Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagiging mapagpasalamat / pasasalamat?
Sagot
Isang kilalang tema sa Bibliya ang pagpapasalamat. Sinasabi sa 1 Tesalonica 5:16-18, "Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus." Nakuha mo ba iyon? Ipagpasalamat natin ang lahat ng mga pangyayari. Dapat na isang paraan ng pamumuhay para sa atin ang pagpapasalamat at likas itong dumadaloy mula sa ating mga puso at labi. Sa mas malalim na pagaaral sa Kasulatan, mauunawaan natin kung bakit tayo dapat magpasalamat at kung paano tayo magpapasalamat sa iba't-ibang kalagayan.
Sinasabi sa Awit 136:1, "Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!" May dalawang dahilan upang magpasalamat: ang dalisay na pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang katapatan. Kapag nauunawaan natin ang kalikasan ng ating kasamaan at kung hindi sa pag-ibig Diyos, kamatayan lang ang ating hantungan (Juan 10:10; Roma 7:5), ang ating likas na tugon ay dapat na pagpapasalamat sa buhay na Kanyang ipinagkaloob.
Sa Awit 30 nagpuri si David para sa pagpapalaya ng Diyos. Kanyang isinulat, "Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan! Pagluluksa ko ay iyong inalis, kaligayahan ang iyong ipinalit. Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik, O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid." Nagpasalamat si David sa Diyos pagkatapos ng isang mahirap na kalagayan. Hindi lamang pinuri ang Diyos sa Awit na ito ng pagpapasalamat sa oras ng kahirapan kundi inaalala din niya ang katapatan ng Diyos sa nakalipas. Ito ay isang kapahayagan ng mga katangian ng Diyos, na kahanga-hanga anupa't tanging pagpururi lamang ang nararapat na tugon.
May mga halimbawa din tayo ng pagiging mapagpasalamat sa gitna ng mahihirap na kalagayan. Halimbawa sa Awit 28, inilarawan ang pagkabalisa ni David. Isa itong sigaw sa Diyos para sa awa, proteksyon , at katarungan. Matapos manangis ni David sa Diyos, sinulat niya, "Si Yahweh ay dapat purihin! Dininig niya ang aking mga daing. Si Yahweh ang lakas ko at kalasag, tiwala ko'y sa kanya nakalagak. Tinutulungan niya ako at pinasasaya, sa awiti'y pinasasalamatan ko siya" (Awit 28:6-7). Sa gitna ng kahirapan, naalala ni David kung sino ang Diyos at dahil dito nagpasalamat siya sa Kanya. May katulad na saloobin ng papuri si Job sa harap ng kamatayan: "Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!" (Job 1:21).
May mga halimbawa din ng pasasalamat sa gitna ng paguusig ang mga mananampalataya sa Bagong Tipan. Labis na pinagusig si Pablo gayunman isinulat nya, "Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya" (2 Corinto 2:14). Sinasabi ng manunulat ng Hebreo, "Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot" (Hebreo 12:28). Nagbigay si Pedro ng dahilan upang magpasalamat sa gitna ng "kalungkutan" at "lahat ng uri ng mga pagsubok," at sinabi na sa pamamagitan ng mga paghihirap, ang ating pananampalataya ay "pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo" (1 Pedro 1:6-7).
Mapagpasalamat ang mga anak ng Diyos sapagkat alam nila kung gaano kalaking halaga ang ibinigay sa kanila. Kakulangan ng pasasalamat ang isa sa mga katangian ng mga tao sa mga huling araw ayon sa 2 Timoteo 3:2. Ang masasama ay mga taong "walang utang na loob."
Dapat tayong maging magpasalamat dahil karapat-dapat ang Diyos sa ating pasasalamat. Makatwiran lamang na kilalanin siya para sa "bawat mabuti at sakdal na kaloob" na Kanyang ibinibigay (Santiago 1:17). Kapag nagpapasalamat tayo, nawawala ang ating atensyon mula sa mga makasariling pagnanasa at sakit ng mga kasalukuyang kalagayan. Ang pagpapahayag ng pasasalamat ay tumutulong sa atin para alalahanin na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay at pangyayari. Kung gayon, hindi lamang naaangkop ang pagpapasalamat; talagang nararapat ito at kapaki-pakinabang para sa atin. Ipinapaalala nito sa atin ang mas malaking larawan na tayo ay sa Diyos, at pinagpala tayo ng mga espiritwal na pagpapala (Efeso 1:3). Tunay na mayroon tayong masaganang buhay (Juan 10:10) at nararapat lamang na tayo'y maging magpagpasalamat sa tuwina.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagiging mapagpasalamat / pasasalamat?