Tanong
Bakit mahalaga ang pagpapayo sa magkasintahan bago ang kasal?
Sagot
Ang pagpapayo sa ikakasal ay karaniwang responsibilidad ng pastor o ng lider ng isang kongregasyon, bagama't maaari itong gawin ng isang miyembro ng staff o miyembro ng isang departamento ng Iglesya o ng isang Kristiyanong tagapayo. May mga pastor na hindi nagkakasal malibang magpapayo muna sa kanya ang ikakasal sa isang serye ng sesyon ng pagpapayo. Alam ng mga pastor ang pagpapala at mga hamon sa pagaasawa at nais nilang tulungan ang mga magpapakasal sa ikatatagumpay ng kanilang pagsasama. Itinuturing nila na isang mahalagang bahagi ng paghahanda ang pagpapayo bago manumpa ang magasawa sa harap ng dambana at upang maging bukas ang kanilang isipan at handa sa pagharap sa buhay may asawa at mapanatili ang katatagan ng kanilang pagsasama.
Sa kanyang tagubilin kay pastor Tito, sinabi ni Pablo na magsanay ito ng iba na magiging tagapagturo sa iba na siya namang magtuturo sa mga nakababata sa kanila (Tito 2:1–6). Ito ay isang pagpapayo na ang sentro ay pagtuturo ng katotohanan at mga pamantayan na naaayon sa Bibliya patungkol sa pakikipagrelasyon sa iba. Napakahalaga din ng prinsipyong ito sa mga sitwasyon bago ang pagaasawa. Hindi natin magagamit ang anumang bagay na hindi natin nalalaman at ang pagtanda sa edad ay hindi garantiya sa paglago sa emosyon at espiritwal. Ang magkasintahan na nagpaplanong magpakasal ay dapat na turuan ng mga bagay tungkol sa relasyong magasawa mula sa pananaw ng Kasulatan.
Kasama sa nilalaman ng pagpapayo bago ang kasal na nakabase sa mga prinsipyo ng Bibliya ang papel na ginagampanan ng magasawa sa bawat isa at sa kanilang magiging mga anak (Efeso 5:22—6:4; Colosas 3:18–21). Ang ganitong pagpapayo ay isang napakagandang paraan upang linawin ang mga maling akala tungkol sa pagaasawa upang makagawa ng mga plano at malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng pamantayan ng Bibliya at pamantayan ng mundo. Napakahalaga para sa pastor, matanda sa iglesya o sinumang tagapayo na maging tama ang doktrina, maayos ang pamamalakad sa sariling pamilya at maayos ang relasyon sa sariling asawa at mga anak (1 Timoteo 3:4–5; Tito 1:7) at namumuhay na musunurin sa Salita ng Diyos. Ang ganitong uri ng tagapayo ay nakahandang ibahagi ang pananaw ng Kasulatan sa ikakasal ng malinaw at walang pagaalinlangan.
Ang pagpapayo bago ang kasal ay isa ring napakagandang lugar kung saan maaaring magtanong ang mga ikakasal tungkol sa kanilang mga isyu gaya ng paghawak ng pera, paghahati ng gawain sa tahanan, pagpaplano kung saan gugugulin ang bakasyon, at kung paano magdidisiplina ng magiging mga anak at iba pa. Maaari ding gabayan ng tagapayo ang ikakasal sa pagtalakay sa mga bagay na kanilang nakita sa sariling magulang at kung ano ang kanilang dapat tularan at dapat iwasan mula sa kanilang halimbawa.
Ang solido at pagpapayong naaayon sa Bibliya ang maaaring maging pagkakaiba sa pagitan ng isang magasawa na alam kung paano haharapin ang mga pagsubok at problema at nagtatagumpay sa mga iyon at sa isang magasawa na hindi makapagtagumpay sa mga pagsubok at nagtitiwala sa pananaw at pamantayan ng mundo upang gabayan sila. Dapat na magtalaga ng panahon ang mga ikakasal upang sumailalim sa pagpapayo bago ang kanilang kasal upang maihanda ang kanilang pagsasama ayon sa kalooban ng Diyos.
English
Bakit mahalaga ang pagpapayo sa magkasintahan bago ang kasal?