settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga ang pagpapasalamat sa Diyos?

Sagot


Ang Bibliya ay puno ng utos na magpasalamat sa Diyos (Awit 106:1; 118:1; 1 Cronica 16:34; 1 Tesalonica 5:18). Nakatala sa mga talatang nabanggit ang mga dahilan kung bakit dapat tayong magpasalamat sa Kanya, kagaya ng, “ang pag-ibig Niya'y tunay laging tapat kailanman” (Awit 136:3), “Siya ay mabuti” (Awit 118:29), at “ang kanyang habag ay walang hanggan” (Awit 100:5). Ang pagpapasalamat at pagpupuri ay laging magka akibat. Sapagkat hindi natin pwedeng purihin at sambahin ang Diyos ng hindi tayo nagpapasalamat.

Ang pakiramdam at pagpapahayag ng pagpapahalaga ay makabubuti sa atin. Tulad ng isang matalinong ama, nais ng Diyos na maging mapagpasalamat tayo sa lahat ng kaloob Niya sa atin (Santiago 1:17). Para rin sa ating kapakanan ang maipaalala sa atin na ang lahat ng bagay na mayroon tayo ay kaloob mula sa Kanya. Sapagkat kung hindi natin matutunan ang pagpapasalamat ay magiging arogante at magiging makasarili tayo. Magiging dahilan ito upang paniniwalaan natin na nakuha natin ang lahat ng mayron tayo dahil sa ating sarili. kaya't dapat nating tandaan na ang pagiging mapagpasalamat ay daan upang manatili ang ating kaugnayan sa Tagapagbigay ng lahat ng mabubuting kaloob.

Ang pagpapasalamat ay nagpapaalala rin sa atin kung gaano na karami ang mga bagay na mayroon tayo. Ngunit ang tao ay sadyang madaling mahulog sa pag iimbot. nakatuon tayo sa mga bagay na wala sa atin. Subalit kung patuloy tayong pagpapasalamat ay makikita natin na labis-labis pala ang mga bagay na mayroon tayo. Tayo ay higit na magiging masaya kapag tumingin tayo sa pagpapala sa halip na sa mga gusto lang natin. Nagbabago rin ang ating pananaw kapag natuto tayo maging mapagpasalamat sa mga bagay na madalas ay binabalewala natin. At napapagtanto natin na hindi pala tayo mabubuhay kung wala ang mahabaging biyaya ng Diyos.

Sinasabi sa 1 Tesalonica 5:18 na, ”magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.” Nararapat lamang na maging mapagpasalamat tayo hindi lamang sa mga bagay na gusto natin kundi maging sa mga pangyayaring hindi natin gusto. Maiiwasan natin ang sama ng loob kapag ang layunin natin ay pasalamatan ang Diyos sa lahat ng bagay na pinahihintulutan Niyang dumating sa buhay natin. Nangangahulugan lamang na hindi tayo pwedeng maging mapagpasalamat pero masama naman ang loob. Sapagkat hindi natin Siya pinasasalamatan dahil sa masama, kundi dahil inaalalayan at pinapanatili Niya tayo sa pamamagitan nito (Santiago 1:12). Hindi natin Siya pinasasalamatan dahil sa sakit na hindi naman Siya ang nagdulot, ngunit, pinasasalamatan natin Siya dahil sa lakas na ibinibigay Niya upang makayanan natin iyon (2 Corinto 12:9).Pinasasalamatan natin Siya dahil sa Kanyang pangako na ”...sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin” (Roma 8:28).

Maaari tayong magkaroon ng pusong mapagpasalamat sa Diyos kahit ang ating pakiramdam ay humahadlang upang gawin ito dahil sa hindi magandang pangyayari. Maaari din tayong maging mapagpasalamat sa kabila ng kapighatian, maaaring nasasaktan tayo ngunit pwede pa ring ipagpasalamat. Pwede tayong magalit sa kasalanan subalit maaari ding magpasalamat sa Diyos. Iyan ang tinawag sa Bibliya na “alay ng pagpupuri” (Hebreo 13:15). Tandaan natin, ang pagpapasalamat sa Diyos ay nagpapanatili ng ating puso sa tamang kaugnayan sa Kanya at inililigtas tayo nito sa mapanganib na emosyon at pag uugaling maaaring umagaw ng kapayapaang gusto ng Diyos na maranasan natin (Filipos 4;6-7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga ang pagpapasalamat sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries