagibig ni Kristo sa Iglesya na sukat na ibinigay Niya ang Kanyang buhay para dito” (Efeso 5:25-29).

Inilatag sa 1 Corinto 7 ang mga praktikal at personal na mga payo at prinsipyo na kinasihan ng Espiritu tungkol sa relasyon ng magasawa. Muli, itinuturing ni Pablo na ang mga indibidwal na kanyang pinapayuhan ay mga isinilang na muling mananampalataya. Ang bahaging ito ng Kasulatan ay tumatalakay sa pangangalunya, pakikiapid, pananatiling malinis o walang asawa at pagaasawa upang maiwasan ang pakikiapid at pagkahulog sa pita ng laman.

Ang modelo ng Diyos sa pagaasawa ang pinakamaganda ngunit kailangan ang pagtatalaga ng lalaki at babae sa pagkakamit nito. Karaniwan, kung nasisira ang relasyon ng magasawa, may mga pagkakataon na kailangan ang pagpapatawad at paglimot upang maisulong ang muling pagbuo ng relasyon. Kailangan dito ang pagtatalaga at pagdedesisyon ng bawat isa. Ang hindi kahandaang magpatawad ay mauuwi sa hindi panunumbalik ng relasyon. Ang pinakamalaking isyu sa usaping ito ay ang responsibilidad ng bawat isa sa harapan ng Panginoon. Ang paglakad sa pagpapatawad at pakikisama sa isa’t isa ay isang kahanga-hangang umpisa upang muling mabuo ang isang nasirang relasyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mapapanumbalik ang aking relasyon sa aking asawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries