settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagpaplano ng pamilya?

Sagot


Ang pagpaplano ng pamilya ay ang pagtatakda ng dami o bilang ng anak, kabilang ang pagkontrol sa pagitan ng mga taon ng pagsisilang ng sanggol sa pamamagitan ng mga artipisyal na gamot, kusang loob na pagpapaopera, paggamot sa kawalan ng abilidad na manganak, paggamit ng mga natural na pamamaraan sa pagkontrol ng bilang ng mga anak o mga pamamaraan na kung hindi man pumipigil ay tumutulong sa pagbuo ng sanggol sa sinapupunan ng ina. Magkakaiba ang mga dahilan sa pagnanais sa ganitong uri ng pagkontrol at maaaring maimpluwensyahan ng maraming kadahilanan gaya ng trabaho, isyu sa relasyon, pinansyal na kalagayan, pisikal na karamdaman, sitwasyon ng pamumuhay at marami pang iba.

Dahil hindi pa uso ang modernong pagpaplano ng pamilya noong panahon ng Bibliya, tahimik ang Bibliya sa paksa ng paggamit sa mga pamamaraang ito upang pigilan o pabilisin ang pagbubuntis. Ang pagpipigil sa pagbubuntis para sa layunin ng pagpaplano sa bilang ng dami ng anak, panandalian man o permanente ay hindi maituturing na kasalanan, gayundin ang paghahanap ng gamot para sa pagiging baog. Gayunman, dapat na magkasundo ang magasawa sa anumang desisyon patungkol sa bagay na ito.

Habang hindi mali ang magplano ng pamilya para sa magasawang nagpaplano para sa hinaharap, hindi mapipigilan ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos anuman ang paghahanda at pagpaplanong gawin ng sinuman. Sinasabi sa Kawikaan 16:9, "Ang tao ang nagbabalak,ngunit si Yahweh ang nagpapatupad." Kung kalooban ng Diyos na bigyan ng anak ang magasawa, hindi ito mapipigilan ng anumang pamamaraan ang gamitin para mapigilan ang pagbubuntis. Kung magtalik ang magasawa, gumagamit man sila o hindi ng anumang pampigil sa pagbubuntis, dapat pa rin silang maghanda sa posibilidad ng pagkakaroon ng anak.

Kung hindi inaasahan o hindi kalooban ng magasawa ang pagbubuntis, dapat na hayaan ang pagbubuntis. Ang pagpapalaglag o paginom ng mga gamot upang pigilan ang pagbuo ng sanggol sa tiyan ay hindi katanggap-tanggap na paraan ng pagpipigil sa pagbubuntis. Ang paginom ng gamot pagkatapos na mabuo ang sanggol sa tiyan ng ina ay kikitil sa buhay ng tao sa sinapupunan. Kilala ng Diyos ang lahat ng tao bago pa sila isilang at buong pagmamahal Niyang inanyuan ang kanilang katawan sa sinapupunan ng kanilang ina (Jeremias 1:5; Awit 139:13–16). Maraming pagpipilian ang maaaring ikunsidera ng ayaw magalaga at magpalaki ng kanilang anak kabilang ang pagpapaampon.

Ang mga bata ay kaloob na mula sa Diyos (Awit 127:3–4), ngunit kalakip nito ang mabigat na responsibilidad para sa mga magulang. Kung magdesisyon ang magasawa na hindi pa sila handa sa pagkakaroon ng mga anak o nais nilang magpaplano kung kailan nila gustong magkaanak ito ay isang desisyon na kanilang dapat pagkasunduan. Sa pamamagitan ng panalangin at paguusap, dapat na matalinong magplano ang lalaki at babae para sa kanilang hinaharap at sa hinaharap ng mga bata na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos (Kawikaan 16:3; 21:5; Santiago 1:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagpaplano ng pamilya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries