Tanong
Bakit napakahalagang doktrina ang pagpapawang sala sa pamamagitan ng pananampalataya?
Sagot
Ang katuruan tungkol sa pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya ang ipinagkaiba ng Biblikal na Kristiyanismo sa ibang sistema ng paniniwala. Sa bawat relihiyon, at sa ilang sangay ng tinatawag na “Kristiyanismo,” ang tao ang gumagawa ng paraan upang makalapit sa Diyos. Tanging ang totoo at Biblikal na Kristiyanismo lamang nagtuturo na ang tao ay naliligtas sa biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Kung babalik tayo sa itinuturo ng Bibliya, makikita natin na ang pagpapawalang sala ng Diyos sa tao ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa.
Ang salitang “pinawalang sala” ay nangangahulugang “idineklara o itinuring na matuwid.” Para sa isang Kristiyano, ang pagpapawalang sala ay gawa ng Diyos kung kailan hindi lamang Niya pinatawad ang mga kasalanan ng mananampalataya kundi ibinigay din sa kanya ang katuwiran ni Kristo. Sinasabi sa maraming mga talata sa Bibliya na ang pagpapawalang sala ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya (halimbawa sa Roma 5:1; Galacia 3:24). Ang pagpapawalang sala ay hindi nakakamtan sa pamamagitan ng ating mga gawa; sa halip, tayo ay nasasaklaw ng katuwiran ni Kristo (Efeso 2:8; Tito 3:5). Sa pagdedeklara ng Diyos sa isang Kristiyano bilang matuwid, pinalaya Niya siya mula sa paguusig ng kasalanan.
Ang pagpapawalang sala ay isang gawaing kinumpleto ng Diyos, at nagaganap sa isang iglap, hindi tulad sa pagpapaging banal na isang nagpapatuloy na proseso ng paglago kung saan ang isang mananampalataya ay nagiging kagaya ni Kristo (1 Corinto 1:18; 1 Tesalonica 5:23). Nagaganap ang pagpapaging banal pagkatapos ng pagpapawalang sala.
Ang tamang pangunawa sa doktrina ng pagpapawalang sala ay mahalaga para sa isang Kristiyano. Una, ang mismong pangunawa sa pagpapawalang sala at sa biyaya ng Diyos ang nagtutulak sa isang Kristiyano sa paggawa ng mabubuting gawa at sa paglagong espiritwal; kaya nga ang pagpapawalang sala ay nagbibigay daan sa pagpapaging banal. Gayundin naman, ang katotohanan na ang pagpapawalang sala ay isang gawain na tinapos ng Diyos ay nangangahulugan na may katiyakan na ng kaligtasan ang mga Kristiyano. Sa paningin ng Diyos, ang mga Kristiyano ay nagtataglay ng katuwiran na kinakailangan upang maranasan ang buhay na walang hanggan.
Matapos na mapawalang sala ang isang tao, wala ng iba pang kinakailangang gawin upang siya’y makapunta sa langit. Dahil nararanasan ang pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, ayon sa Kanyang ginawa para sa atin, ang ating sariling mga gawa ay hindi karapatdapat na kasangkapan sa ating kaligtasan (Roma 3:28). Marami ngayong sistema ng relihiyon na may masalimuot na teolohiya na nagtuturo ng maling doktrina ng pagpapawalang sala sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Ngunit ang itinuturo nila ay “ibang Ebanghelyo – at hindi tunay na Ebanghelyo” (Galacia 1:6–7).
Kung walang pangunawa sa pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi natin tunay na mauunawaan ang maluwalhating biyaya ng Diyos – isang biyayang hindi tayo karapatdapat na tumanggap – sa halip ito ay nagiging gantimpala sa ating mga isip at naguumpisa tayong magisip na karapatdapat tayo sa kaligtasan. Tinutulungan tayo ng doktrina ng pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya na huwag maniwala sa kasinungalingan ng Diyablo na kaya nating pumunta sa langit sa pamamagitan ng ating sariling lakas at pagsisikap. Ang doktrinang ito ang tumutulong sa atin upang magpatuloy sa ating “dalisay na paglilingkod kay Kristo” (2 Corinto 11:3). Ang panghahawak sa doktrinang ito ang pumipigil sa atin sa pagbagsak sa kasinungalingan na karapatdapat tayo sa langit. Walang anumang ritwal, sakramento, o mabubuting gawa ang magpapaging dapat sa atin sa harapan ng Diyos. Ito ay sa biyaya lamang ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya, na ipinagkaloob Niya sa atin ang kabanalan ng kanyang Anak. Parehong itinuturo sa Luma at Bagong Tipan na “Ang matuwid ay mamumuhay sa pananampalataya” (Habakuk 2:4; Roma 1:17; Galacia 3:11; Hebreo 10:38). English
Bakit napakahalagang doktrina ang pagpapawang sala sa pamamagitan ng pananampalataya?