Tanong
Ano ang pagpapawalang sala?
Sagot
Sa isang simpleng pakahulugan, ang pagpapawalang sala ay ang pagdedeklara na matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos. Ang pagpapawalang sala ay ang pagdedeklara ng Diyos sa mga tumanggap kay Kristo bilang Tagapagligtas na sila ay matuwid dahil sa katuwiran na ipinasa sa kanila ni Hesu Kristo (2 Corinto 5:21). Ang pagpapawalang sala ay isang prinsipyo na matatagpuan sa buong Bibliya. Ang pangunahing mga talata na naglalarawan sa paksang ito ng buong linaw ay ang Roma 3:21-26: "Ngunit ngayo'y nahayag na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng batas, bagamat ito'y pinatotohanan ng Kautusan at ng mga propeta. Pinawawalang-sala ng Diyos ang lahat ng nananalig kay Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa Kanya, maging Judio at maging Hentil. Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos. Gayunman, dahil sa Kanyang kagandahang-loob ay pinawalang-sala sila sa pamamagitan ni Cristo Jesus, na nagpalaya sa kanila. Siya ang itinakda ng Diyos na maging handog upang sa pagbububo ng Kanyang dugo ay maipatawad ang kasalanan ng tao sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya. Ginawa ito ng Diyos upang ipakilalang siya'y matuwid, sapagkat noong una, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. At sa ngayon, pinawalang-sala Niya ang mga nananalig kay Jesus upang patunayang siya'y matuwid."
Tayo ay pinawalang sala at ibinilang na matuwid sa panahon ng ating kaligtasan. Hindi tayo ginawang matuwid ng pagpapawalang sala, manapa ay ibinilang lamang tayong matuwid. Ang ating katuwiran ay hindi sa ating sarili kundi dahil sa paglalagak natin ng ating pananampalataya sa natapos na gawain ng pagliligtas ni Hesu Kristo. Ang Kanyang paghahandog sa Diyos ang nagtakip sa ating mga kasalanan at Siyang dahilan upang tingnan tayo ng Diyos bilang banal at walang kapintasan. Dahil bilang mga mananampalataya, tayo ay "na kay Kristo" na. Ang nakikita ng Diyos sa tuwing tinitingnan Niya tayo ay ang katuwiran ni Kristo. Ang katuwiran ni Kristo na nasa mga mananampalataya ang kumatagpo sa hinihinging katwiran ng Diyos bilang kundisyon sa Kanyang pagpapawalang sala. Idineklara Niya tayong makatwiran dahil sa katwiran ni Hesus kaya tayo ay napawalang sala sa Kanyang harapan.
Ipinaliwanag ng buong linaw ni Pablo sa Roma 5:18-19 ang katotohanang ito: "Kaya't kung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pagkamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, gayon din naman, marami ang pawawalang-sala sa pagsunod ng isang tao." Dahil sa pagpapawalang sala, ang kapayapaan ng Diyos ay ating nararanasan sa ating mga puso at buhay. Ito ang dahilan kung bakit ang mga mananampalataya ay may katiyakan na ng kaligtasan. Ang pagpapawalang sala din naman ang nagbibigay sa atin ng kakayahan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na umpisahan ang proseso ng pagpapaging banal - ang proseso kung saan ginagawang makatotohanan ng Diyos ang kabanalan na mayroon na tayo ng tayo ay manampalataya kay Hesu Kristo. "Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pamamagitan Niya'y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos" (Roma 5:1).
English
Ano ang pagpapawalang sala?