settings icon
share icon
Tanong

Kailan maaaring humingi ng payo ang magasawang Kristiyano patungkol sa kanilang problemang magasawa?

Sagot


Ang magasawa na may problema sa kanilang pagsasama ay dapat na humingi ng payo habang maaga pa. Ang lahat ng pagsasama ay dumadaan sa mga suliranin at kung hindi malalapatan ng lunas ay maaaring magresulta sa malaking lamat sa relasyon ng magasawa na maaaring hindi na maayos pa. Sa tuwina, dahil sa pagmamataas o kahihiyan, may magasawa na hindi humihingi ng tulong sa iba upang maisaayos ang pagsasama. Naghihintay sila hanggang sa lumaki na ng sobra ang problema hanggang sa masira na ang pagsasama at wala ng magagawa pa ang tagapayo. Sinasabi sa Kawikaan 11:14, "Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan…"

Ang paulit-ulit na mga isyu sa pagsasama ng magasawa ay tulad sa mga senyales sa kalsada na nagbababala sa mga panganib na darating. Ilan sa mga senyales na ito ng panganib ang mga sumusunod:

1. Kawalan ng kakayahan na lutasin ang mga problema sa isang maayos na pamamaraan

2. Isa sa magasawa ang laging nasusunod sa relasyon anupa't hindi nakakatagpo ang pangangailangan ng kabiyak

3. Kawalan ng kakayahang makipagkompromiso sa asawa

4. Alinman sa magasawa ay lumalabas sa relasyon upang ayusin ang mga problema.

5. Pagkasira ng komunikasyon

6. Pagkalito sa papel na ginagampanan ng bawat isa sa kanilang relasyon bilang magasawa.

7. Pornograpiya

8. Panloloko

9. Hindi pagkakasundo sa istilo ng pagpapalaki ng mga anak

10. Adiksyon

Kung kinikilala ng magasawa ang mga babalang ito ng panganib sa kanilang pagsasama, isang matalinong pagpapasya ang paghingi ng payo mula sa isang Kristiyanong tagapayo. Gayunman, hindi lahat ng nagsasabi na sila ay Kristiyanong tagapayo ay totoong gumagamit ng Bibliya sa Kanilang pagpapayo. Maaaring maganda ang motibo ng mga kapamilya at kaibigan, ngunit maaari silang makapagpayo ng labag sa Kasulatan na siyang magiging dahilan ng mas malaking problema. Dapat na pumili ng isang tagapayo na nagtitiwala sa Banal na Kasulatan bilang pundasyon ng kasulugang emosyonal. Maraming nakakalungkot na kuwento ang naranasan ng mga taong himingi ng payo mula sa kanilang mga pinagtitiwalaang tagapayo, ngunit sa huli ay nalaman nila na ang mga tagapayong ito ay mga "lobo na nagdadamit tupa" (Mateo 7:15) na binabalewala ang kasalanan at pinapayuhan ang magasawa ng mga payong hindi naaayon sa Bibliya.

Ilang katanungan ang dapat na itanong sa pagkilala sa isang tagapyo upang maiwasan ang mga "lobo na nagaanyong tupa" bago magsayang ng pera at oras sa kanila. Dapat na ikunsidera ng magasawa na nagiimbestiga sa mga tagapayo ang mga sumusunod:

1. Saang paaralan nagsanay ang tagapayo at saan siya kumuha ng lisensya? Mas Malaki ang tsansa na makakuha ng makadiyos na pagpapayo kung ang isang tagapayo ay nagsanay sa isang programa ng pagpapayo mula sa isang Kristiyanong seminaryo o paaralan kaysa sa isang sekular na organisasyon o unibersidad. Ang lisensya na ibinigay ng estado ay hindi isang garantiya na makakatanggap ang magasawa ng mas magandang payo. Ang magaling na pagpapayo na naaayon sa Kasulatan ay maaaring makuha mula sa mga pastor, manggagawa sa iglesya, at sa mga grupo ng Kristiyano.

2. Ang tagapayo ba ay may karanasan sa mga partikular na isyu na kinakaharap ng magasawa? Ang ilang katanungan gaya ng, "Ano ang kanyang pananaw sa adiksyon sa pornograpiya?" ay makatutulong kung sasangayon o hindi sa pananaw ng tagapayo.

3. Sumasang-ayon ka ba sa pilosopiya ng tagapayo o sa pilosopiya ng kanyang relihiyong kinabibilangan? May mga sekta at denominasyon na nagpapakilalang Kristiyano ngunit maaaring napakalayo ang paniniwala sa pinaniniwalaan ng magasawa upang makinabang sila sa kanyang pagpapayo. Mas magiging epektibo ang pagpapayo kung pipili ang magasawa ng isang tagapayo na kapareho ang paniniwala sa kanilang sariling grupo ng relihiyon.

Walang sinuman ang makatitiyak sa perpektong resulta; ngunit ang pagkunsidera sa mga nasabing katanungan sa itaas ay makatutulong. Ang Diyos ay para sa pagaasawa; kinamumuhian Niya ang paghihiwalay (Malakias 2:16). Ang unang hakbang na dapat na gawin ng magasawa ay humingi sa Diyos ng gabay upang dalhin sila sa isang tamang tagapayo. Kailangan ang paghahanap ngunit sulit ang panahong gugugulin upang makakuha ng isang tagapayo na makakapagbigay ng makadiyos na pagpapayo sa isang pagsasamang nakakaranas ng mga problema.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailan maaaring humingi ng payo ang magasawang Kristiyano patungkol sa kanilang problemang magasawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries