settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagpatay dahil sa awa o mercy killing?

Sagot


Ang “pagpatay dahil sa awa” o “mercy killing” ay ang “pagpapabaya sa isang tao o hayop na mamatay ng walang nadaramang sakit o sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng kaukulang serbisyong medikal, kadalasan ay dahil sa isang sakit na wala ng lunas.” Ang pagpatay dahil sa awa o mercy killing ay tinatawag din sa salitang ingles na “euthanasia.”

Ang salitang Griyegong euthanasia ay maaaring isalin sa salitang “magandang kamatayan” na katulad din ng salitang “pagpatay dahil sa awa” at ginagawang katanggap-tanggap ng mga terminolohiyang ito ang ‘pagpatay’ sa gitna ng isang mahirap na sitwasyong medikal. Kung nakadarama ng sobrang sakit, pagkawala sa sarili o iba pang mahirap na kundisyong medikal ang isang tao, likas sa atin na pagaanin ang pakiramdam ng taong iyon sa anumang kaparaanan lalo na kung ito ay isang miyembro ng pamilya o malapit na kaibigan. Napakalakas ng pagnanais na ito na maibsan ang sakit ng naghihirap na kadalasan ay umaabot sa punto na pinababayaan ng mamatay ang isang tao sa halip na mabuhay.

Hindi na bago sa sangkatauhan ang paglalaban sa pagitan ng pagnanais na tapusin na ang pagdurusa at pagnanais na mabuhay. Sa katotohanan, sinasabi sa isa sa pinakaunang kuwento sa Bibliya sa aklat ni Job ang pagnanais ni Job na mamatay na sa gitna ng kanyang paghihirap. Nagdalamhati si Job para sa kanyang buhay, hanggang sa punto na hilingin na niya sa Diyos na kunin na ang kanyang buhay sa halip na hayaang magpatuloy ang kanyang nararanasang sakit - sa emosyonal, pisikal at espiritwal (Job 6:8-11). Sinabi ni Job, “Na anopa't pinipili ng aking kaluluwa ang pagkainis, at ang kamatayan kay sa aking mga butong ito. Aking kinayayamutan ang aking buhay; di ko na ibig mabuhay magpakailan man: bayaan akong magisa; sapagka't ang aking mga kaarawan ay walang kabuluhan” (Job 7:15-16).

Sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang damdamin ni Job? Kinikilala ng Bibliya na umiiral ang ganitong damdamin ng sangkatauhan. Sa kanilang desperasyon, may iba pang mga karakter sa Bibliya na hiniling na maagang matapos ang kanilang buhay kabilang si Elias (1 Hari 19:4) at Saul (1 Cronica 10:4). Kinikilala ng Kasulatan ang emosyon at maging ang lohika na maaaring sumuporta sa ideya ng “pagpatay dahil sa awa.” Gayunman, hindi tayo nabubuhay sa pamamagitan ng emosyon o lohika kundi sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma 1:17). Hindi natin mauunawaang lubos ang plano at karunungan ng Diyos. Siya ang Tagapagbigay at Tagapagingat ng buhay (Nehemias 9:6), at wala tayong karapatan na pangunahan ang Kanyang desisyon. Sa pagtatapos ng kuwento ng buhay ni Job, binalaan siya ng kanyang kaibigang si Elihu, “Ikaw ay magingat, huwag mong lingunin ang kasamaan; sapagka't ito'y iyong pinili sa halip ng kadalamhatian” (Job 36:21). Wala tayong karapatan na magdesisyon kung kailan o sa kung paanong paraan tayo mamamatay. Ang “pagpatay dahil sa awa” o “mercy killing” ay kasalanan laban sa Diyos at paglaban sa Kanyang plano at kapangyarihan.

Isang teologong Aleman na nagngangalang Dietrich Bonhoeffer ang personal na dumaan sa sobrang pagdurusa. Nabilanggo siya at sa huli ay pinarusahan ng kamatayan ng Third Reich noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Habang nasa bilangguan, isinulat niya sa kanyang aklat na may titulong Ethics na nalathala pagkatapos niyang mamatay: “Ang karapatan na tapusin ang buhay ay para sa Diyos lamang dahil ang Diyos lamang ang nakakaalam ng layunin ng buhay ng bawat tao. Kaya, Siya lamang ang may karapatang bumawi o magpahaba sa buhay ng tao.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagpatay dahil sa awa o mercy killing?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries